31/12/2025
Ikalawang Araw: Enero 1
PAGSISIYAM SA NUESTRO PADRE JESUS NAZARENO
♪ Awit: Krus ng Ating Kaligtasan
Krus ng ating kaligtasan
Dapat nating ikarangal
Sagisag ng kalayaan
At ng muling pagkabuhay
ni Hesus na Poong mahal.
P: Mga kapatid, tayo ay lumuhod sa harap ng larawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sambahin natin siya na nakaluklok sa kanan ng Amang nabubuhay magpakailanman. Amen.
Namumuno: + Sa nglan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
PAGSISISI SA KASALANAN (sa lahat ng araw) nakaluhod
O Jesus Nazareno, katamis-tamisang kong Manunubos sa harap mo ngayo’y naririto kami’t nangangayupapa at nagsisisi nang taos puso sa aming pagiging walang turing sa iyo at paglimot sa di mabilang na mga biyaya mo, lalong-lalo na yaong di mahahalagang biyaya ng pagtubos. Dinaramdam namin at pinagsisisihang labis. Panginoon ko, ang pagkakasala namin sa iyo, ikinalulungkot namin ang pagiging dahilan mo ng pagpapasan ng Krus na iyan sa gitna ng mga hirap at kapaitan, hanggang sa inihandog mo ang iyong buhay sa bundok ng kalbaryo sa pagkaibig mo lamang na matubos sa sala, ako, at ang sangkatauhan. Pakabanalin mo, Panginoon ko, ang aming pagnanais at ipatanggap mo sa amin ang iyong biyaya. Maging tagapamagitan nawa ang iyong Ina, kalinis-linisang Birheng Maria. Siya nawa.
PANALANGIN SA IKALAWANG ARAW NG NOBENA
Namumuno: O Kaibig-ibig na Jess, Korderong lubhang maamo ng Diyos, kami, imbing makasalanan, ay nagpupugay at sumasamba sa kagalang-galang na sugat sa balikat na likha ng pinasan mong napakabigat na Krus na umukit sa laman mo at nagpalitaw sa iyong mga buto na nagdulot sa iyo ng sakit na higit sa alinmang sugat sa kagalang-galang mong katawan. Sinasamba ka namin, O nagdaralitang Jesus kami’y nagpupuri sa iyo gumagalang at umiibig, at pinasasalamatan ka namin ng dahil sa kagalang-galang at kasakit-sakitang sugat, ay isinasamo namin sa iyo na alang-alang sa napakalabis na hapdi’t sa walang kapantay na bigat nang iyong Krus ay kaawaan mo kaming makasalanan, patawarin mo ang lahat naming mabibigat at magagaang na sala at ihatid kami sa langit sa pamamagitan ng landas ng iyong Krus. Siya nawa.
(Mag-alay ng Tatlong Aba Ginoong Maria at susundan ng Dalit)
DALIT SA MAHAL NA POONG HESUS NAZARENO
Ulo mong kaibig-ibig Ay pinutungan ng tinik, Hinampas ka’t nilait Niyong hudyong malulupit.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Mukha mo na sakdal ganda’y Nilurhan at tinampal pa’t Sinugatang parapara Niyong mga palamara.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Yang mata mong masintahin, Maamo at maawain Tigmak ng luha’t hilahil Sa krus ka nang nakabitin.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Bibig mong kagalang-galang Pilit na sinalisulan, Niyong sukang hinaluan Nang apdong kasuklam-suklam.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Leeg mo na sakdal inam, Sampu ng iyong likuran, Binugbog at sinugatan Niyong mga alilo’t hunghang.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Ang mga kamay mo’t bisig Ipinako’t isinabit, Nang mga hudyong balawis Sa krus ng mga pasakit.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Dibdib mong kagalang-galang Ay di pinakundanganan, Binugbog at sinugatan Hirap mo’y gayon na lamang.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Ang mga mahal mong mga tuhod Na laging iniluluhod Sinugatan at inumog Nang mga taksil na loob.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Ang paa mong inilakad Sa pangangaral sa lahat Walang taros na binutas Niyong pakong mahahayap.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Tagiliran mong marilag Inulos nga niyong sibat, Ni Longinong walang habag Tubig at dugo’y dumanak.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Katawan mo’y ibinitin Sa krus ng madlang hilahil pinatay ng mga suwail At sa hukay inilibing.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Ang puso mo Poong sinta Kaban ng tatlong Persona, Inulos dahil sa sala Nang mga anak ni Eba.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Kaluluwa mong marikit Ay nagdusa’t nagtiis, Nang mga hirap at sakit Sa pagtubos sa daigdig.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Iyan masaganang dugong…. Sa mga sugat mo’y tumulo, O Korderong maamong Sa sala ko ay umako.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
Ibigin nati’t ipagdiwang Yaong banal mong mga sugat Sa aki’t sadyang ilipat, Upang kami’y maging dapat Sa kaharian mong ingat.
Tugon: Ibigin nati’t ipagdiwang Si Jesus Nazarenong mahal.
PANGWAKAS NA PANALANGIN SA LAHAT NG ARAW
Namumuno: Ama naming makapangyarihan, niloob mong akuin ng iyong Anak ang krus at kamatayan upang ang sangkatauhan ay matubos at mabuhay. Ang pag-ako namin sa krus at kamatayan dito sa lupa ayon sa diwa ng pagsunod sa iyong loob na ginanap ng iyong Anak ay magpagindapat nawang aming kamtin ang lubos na katubusan at pagkabuhay sa iyong piling sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
♪ Awit: Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, sinasamba Ka namin. Pinipintuho Ka namin. Aral Mo’y aming buhay at kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, iligtas Mo kami sa Kasalanan. Ang krus Mong kinamatayan ay sagisag ng aming Kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, dinarangal Ka namin! Nuestro Padre Jesus Nazareno, nilul’walhati Ka namin! Amen.
Namumuno: + Sa nglan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Sipi mula sa Quiapo Church
https://drive.google.com/drive/mobile/folders/14PKBsVNotDrdgXtRhu9FxTkwBzHoWNrc?usp=sharing&fbclid=IwY2xjawHgBJRleHRuA2FlbQIxMQABHdeWPa1U6lJAfgFFdIbtQWHdbVeCxY9xyCkfqInIplyzK2DLp9QRwnzIHQ_aem_8Z4Nwp4_OTsi4Wj8QqCoCQ