15/07/2026
Homily Transcription by Fr. Dave Concepcion
⛪️ Monday of the Fifteenth Week in Ordinary Time
🗓️ July 13, 2026 - 6:00 pm
📖 Mateo 10:34-11:1
📍 San Juan de la Cruz Parish, Ugong, Valenzuela City
Link: https://www.youtube.com/watch?v=OZ6W1wBH06c
Ang unang pagbasa ay nagpapalala na hindi mo puwedeng paghiwalayin ang iyong puso sa iyong ginagawa. Ang sinasabi sa unang pagbasa ay maraming tao ang naghahandog sa Diyos, ngunit ang kanilang mga kaloob ay wala doon. Maraming mga tao ang nagdadasal, naglilingkod, pero patuloy na gumagawa ng kasalanan. At kaya nga sa huli ng unang pagbasa, ang sabi ng Diyos, "Hindi ko didinggin ang inyong mga panalangin. Hindi ako magpapakita sa inyo hangga't hindi ninyo binabago ang inyong mga pagkatao."
Anong meron sa ebanghelyo?Gusto ba ng Diyos na magalit tayo sa ating mga magulang? Gusto ba ng Diyos na magalit ang magulang sa mga anak? Gusto ba ng Diyos na mag-away ang mag-biyenan? Hindi. Ang sinasabi lang ng Diyos ay: anumang ang iyong minamahal, dapat higit ang Diyos doon. Anuman ang iyong ginagawa, ang dahilan dapat ay ang Diyos. Gusto ba ng Diyos na mayroong hidwaan? Gusto ba ng Diyos na mayroong pagkakahiwa-hiwalay? Hindi. Pero ang gusto ng Diyos ay pinili mo ang iyong ginagawa. Anong ibig sabihin po noon? Hindi yung ginagawa mo lang 'yan dahil basta. Alam po ninyo ’yon? May mga tao, "Ba't ka nagsimba? Basta.” "Ba't ka nagbigay? Basta.” "Ba't ka nag-serve? Basta.” Wala lang. Ayaw nating tayo ay namamimili. Bakit? Takot tayong magkamali.
Pero sa araw na ito, pinapaalalahanan tayo ng Diyos na sana pinili mo ako. Para maintindihan po ninyo. Yung mga may asawa rito, yung mga misis na ang mga mister nila na kanilang pinakasalan ay dahil wala namang ibang nanligaw sa kanila. Naintindihan po ninyo? Yung pinakasalan mo, 'yan. Dahil wala namang ibang nanligaw, hindi kayo namili. Pinagtiyagaan niyo 'yan. Kasi wala kayong pinagpilian. Kung dalawa ang manliligaw, namili kayo. Pero kung walang ibang nanligaw, 'di kayo namili. Nagtiyaga kayo. Yung mga lalaki rin, kung wala silang ibang niligawan, kayo lang. Ay, hindi rin kayo pinili. Pinagtiyagaan kayo. Medyo masakit ‘yon. Pero harinawa, natutunan kang mahalin. Kasi noong ikaw naman yung pinagtiyagaan, hindi lang naman ikaw ang babaeng dumating sa buhay niya. Siyempre, nakakakita ’yan ng iba. Nakakakita ‘yan ng mas bata. Maaaring mas nakakakita ’yan nang mas maganda. Pero nanatili siya sa iyo kasi pinili ka niya. Yung iba, nangabit. Pinili yung kabit. Namili. Mas pinili yung kabit kaysa sa asawa. Naiintindihan po ninyo?
Mahalaga yung merong pinagpipilian. Kahit gaano kasarap ang ulam at palaging ganyan, mauumay kayo. Tama po ba? Kahit gaano kasarap ang ulam. Anong gusto niyong ulam? Palaging kare-kare, palaging adobo. Kahit gaano kasarap ’yan, ’pag ’yan ang ulam mo araw-araw, magsasawa ka. At sasabihin mo, "Sana may tuyo.” Mahalagang mayroong pinagpipilian.
Sa araw na ito, tinatanong tayo ng Diyos. Pinili mo ba ako o pinagtiyagaan mo lang ako? Mahalagang tanong po ’yon. Ang ating po bang pagmamahal sa Diyos ay dala ng ating pagpili o pagtitiyaga? Sapagkat kung iyan ay pinili mo, dapat pahalagahan mo iyan. Papahalagahan mo ang Diyos nang higit sa iyong pamilya. Hindi dahil hindi mo mahal ang iyong pamilya, kundi dahil kinikilala mo na ang lahat ng biyaya ay galing sa Diyos. Pinili mong magbigay dahil alam mong ang ipinamimigay mo, ang inihahandog mo, ay galing din sa Diyos.
