Amen Catholic Missionary Ministry

Amen Catholic Missionary Ministry In Revelation 3:14 Jesus Christ is referred to as the AMEN, the faithful and true witness, the beginning of the creation of God.

01/08/2023

16/03/2023

MAGANDANG BALITA NGAYON - BIYERNES NG IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

MARCOS 12, 28b-34 Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, "Alin pong utos ang pinakamahalaga?" Sumagot si Hesus, "Ito ang pinakamahalagang utos, 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos - siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.' Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito." "Tama po, G**o!" wika ng eskriba. "Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain." Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya't sinabi niya, "Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos." At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.

MAGNILAY: Paano natin mamahalin ang Diyos na hindi natin nakikita? Mamahalin natin siya sa pamamagitan ng ating kapwa na nakikita natin. Ang kapwa natin ang mukha ng Diyos na dapat nating mahalin at paglingkuran lalo ang mga dukha at nagdurusa. Ganito magkabuhol ang mga utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang kapwa. Ang isa ay una at ang isa ay ikalawang pinakamahalaga. Bagama't una at ikalawa pero hindi puwedeng mapaghiwalay. Imposibleng gawin ang isa na wala ang isa. Hindi natin kayang mahalin ang Diyos na hindi natin minamahal ang kapwa. At ang mahalin ang kapwa ay mahalin ang Diyos na ang mukha ay nakikita natin sa ating kapwa. Ang nagsasabing mahal nila ang Diyos nang hindi nagmamahal sa kapwa ay sinungaling!

MANALANGIN: Panginoon, sa kapwa nawa kita mahalin at paglingkuran.

GAWIN: Huwag ka lang puro dasal. Lagi mong samahan ang kawanggawa at malasakit sa kapwa.

MAGANDANG BALITA NGAYON - HUWEBES NG IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA LUKAS 11:14-23 Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus...
15/03/2023

MAGANDANG BALITA NGAYON - HUWEBES NG IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

LUKAS 11:14-23 Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito'y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, "Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo." May iba naman nais siyang subukin, kaya't nagsabi, "Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo." Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya't sinabi sa kanila, "Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamahagi ang ari-ariang inagaw.

Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon."

MAGNILAY: May mga taong wala nang makitang mabuti sa kapwa. Kahit ang mabuting ginagawa ng iba ay pinararatangan nilang may maitim na intensyon na katulad nila. Puno sila ng galit, inggit at lahat ng uri ng negatibidad. Wala silang pinagkakatiwalaan kahit sarili nila. Wala silang kakayanang maging maligaya.

Ganito ang mga kalaban ni Hesus. Sukdulan ang kanilang negatibidad kaya't umabot sa pagparatang sa kanya na demonyo ang nasa likod ng kanyang mga himala. Malala na ang katigasan ng kanilang puso kaya't pati ang Diyos na pinagmulan ng kapangyarihan ni Hesus ay walang pakundangan nilang nilapastangan.

MANALANGIN: Panginoon, tulungan mo kaming aminin na kami ang may diperensiya na nangangailangan na umayos.

GAWIN: Pakinggan at ayusin mo ang sarili mo sa sobra mong negatibo sa iba.

11/10/2022
08/10/2022

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 17, 11-19 Noong panahong iyon, sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesu at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”

MAGNILAY: Natuto tayong magpasalamat bilang kagandahang-asal. Kagaspangan ng ugali ang hindi magpasalamat kapag pinagpakitaan ka ng kagandahang-loob. Hindi katanggap-tanggap na asal ang hindi magpasalamat. Samantala ang magpasalamat ay nagpapakita na maganda ang pagpapalaki sa iyo. Pinalaki ka sa kagandahang asal.

Pero hindi lang dapat matapos sa panlabas na kagandahang-asal ang pagpapasalamat. Sa pamamagitan ng kagandahang-asal na ito matutunan nawa natin ang totoong malugod sa kabutihang-loob ng iba. Ang tunay na pagpapasalamat ay bumubukal sa puso. Ang kakayanang malugod sa mabuting ginagawa para sa iyo ay mahalaga. Marami ang hindi nahasa ang kakayanang malugod. Ginawan mo na ng lahat ng kabutihan pero hindi marunong malugod. Hindi nila kayang tumanggap ng pagmamahal kaya’t hindi rin nila ito kayang ibigay sa iba. Maraming nagmamahal sa kanila pero hindi sila maligaya at ang pakiramdam nila sila ang pinaka-kawawa at pinaka-pinagkaitan. Negatibo ang tingin nila sa sarili. Madalas silang mainggit sa magandang kapalaran ng iba. Hindi nila namamalayan na mas maganda ang kanilang kalagayan dahil sa mga taong nagmamalasakit sa kanila. Yun nga lang wala silang kakayanang malugod. Wala ka ring maaasahang pagpapasalamat sa ganitong mga tao. Kaya nga magturo tayo sa mga bata at kabataan na magpasalamat hindi lang bilang panlabas na kagandahang-asal kundi turuan natin silang tunay na kalugdan ang mga mabubuting bagay na meron sila at pasalamatan mula sa puso ang mga taong naging instrumento upang matanggap nila ito. Turuan natin silang maging maligaya at kontento sa pagpapalang meron sila.

