13/08/2026
Hi everyone! My name is Kristal.
Sa karamihan po sa inyo, baka hindi pa po ninyo ako kilala. Member po ako ng Conqueror’s Life Group, at ngayon gusto ko pong ibahagi sa inyo ang aking life testimony.
Galing po ako sa isang sirang pamilya. Lumaki po akong Katoliko, pero kahit Katoliko ako, hindi ko talaga kilala si Jesus. Nagsisimba lang ako tuwing Simbang Gabi dahil sabi nila, kapag natapos mo iyon, puwede kang humiling. Ang hinihiling ko noon ay sana mabuo ang pamilya namin.
Bago ako matulog, lagi akong nagdarasal ng “Ama Namin.” Pero kung tatanungin ako noon kung sino si Jesus, wala akong personal na sagot. May alam lang ako tungkol sa Kanya, pero hindi ko Siya tunay na kilala.
Bata pa lang ako, 7 years old, naranasan na namin ng kuya ko ang makisama sa iba’t ibang kamag-anak. Nagpalipat-lipat po kami ng bahay habang nagtatrabaho ang mga magulang namin. Hindi naman nila kami pinabayaan sa material na bagay, pero kulang ang pagmamahal at pag-aaruga ng isang magulang.
Masakit din sa part ko noon dahil akala ng mga magulang namin okay at masaya kami, pero hindi nila alam na binu-bully kami ng mga pinsan namin.
Dahil sa mga nangyari, madalas kong itanong sa sarili ko, “Ano ba ang purpose ng buhay ko?” Dumating pa sa punto na ilang beses kong sinubukang tapusin ang buhay ko dahil pakiramdam ko wala nang nagmamahal sa akin.
Pero ngayon alam ko na ang Diyos ang nagligtas at nag-ingat sa akin kahit hindi ko pa Siya kilala noon.
Way back 2024, mas lalo pang dumami ang mga problema ko. Imbes na ayusin ang buhay ko, lalo ko pa itong sinira. Lagi akong nasa labas ng bahay, sumasama sa barkada, patagong umiinom ng alak, naging palamura, mabilis magalit, mahilig makipag-away, manghusga at mag-chismis.
Dahil kulang ang pagmamahal na nararamdaman ko noon, naghanap ako ng pagmamahal sa ibang tao. Nagkaroon ako ng boyfriend dahil akala ko doon ko makikita ang love at care na hinahanap ko. Pero mali pala ako. Nasaktan lang ako.
Sinisi ko ang mga magulang ko at pati ang Diyos. Umabot pa ako sa puntong nagalit ako sa Kanya at lalo akong nagrebelde.
Marami akong napuntahang iba’t ibang simbahan, pero pagkatapos kong umattend, wala ring nagbago sa buhay ko.
Hanggang isang araw, inimbitahan kami ng pinsan ko sa life group. Sa totoo lang, ayoko talagang sumama dahil tinatamad ako. Pero ilang oras lang, sabi ko, “Sige na nga.”
Pagpasok pa lang namin sa LG, iba na ang naramdaman ko. Maraming tao ang bumati sa amin at pinaramdam nilang welcome kami. Hindi nila kami kilala, pero ipinakita nila ang pagmamahal nila.
Nang magsimula ang worship, hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako. Doon ko unang naramdaman ang pagmamahal ng Diyos. Doon ko naisip na may nagmamahal pala sa akin. Mahalaga pala ako sa Kanya.
Hindi naging madali ang pagbabago ko. Naging on-and-off pa rin ako sa pag-attend ng church.
Hanggang sa nakilala ko si Ate Cey, ang naging mentor ko. Kahit busy siya, lagi niya akong binibigyan ng oras, pinapakinggan, at tinuturuan tungkol sa Diyos. Doon ko nakita kung gaano ako kamahal, hindi lang ni Ate Cey, kundi ng Panginoon.
Naging consistent po ako sa church para ipakita kay Teacher Cey na nagsasamba ako. Pero habang palagi akong nakikinig sa Salita ng Diyos, unti-unti Niyang binago ang puso ko.
Ang dating palamura, natutong mag-ingat sa salita. Ang dating palaaway, natutong magpatawad. Ang dating punong-puno ng galit, napalitan ng kapayapaan.
At noong December 15, 2025, nagpabaptize po ako.
Ngayon, ginagamit na ako ng Diyos para magbahagi ng Kanyang kabutihan sa ibang kabataan, sa mga kaibigan ko, at sa mga kaklase ko.
Isa sa pinakamalaking pagbabago sa buhay ko ay ang natuto akong magpatawad. Kung dati galit na galit ako sa mga taong nanakit sa akin, ngayon kaya ko na silang ipagdasal at patawarin.
Hindi pa rin perpekto ang buhay ko. May mga pagsubok pa rin. Pero ngayon alam ko na hindi ako nag-iisa dahil kasama ko na ang Diyos.
Kung may natutunan man ako sa lahat ng pinagdaanan ko, ito iyon: Hindi kailanman huli ang lahat para magsimulang muli kapag kasama mo si Jesus.
Gusto ko pong iwan sa inyo ang verse na ito:
2 Corinthians 5:17
“Therefore, if anyone is in Christ, he is a new creation. The old has passed away; behold, the new has come.”
Sa Tagalog:
“Kaya’t kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay isa nang bagong nilalang. Ang mga lumang bagay ay lumipas na; narito, ang lahat ay naging bago.”
Ito po ang ginawa ng Diyos sa buhay ko. Hindi Niya lang binago ang ugali ko, binago rin Niya ang puso at pananaw ko sa buhay. Kung nagawa Niya po iyon sa akin, naniniwala akong kaya rin Niyang gawin sa bawat isa sa atin.