Narito kayo kasi pinili ninyong magsimba. Puwede namang nakahiga na lang? Sarap matulog ngayon, maulan. Pero pinili mong nandito. Harinawa, hindi ka rin napilitan. 'Yong iba naman napilitan lang. Hoy, magche-check ng attendance si Father. Kaya napilitan. Bato-bato sa langit. Mahirap mamili. Pero magandang mayroon din tayong pinagpipilian. Mahirap 'yong napunta ka sa impiyerno na wala kang pinagpilian. At least alam mo na mayroong langit. Kaya pag ikaw ay napunta sa impiyerno, pinili mo iyon. Kailan mo pinipili ang langit at lupa? Sabi nga sa mga pagbasa, ang pagpili mo sa langit ay dahil ginagawa mo ang tama. Ang pagpili mo sa langit ay ipinapakita mo sa paggawa ng mabuti. Ang pagpili mo sa langit ay sa pang-araw-araw na pamimili. Nakikiraan lang tayo sa mundong ito. Hindi tayo habang panahon dito.
'Yong iba, medyo matagal-tagal pa. Pero iba, malapit na. Oo talaga naman. Sino ba naman ang nakakaalam? Walang nakakaalam. Magbe-birthday ang aking kapatid sa July 15. Pero last year, 65 lang siya. Nagpunta siya sa hospital. Masakit ang tiyan. Alas-nueve ng umaga, ala-una patay na sa sakit lang ng tiyan. Nang nagte-text pa kami, nagbibiruan pa kami. At sabi ko, "Sige, puntahan kita.” Hindi ko na inabot sa hospital. Pagdating ko, nakabalot na. Kaya noong binuksan yung balot, ang unang tanong ko sa kanya: "Bakit naman nagmamadali ka?" Kasi kung matanda na, kung matanda yung patay, sasabihin niyo, "Ay, matanda na eh." Kung matanda na, sadyang ganyan ‘yan. Malapit na talaga. Pag matandang-matanda na, sasabihin niyo, "Hay, namatay na rin.”
Ang biro ko nga doon sa isang parokyana ko na 10 taon nang nakahiga. Noong nag-birthday, sabi ko, "Nanay, ano ang gusto mong pa-birthday?” Sabi niya, “Sana bigyan pa ako ni Lord ng panibagong sampung taon." Sabi ko, "Ha? Hindi kayo napapagod humiga?” Sabi niya, "Hindi po, okay lang po.” Sabi ng caregiver, “Ah, hindi ko na kaya.” Ang aking tanong: ano kayang pakiramdam ng mga anak habang tumatanda ang kanilang mga magulang? Pinipili ba nilang mahalin, alagaan, o kasama na sa panalangin na kunin na ni Lord?
Ayaw na ng mga anak na magtiis, magtiyaga, mag-alaga ng matandang magulang. Na kung saan nakalimutan nila na noong sila'y maliit, pinagtitiyagaan sila ng kanilang mga magulang. Pinagtitiisan. Noong saan ayaw nilang kausapin ang kanilang matandang magulang kasi paulit-ulit. Na nakalimutan nila, noong sila'y maliliit, paulit-ulit din sila. 'Yong nirereklamo natin sa matatanda, ganun tayo noong tayo'y maliit. Pero bakit tayo inaruga ng ating mga magulang? Pinili tayo. Pinili ng mga magulang na arugain ang mga anak. Ang malungkot na kuwento ay hindi lahat ng mga anak ay inaaruga ang magulang. Sapagkat ang pagmamahal ay isang pagpili.
Sa unang pagbasa, hindi lang 'yong gumagawa ng mabuti; sana pinili mo ang pagmamahal na ipinapakita sa iyong ginagawa. Nasabi ko na ito, pero magandang sabihin. Ang alin? Hindi lahat ng anak ay tanggap ang magulang. Ano ang ibig sabihin? Ang bahay ng magulang ay bahay ng anak. 'Pag dumating ang anak, “Anak, kumain ka na ba? Pagod ka ba? Ano ang gusto mo?" Tanggap ng magulang sa kanilang bahay ang kanilang mga anak. Pero hindi lahat ng anak ay tanggap ang magulang sa kanilang mga bahay.
