22/09/2026
𝗜𝗞𝗔𝗔𝗣𝗔𝗧 𝗡𝗔 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗦𝗜𝗦𝗜𝗬𝗔𝗠 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗥𝗔𝗡𝗚𝗔𝗟𝗔𝗡 𝗡𝗜 𝗦𝗔𝗡 𝗚𝗔𝗕𝗥𝗜𝗘𝗟 𝗔𝗥𝗞𝗔𝗡𝗚𝗛𝗘𝗟
Namumuno: Panginoon, buksan mo ang aming mga labi.
Lahat: At purihin ka ng aming bibig.
Namumuno: Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo
Lahat: Kapara nang sa una, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.
PAMBUNGAD NA AWIT
Mahal na Patrong San Gabriel, kami'y tulungan mo. Aming puso at damdamin, mapalapit sa Diyos.
Araw-araw nag-aalay kaming naririto, Ng awiti't mga dasal, para sa lingkod mo.
Lubos kaming nalulugod, sa mga biyaya mo. Kami'y handa na maglingkod sa kapurihan mo.
O San Gabriel, O San Gabriel, Ika'y mahal namin. Aming mga kahilingan, sana'y iyong dinggin.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN:
Makapangyarihang Arkanghel Gabriel, pinili ka ng Diyos upang ihatid ang masayang Balita ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos. Pinupuri namin ang Diyos na sa iyo'y nagpadala ng masayang balita sa sangkatauhan. Ipanalangin mo kami na maipahayag namin ang iyong mensahe sa iba at maging handang magpakasakit alang-alang sa pag-ibig kay Hesus, ang Salita na buhat sa Diyos at sa Mahal na Birhen Maria, ang aming Ina at sa iyo. Makasama nawa namin sila at ikaw sa kalangitan pagkatapos ng aming kamatayan. Amen.
Antipona: Ikaapat na Araw
Lahat: Ang Anghel Gabriel ay isinugo kay Maria na nakatakdang pakasal kay Jose.
Salmo: Dalangin ng Pagpupuri (Awit 27)
Lahat:
Tanglaw ko'y si Yaweh, aking kaligtasan, kaya wala akong takot kaninuman. Sa mga panganib kanyang iingatan, kaya naman ako'y walang agam-agam.
Kung ang aking buhay ay pagtatangkaan, niyong masama, sila'y mabubuwal. Kahit salakayin ako ng kaaway, Magtitiwala rin ako sa Maykapal.
Isang bagay lamang ang aking mithiin, Isang bagay itong kay Yaweh hinihiling. Ang ako'y lumagi sa banal na Templo, upang kagandahan niya'y mamasdan ko. At yaong patnubay niya ay matamo.
lingatan ako kapag may bagabag, sa banal na templo'y iingatang ligtas, Itataas niya sa batong matatag.
Ako'y magwawagi sa aking kaaway, Sa templo'y may galak ako na sisigaw. Magpupuri akong may handog na taglay, kay Yaweh sasamba't aking aawitin.
O Diyos ako'y dinggin sa aking pagtawag, Lingapin mo ako, sa aki'y mahabag. Ang paanyaya mo'y "Lumapit sa akin," Huwag kang magkukubli't kita'y hahanapin!.
Huwag kang magagalit, huwag mong itatakwil, akong katulong mo at iyong alipin. Tagapagligtas ko, huwag akong lisanin!
Maiwan man ako ng aking magulang, may Panginoon pa akong aasahan.
Sa dapat kong gawin, ako'y turuan, Sa ligtas na landas ay doon samahan Pagkat naglipana ang mga kaaway. Huwag akong bayaan sa mga kalaban, na kung lumulusob ang dalang sandata'y Mga pagbabanta't kasinungalingan.
Ako'y nananalig na bago mamatay, Masaksihan ko ang iyong kabutihan na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo'y magtiwala. Ating patatagin ang paniniwala; Tayo ay umasa sa kanyang kalinga.
Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.Kapara nang una, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen
Pagbasa: Ikaapat na Araw
Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Lukas (1:39-45)
Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang Marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.
Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Panalangin kay San Gabriel Arkanghel (Araw-araw)
O San Gabriel na Arkanghel, iginagalang ka namin sapagkat tangi kang pinili ng Diyos upang maghatid ng Balita ayon sa pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos sa sinapupunan ng Mahal na Birhen Maria. Pagkalooban mo kami ng Masuyo at matapat mong pag-ibig sa nagkatawang-taong Salita at sa Inang Birhen Maria higit sa tulad mo.
