14/09/2022
Setyembre 14, 2022
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
MIYERKULES sa Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
✝️ MGA PAGBASA SA MISA
🙏 Unang Pagbasa:
Mga BILANG 21:4-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, "Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito." Dahil dito, sila'y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sino mang matuka nito ay namamatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, "Nagkasala kami Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito." Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, "Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay." Gayon nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
🙏 Salmo Responsorio:
AWIT 78:1-2, 34-38
:
HINDI NILA MALILIMOT
ANG DAKILANG GAWA NG D'YOS.
Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
Inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
Nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
:
HINDI NILA MALILIMOT
ANG DAKILANG GAWA NG D'YOS.
Datapwat noong sila'y lilipulin na ng Diyos,
Nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
:
HINDI NILA MALILIMOT
ANG DAKILANG GAWA NG D'YOS.
Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
Pagkat yao'y pakunwari't balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
Hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
:
HINDI NILA MALILIMOT
ANG DAKILANG GAWA NG D'YOS.
Gayun pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
Ang masamang gawa nila'y pinatawad niyang tambing;
Dahilan sa pag-ibig n'ya'y hindi wawasakin,
Kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
:
HINDI NILA MALILIMOT
ANG DAKILANG GAWA NG D'YOS.
🙏 Ikalawang Pagbasa:
FILIPOS 2:6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Jesus, na bagamat siya'y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian sa pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalan higit sa lahat ng pangalan. Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
🙏 Aleluya
Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
✝️ Mabuting Balita
JUAN 3:13-17
Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, "Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit -- ang Anak ng Tao.
"At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang gayon din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙏PANALANGIN NG BAYAN🙏
Ang Pagtatampok sa Krus na Banal
Manalangin tayo sa Diyos Ama na nagmahal nang labis sa mundo kaya’t ibinigay ang kanyang bugtong na Anak upang mamatay sa krus para sa atin.
:
PANGINOON, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN.
o kaya
SA PAMAMAGITAN NG KAPANGYARIHAN NG KRUS,
DINGGIN MO KAMI, O PANGINOON.
Ang Simbahan sa lupa nawa’y magpatuloy sa paglaban patungo sa tagumpay sa ilalim ng bandila ng krus. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mamamayan ng ibang bansa at kultura nawa’y makatagpo ng kalayaan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesukristong itinaas ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nangangailangan ng habag at pagpapatawad ng Diyos nawa’y makatagpo ng pag-asa sa krus ni Kristo bilang daan sa kapayapaan at pagkakasundo. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makita sa krus ni Kristo ang pag-asa sa lubos na paggaling at panunumbalik ng kalusugan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nahihimlay kay Kristo nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng sakripisyo ni Kristo. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming mapagmahal, nasa krus ang aming pag-asa sa buhay na ito at sa kabila. Ipagkaloob mo ang aming mga kahilingan habang nagpupuri kami sa iyo dahil sa iyong mga awa sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
🙏 ORATIO IMPERATA COVID 19
(Revised January 29, 2022)
Mahabagin at maawaing Ama, inaamin namin ang aming mga kasalanan at mapagpakumbabang dumudulog sa iyo upang makatagpo ng pagpapatawad at buhay.
Nagsusumamo kami sa iyo upang hilingin ang iyong patnubay laban sa CoVid 19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Tunghayan mo kami nang may pagmamahal.
at ipagadya kami ng inyong mapaghilom na kamay mula sa takot sa kamatayan at karamdaman.
Itaguyod mo kami sa pag-asa at patatagin sa pananampalataya.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan
na tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.
Pagpalain mo ang aming mga pagsisikap na mawakasan ng mga nalinang na gamot ang pandemya sa aming bayan.
Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit
upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit.
Pagkalooban mo sila ng kalusugan sa isip at katawan,
katatagan sa kanilang paninindigang maglingkod
at ipagsanggalang sa karamdaman.
Itinataas namin ang mga nagdurusa.
Makamtam nawa nila ang mabuting kalusugan.
Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila.
Pagkamitin mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong tulong tungo sa ikabubuti ng lahat.
Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan.
Sa pagdamay at malasakit namin sa bawa’t isa,
malampasan nawa namin ang krisis na ito
at lumago sa kabanalan at pagbabalik loob sa iyo.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo
na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, Diyos, magpasawalang hangan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos.
Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan
at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan,
maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
PANGINOON, DINGGIN MO PO ANG AMING PANALANGIN 🙏