15/06/2026
Ang Panalangin para sa mga Mandaragat
at Manlalakbay sa Buhay
[Ang lahat ay sabay-sabay na magdarasal nang may malakas at malinaw na tinig:]
O Santa Maria Cleofas, tapat na alagad at saksi ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng aming Panginoong Hesukristo: buong tiwala kaming lumalapit sa iyo sa aming mga pangangailangan. Ikaw na nakaranas na itapon sa malawak na karagatan sa isang bangkang walang sagwan, walang layag, at walang ugit, ngunit iniligtas ng Banal na Tadhana ng Diyos upang dumaong nang ligtas sa pampang ng Prubensa; naging takbuhan at patron ka ng mga mandaragat, tagapagtanggol sa mababangis na bagyo, at saklolo sa mga nanganganib na madaong sa kapahamakan.
Ipinalangin po namin sa iyo, lalo na, ang lahat ng aming mga kapatid na mandaragat at manlalakbay na naglalakbay ngayon sa mga karagatan upang maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya. Bantayan mo sila sa gitna ng unos at panganib ng dagat. Iadya mo sila sa kapahamakan, sa pagkasira ng sasakyang-dagat, at sa lahat ng banta sa kanilang kaligtasan, kapwa sa katawan at sa kaluluwa. Gabayan mo ang kanilang paglalayag upang maligtas silang makabalik sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.
Higit sa lahat, o banal na patrona, itinataas din namin sa iyo ang lahat ng mga binyagang tapat. Sapagkat kaming lahat na nabubuhay sa mundong ito ay mga mandaragat din, na naglalayag sa maalon, malalim, at mapanganib na dagat ng buhay na ito. Kami ay mga manlalakbay na patungo sa Langit – ang aming Lupang Pangako. Sa gitna ng mga unos ng tukso, sa mga alon ng pagsubok, at sa mga gabi ng kalituhan, huwag mo kaming pabayaang malunod sa kasalanan o mapadpad sa pampang ng kawalan ng pag-asa.
Ipagtanggol mo kami sa pamamagitan ng iyong makapangyarihang panalangin. Bantayan mo ang bawat pamilyang Katoliko at ingatan mo papagningasin ang aming pananampalataya. Tulungan mo kaming makatawid nang maluwalhati sa bawat sakuna, hanggang sa marating namin ang huling daungan ng aming buhay – ang makalangit na kaharian.
Doon, sa dalampasigan ng kawalang-hanggan, nawa'y makasama kaaming magpasalamat sa iyo nang harapan, at kasama mo at ng lahat ng iyong mga banal na anak – nina Santiago, San Jose Barsabas Justo, San Judas Tadeo, San Simon ng Herusalem, at Santa Maria Salome – ay walang humpay naming purihin ang Amang Lumikha, ang Anak na Manunubos, at ang Espiritu Santong Tagapagpabanal, nang mukha sa mukha magpakailanman. Amén.