Iginagalang ka rin namin bilang lakas na galing sa Diyos sapagkat ikaw ang tagapagbigay ng lakas ng Diyos, taga-aliw at tagapamayapa at matapat sa kanya. Humihiling kami ng biyayang makapamuhay ng banal. Patatagin mo kami, panibaguhin ang aming lakas ng loob, payapain at aliwin kami sa mga suliranin, pagsubok at paghihirap sa pang-araw-araw naming pamumuhay.
Katulad ng pag-aaliw mo sa ating Panginoong Hesukristo sa kanyang paghihirap, kay Maria sa kanyang pagdadalahamhati at kay Jose sa kanyang mga pagsubok. Iniiwan namin sa iyo ang aming pagtitiwala.
O San Gabriel, hinihiling namin sa pmamagitan mo ang mga sumusunod (sabihin ang mga hangaring nais makamtan). Sa iyong matimyas na pagmamahal sa Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa Mahal na Birhen Maria, isinasamo naming ipamagitan mo ang aming kahilingan kung ang mga ito'y naaayon sa Banal na kalooban ng Diyos. Amen.
LITANYA KAY SAN GABRIEL ARKANGHEL
Panginoon, maawa ka sa amin
Panginoon, maawa ka sa amin
Kristo, maawa ka sa amin
Kristo, maawa ka sa amin
Panginoon, maawa ka sa amin
Panginoon, maawa ka sa amin
Diyos Ama sa Langit
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan
Hesus Hari ng mga Anghel
Diyos Espiritu Santo Banal na Tatlong Persona iisang Diyos Maawa ka sa amin
San Gabriel na Arkanghel
Lakas na galing sa Diyos
G**o ng lahat ng bansa
Anghel na tagapagbalita
Tagapaghatid ng pahayag ng Diyos
Tagapaghatid ng Mabuting Balita ng kaligtasan
Matapat na sugo ng Diyos kay Maria
Matapat na Lingkod ng Diyos na nagkatawang-tao
Anghel na taga-aliw sa paghihirap ng Manunubos
Kaibigan at taga-aliw ng Ina ng Diyos
Tagasubaybay at katulong ni San Jose
Patron ng mga magulang at g**o
Sumubaybay sa pag-iisa ni Hesus at Maria
Taga-aliw ng mga naghihirap
Lakas ng mga mahihina Ipanalangin mo kami!
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, Maawa ka sa amin
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, Pakapakinggan mo kami
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, Maawa ka sa amin
Namumuno: Ipanalangin mo kamo, O San Gabriel
Lahat: Nang kami'y maging marapat na makinabang sa mga pangako ni Kristong aming Panginoon.
Manalangin tayo:
Lahat: Diyos Ama, Sa iyong kahanga-hangang at pagsubaybay sa gawain ng mga anghel at tao, nawa ang lahat na matapat na naglilingkod sa iyo sa kalangitan ay panatilihing ligtas kaming nabubuhay dito sa lupa sa lahat ng kapahamakan. At nawa ang iyong salita na nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birhen Maria ay magturo sa amin na maging katulad ni Hesukristo na aming Panginoon. Amen.
Panalangin kay San Miguel
San Miguel Arkanghel, ipinagkakatiwala namin sa iyo ang oras ng aming kamatayan. Ipagtanggol mo kami sa masasamang espiritu nang kami ay huwag mapahamak sa kakila-kilabot na huling paghuhukom.
Luwalhati sa Ama…
Panalangin sa mga Anghel na Taga-tanod
Mga Banal na Anghel na taga-tanod, ipagtamo ninyo kami sa Espiritu Santo ng kadalisayan ng puso, at katapatan at pananatili sa aming banal na katapatan at pananatili sa aming banal na kalagayan sa buhay.
Luwalhati sa Ama…
PANGWAKAS NA AWIT (MARCHA DE SAN GABRIEL)
San Gabriel Banal na Arkanghel, Ikaw na Syang may dala nang mga lihim ng Diyos, Para sa kanyang mga hinirang Magbabantay tuwina sa utos ng Diyos.
Sa iyong makapangyarihang pamamagitan Nawa aming tanggapin ang kanyang mga Salita at mensahe kasama ni Maria, upang Purihin ang Diyos at sambahin.
Nawa'y mamanaag kami, ng pag-ibig ng Diyos Sa iba sa pamamagitan, ng aming mga Halimbawa
KORO
O' San Gabriel ipagkaloob mo sa amin ang Biyaya at ipahayag sa Diyos Ama, ang aming Kahilingan
Sa ngalan ng kanyang bugtong na anak na si Hesus kasama ng Espiritu Santo Magpasawalang hanggan, Amen.