17/06/2021
❤️ Spiritual Gift - For Life
📖 God says, "Kayong lahat ay nasa hustong gulang na. Ang ilan sa inyo ay nasa katanghaliang gulang; ang ilan ay nasa dapit-hapon na ng buhay. Naranasan mo nang hindi maniwala sa Diyos hanggang sa maniwala ka sa Kanya, at mula sa pagsisimulang maniwala sa Diyos tungo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at pagdanas sa gawain ng Diyos. Gaano karaming kaalaman na ang nakamtan ninyo tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga kabatiran ang natamo ninyo tungkol sa kapalaran ng tao? Maaari bang makamit ng isang tao ang lahat ng kanyang mga inaasam sa buhay? Ilang bagay sa loob ng ilang dekada ng inyong buhay ang naisakatuparan na ninyo ayon sa inyong ninais? Ilang bagay ang nangyari nang hindi ninyo inaasahan? Ilang bagay ang dumarating bilang kaaya-ayang mga sorpresa? Ilang bagay ang hinihintay pa ng mga tao na magbunga—walang malay na hinihintay ang tamang sandali, inaantabayanan ang kalooban ng Langit? Ilang bagay ang dahilan para makaramdam ang mga tao na sila’y walang magawa at bigo? Ang bawat isa ay puno ng pag-asa tungkol sa kanilang kapalaran, umaasa na ang lahat sa kanilang buhay ay aayon sa kanilang ninanais, na hindi sila mangangailangan ng pagkain o damit, na magkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang suwerte. Walang sinuman ang nagnanais ng isang buhay ng karukhaan at pang-aapi, puno ng paghihirap, at dinadagsa ng mga kalamidad. Subalit hindi maaaring mahulaan o makontrol ng mga tao ang lahat ng ito. Marahil para sa iba, ang nakaraan ay isa lamang pagkakahalu-halo ng mga karanasan; hindi nila kailanman natutuhan kung ano ang kalooban ng Langit, ni wala silang pakialam kung ano ito. Namumuhay sila nang hindi nag-iisip, tulad ng mga hayop, nabubuhay sa araw-araw, walang pakialam tungkol sa kapalaran ng sangkatauhan o kung bakit buhay ang mga tao o kung paano sila dapat mamuhay. Ang mga taong ito ay tumatanda na walang natamong pagkaunawa tungkol sa tadhana ng tao, at hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan ay wala silang ideya kung tungkol saan ang buhay. Ang mga taong tulad nito ay patay; sila’y mga nilalang na walang espiritu; sila’y mga hayop. Bagama’t ang mga tao ay nabubuhay sa loob ng sangnilikha at kumukuha ng kasiyahan mula sa maraming paraang nabibigyang-kasiyahan ng mundo ang kanilang materyal na mga pangangailangan, at kahit na nakikita nilang patuloy na sumusulong ang materyal na mundong ito, gayunman ang kanilang sariling karanasan—kung ano ang nadarama at nararanasan ng kanilang mga puso at kanilang mga espiritu—ay walang kinalaman sa mga materyal na bagay, at walang anumang materyal ang maipapalit sa karanasan. Ang karanasan ay isang pagkilala sa kaibuturan ng puso ng tao, isang bagay na hindi maaaring makita ng mata lamang. Ang pagkilalang ito ay batay sa pag-unawa at pananaw ng tao sa buhay at kapalaran ng tao. At madalas nitong dinadala ang tao sa pangamba na isinasaayos ng di-nakikitang Panginoon ang lahat ng bagay at inihahanda ang lahat ng bagay para sa tao. Sa gitna ng lahat ng ito, walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang mga paghahanda at pagsasaayos ng kapalaran; walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang landas na inilatag ng Lumikha, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng isang tao. Ito ay isang hindi maikakailang katotohanan. Anuman ang kabatiran at saloobin ng isang tao tungkol sa kapalaran, walang makapagbabago sa katotohanang ito."