Ang pagpapasalamat ay may mas malalim pang pinanggagalingan. Naka-ugat ito sa pagkabatid sa pagkilos ng Diyos sa kaniyang buhay. Nagiging mapagpasalamat ang puso kapag natunghayan niya ang Diyos na nagmamahal sa kanya sa kabila ng kaniyang pagiging hindi karapat-dapat. Ito ang pinapakita sa kuwento ni Naaman sa unang pagbasa na isang paganong ketongin pero pinagaling ng Diyos. Ganito rin sa Ebanghelyo kung saan isang Samaritano na tinuturing na tagalabas at marumi ng mga Hudyo ay isa sa pinagaling pero siya lang ang kumilala sa kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus at dahil dito nabuksan pa para sa kanya ang pinto ng marami pang pagpapala mula sa Diyos. Samakatuwid, ang maging mapagpasalamat sa malalim nitong karanasan ay espiritwal. Ang lahat ng espiritwalidad ang pundasyon ay pagpapasalamat sa Diyos. Ang lahat ng panalangin ang pundasyon ay pagpapasalamat din sa Diyos. Ang pinakamataas na pagsamba sa Diyos na iniwan ni Hesus sa atin - ang Banal na Misa - ay pagpapasalamat din ang tawag. Ang salitang Eukaristiya ay nangangahulugang pagpapasalamat. Ang Misa ay pagpapasalamat. Kaya nga palantandaan ng isang pusong marunong magpasalamat sa Diyos ang hindi mapakali kapag hindi siya nakapagsimba lalo sa araw ng Linggo. Sa puso niya nadarama niyang napakalaking kakulangan ang hindi makapagpasalamat sa Diyos.

Ang pagpapasalamat sa Diyos ay hindi para sa kanya kundi para rin sa atin. Walang anumang maidaragdag sa Diyos ang pagpapasalamat natin kundi tayo ang nadadagdagan. Kapag natuto tayong magpasalamat natututo tayong magmahal ng iba. Mula sa pusong nagagalak at nagpapasalamat bumubukal ang pagmamahal. Hindi puwedeng magmahal ang taong ang akala ay walang dahilan para magpasalamat siya. Ang hindi nakikita ang mabuting meron siya ay hindi puwdeng magmahal dahil ang magmahal ay magbahagi ng kabutihan na nakita niyang meron siya. Ang magpasalamat at magmahal ay halos magkasing-kahulugan.

Ano ang tungkol sa iyo ang dapat mong ipagpasalamat? Nababatid mo ba kung paano ang Diyos ay kumikilos sa iyong buhay upang ipadama niya ang kanyang pagmamahal? Pagpapasalamat ba ang salitang maglalarawan sa kabuoan ng iyong buhay?

MANALANGIN: Panginoon, turuan mo akong malugod, matuwa at makontento sa kung ano ang binigay mo sa akin at makuhang magpasalamat sa iyo. Salamat po sa lahat-lahat!

GAWIN: Huwag mong balewalain ang pasalamatan ang mga taong naging mabuti sa iyo. Lalong huwag balewalaing pasalamatan ang Diyos.

07/10/2022

MAGANDANG BALITA NGAYON - SABADO NG IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 11:27-28 Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaeng sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, "Mapalad ang babaeng nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!" Ngunit sumagot siya, "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!"

MAGNILAY: Marami sigurong mga ina noong panahong iyon na naghangad na sana naging anak nila ang Panginoong Hesus. Nangarap marahil sila na sila sana ang nagdala sa kanya sa kanilang sinapupunan at nagpasuso sa kanya. Laking kagalakan at karangalan nila kung sila ang naging ina ang Panginoon at nag-aruga sa kanya. Isa na ang babaeng ito na sumigaw sa karamihan upang parangalan ang kanyang ina. Gayunman, dineklara ng Panginoong Hesus na bagamat mapalad ang kanyang ina dahil siya'y naging anak niya pero higit pa sa pagiging mapalad ng kanyang ina ang mga taong tatanggap ng kanyang salita upang tuparin ito sa kanilang buhay. Sasakanila ang Panginoon at siya'y dadalhin nila sa kanilang mga puso. Doble ang pagiging mapalad ng Mahal na Birhen dahil hindi lang niya dinala ang Panginoong Hesus sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa kanya kundi naging ina siya ng Panginoon bunga ng kanyang pakikinig at pagtupad ng salita ng Diyos.

MANALANGIN: Panginoon, maging pagkain ko nawa araw-araw ang makinig ng iyong salita at tuparin ito.

GAWIN: Magbasa isang kabanata man lamang ng Bibliya kada araw at sikaping isabuhay ang mensahe nito.

Address

Imus
4103

Telephone

+639959219491

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Amen Catholic Missionary Ministry posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Place Of Worship

Send a message to Amen Catholic Missionary Ministry:

Share