May mga anak na 'pag bumisita ang magulang, sabi ng anak, "Ba't nandito ‘yan? Ano na namang hihingin niyan? Bigyan mo na para umalis.” Walang magulang na pinagtabuyan ang anak. Pero may mga anak na pinagtatabuyan ang kanilang mga magulang. 'Yan ang katotohanan. Bakit? Nawala ang pagmamahal? Pag may pera ang magulang, hinihingi ng anak. Binibigay ng magulang ang pera. Pero kapag ang magulang ay humihingi ng pera sa anak, anong sabi ng anak? “Hingi naman kayo nang hingi. Wala na akong pera." Minsan pinipili ng mga anak ang maing madamot kumpara sa pagmamahal.
Kahit na iyong inabot ng kapatid sa magulang, hinihingi pa ng kapatid sa magulang. 'Diba ang gamit ng bahay ng magulang, gamit ng anak. “Nay, puwede ba akong maulog muna dito?” “Sige.” Kahit ang laki na, “Sige.” “Nay, kanino ito?” “Sige, sa’yo na.”Pero 'pag bumisita ang magulang sa anak, “Baka may sobra ka namang gatas diyan, akin na lang.” Ano ang sagot ng anak? "Wala po. Wala." Anong ibig kong sabihin? Hindi madaling mamili. Lalong-lalo na kapag ang pinipili ay para sa akin at para sa iyo.
Mahirap piliin ng Diyos kasi gusto ng Diyos, ano? Dinadamitan mo ang mga hubad. Pinapakain mo ang mga nagugutom. Pinapainom mo ang mga nauuhaw. Dinadalaw mo ang mga may sakit. Dinadalaw mo ang mga nakakakulong. Tinatanggap mo ang mga estranghero. Hindi ka gumagawa ng estranghero sa sarili mong pamilya. At higit sa lahat, inililibing mo ang may sakit. Ang malungkot na kuwento: marami sa atin ay nagkikita-kita lang kapag may patay. Napansin niyo ba 'yan? Nagkikita-kita lang ang pamilya kapag may patay. Masayang masaya! Kuwentuhan nang kuwentuhan. Ang daming kainan. Ano'ng ibig sabihin nun? Para magkita uli, kailangan may patay. Bakit? Ayaw nating magkita sa mga regular na araw. Kasi pinipili natin ang luho kumpara sa pamilya.
Ang paalala sa unang pagbasa: "Huwag mong asahan na ikaw ay aking pagpapalain kung hindi mo ako pinipili una sa lahat." Ang paalala sa araw na ito ay kung gaano mo kamahal ang Diyos. Tingnan mo ang Ina ng Karmel na itinuturo ang daliri sa Diyos. Na sana sa pang-araw-araw na gawain ay piliin natin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal. Maiksi lang ang buhay. Huwag kayong nagmamadali. Pero sana sa bawat pagkakataon, gaano man kaiksi, ay maging mga pagkakataon na puno ng pagmamahal dahil mas pinili ko ang umibig kaysa sa iba. At magandang kasabihan yung, sana masabi ko, "Hindi bale nang ako’y masaktan basta minsan akong nagmahal." Nawa po ang santamisang ito ay isang santamisang merong pagmamahal. Hindi lang dahil meron akong makukuha kundi dahil sa pagtanaw ng utang na loob.
Sadyang mahirap pumili. Takot tayong mamili kasi takot tayong magkamali. Namili yung iba kung bente o singkwenta ang ilalagay sa envelope. Puwede namang isangdaan. Puwede ring namamg isanglibo. Pero yung iba, pinili talaga yung pinakamaliit. Pero kung gusto ninyong dagdagan, puwede pa. Hindi pa huli ang lahat. Mahirap mamili, pero dapat pinagpapasalamat natin na tayo ay nakapili na. Pumipili ka kung tatayo ka o hihiga ka. Darating ang araw, hindi na kayo makakapili; nakahiga na lang kayo. Pinipili mo kung magsisimba ka o sa bahay ka lang. Darating ang raw. Wala ka nang pagpipilian; sa bahay na lang.
Ano ang ibig kong sabihin? Sana habang may pagkakataon, pumili tayo. Piliin natin ang Diyos. Alam po ninyo kaya sinabi ni Father Dennis na 7:30. Alam niyang diabetic ako. Pakakainin muna ako. Pero parang hindi ko matiis na kumakain ako; nag-aantay kayo. Kaya pipiliin ko, baka naman puwede, Father, tuloy na lang. Pagkatapos, tuloy-tuloy na. At least pinili natin. Piliin natin ang Diyos.