21/11/2022
Nobyembre 21, 2022
Pamagat: Binago Ni Cristo
Berso: 2 Corinto 5:17
17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.
Bawat isa sa atin ay binago na ng Diyos. Mula sa pagiging makasalanan, pinatawad na Niya tayo at nilinis. Kaya naman ngayong nalalapit na Pasko ay magandang maalala kung paano ang mga mananampalataya ay minahal ng Panginoon. Wala Siyang itinatangi maging ang mga sinasabing wala ng pag-asang magbago mula sa kanilang maruming gawa ay pinatawad Niya. Ang dugo ng bugtong na Anak Niyang si Jesus ang matinding kabayaran sa mga salang ito. Wala tayong ibang dapat gawin kundi pahalagahan ang dakilang sakripisyong ito. Iwasan na natin ang muling magkasala pa. Lakaran natin ang landas na nais Niyang tahakin natin. Sundin ang mga aral at utos ng Ama upang magabayan tayo. Panghawakan natin ang Kanyang mga pangako sa Bibliya na dulot ay pag-asa. Huwag na tayong bumalik pa sa dati nating gawi na nagpapalayo sa relasyon natin sa dakilang lumikha. Nawa ang bawat isa ay mamuhay na bilang mga bagong nilalang. Wala ang bakas ng dati nating pagkatao sapagkat binura na ito ng Panginoon. Mamuhay na tayong malaya mula sa kasalanan at sikaping maging mabubuting mga anak Niya dito sa lupa. Sa ganitong paraan ay malulugod ang Ama sa atin at ibibigay Niya ang gantimpala na higit pa sa anumang regalo na pwede nating makamit ngayong Pasko, ito ang regalo na buhay na walang hanggang sa Kanyang kaharian sa langit.