11/07/2021
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ang ating mga pagbasa ay tumutukoy o nagbibigay ng dalawang bahagi ng pagiging disipulo o alagad ni Hesus.
-Ang unang bahagi, na ang pagiging disipulo ni Hesus ay isang bokasyon o pagtawag.
-Ang ikalawang bahagi, na ang pagiging disipulo ni Hesus ay isang misyon o gawain ng pagpapahayag ng mabuting balita at pagsasabuhay ng kabanalan.
Ang pagsusugo ni Hesus sa mga alagad sa ating ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala sa atin na tayo ay nabubuhay, nilikha o binuhay ng Diyos dahil tayo ay kanyang pinili, dahil tayo ay kanyang tinawag. Walang hindi kasali. Walang nabubuhay dahil walang layunin. Lahat tayo ay pinili at tinawag upang mamuhay ayon sa ating Misyon, ayon Sa Nais ng Diyos sa ating buhay.
Tayo ay kabahagi sa mga pinili ng Diyos.
(We are all missionaries)
Hindi lamang po mga pari o mga madre ang may misyon. Hindi lamang po ang mga misyonero ang isinugo ng Diyos. Lahat po tayo. At karamihan po sa atin ay isinugo upang mag misyon sa ating mga tahanan - sa ating mga pamilya, sa ating mga kasama sa trabaho sa ating mga hanap- buhay, sa ating pananampalataya, sa ating mga kapitbahayan o sa ating komunidad.
Ngunit bilang Anak ng Diyos na Kanyang Pinili at isinugong mag misyon, sa kahit ano pamang katayuan natin sa buhay, ipinahahayag o hinahamon po tayo ng ating mga pagbasa sa araw na ito ng ang tatlong bagay:
Una, Maging aktibong banal.
Ang pagpili sa atin ng Diyos ay ang Misyon ng pagpapakabanal. Karamihan sa atin ang pagiging banal ay akala natin imposible. Nagawa na po ito ng mga marurupok na mga tao tulad natin: ang mga Santo. At lahat ng pagpapala at paraan para sa pagpapakabanal ay ibinigay na sa atin, sa ating pakikiisa kay Kristo. Kaya nga, inaanyayahan tayong magpakabanal. Ang taong banal ay hindi lamang iyong taong walang kibo. Kundi Aktibo ang taong banal. Aktibo siya sapagkat sinasalungat niya ang mali at nagsasalita upang itama ang mali. Aktibong ipinapatupad ang kalooban ng Diyos. (Katulad ni Amos sa unang pagbasa)
Ikalawa, "Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila." (To shake off the dust).
Ito ay hindi negatibong pahayag, bagkus, ito ay nagpapaalala sa atin, na oo sa ating misyon, may mga pagkakataon na walang makikinig o susunod sa atin, na oo na sa ating misyon may mga taong hindi tatanggap sa atin, na maaaring sumubok sa ating katatagan at pagasa. Ngunit ito dapat ay maging paalala na hindi tayo dapat makontamina ng pagkabigong ating natanggap. Na hindi dapat natin hayaang malason ng galit at p**t ang ating mga puso. At hindi tayo dapat magpadala o maging katulad nila. Katulad ng paalala sa atin ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, na tayo hindi maaaring maging tagapagdala ng sumpa at kasamaan kundi, tayo ay dapat maging tagapagdala ng pagpapala maging sa mga umuusig sa atin.
At ikatlo, Magtiwala sa Diyos. Ipagkakaloob ng Diyos ang lahat ng ating pangangailangan. Maging ang ating sasabihin o gagawin ay kanyang ipagkakaloob. Na kahit dumating ang pagkakataong dumanas tayo ng pagkabigo o wala mang mangyari kahit ginawa na natin ang lahat, hindi padin tayo panghihinaan ng loob o mawawalan ng pagasa. Ibibigay ng Diyos ang lahat ng ating pangangailangan at siguradong itoy SAPAT at HINDI MAGKUKULANG.
Alalahanin natin kung paano tayo namumuhay ngayon. Isinasakatuparan ba natin ang ating mga Misyon? Saan ba natin iginugugol ang ating buhay?
Sana ang oras natin ay sapat pa.
Sana hindi tayo makulangan ng pagkakataon.
Sana ay maging karapat dapat tayo sa kaligtasang ating tinamo nang ialay Niya(Hesus) ang Kanyang buhay para sa atin.
We are all called to be missionaries of God. Tupdin natin ang ating misyon sa ating pamilya, sa ating hanap buhay, sa ating mga kapitbhayan at komunidad, sa ating simbhan at kalikasan. Bago pa mahuli ang lahat ... Amen.
-ateJeh❤🙏