11/10/2025
Sinasabi sa atin ng Aklat ng Mangangaral na ang lahat ng bagay sa mundong ibabaw ay may kanya-kanyang panahon. May panahon ng pagsilang, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pag-aani. May panahon ng katahimikan, at panahon ng pagsigaw. May panahon ng pagluha, at panahon ng pagtawa. Ngunit paano kung ang pagluha ay dala ng pagyanig ng lupa, pagragasa ng baha, o paglalagablab ng apoy?
Sa gitna ng mga kalamidad, kapag ang lupa’y umuuga, ang hangin ay umuungal, at ang tubig ay lumalamon, ang puso ng tao ay napapaluha, napapaluhod, at napapabulong: “Panginoon, maawa Ka.” Ngunit hindi lahat ng luha ay bunga ng takot. Minsan ito’y bunga ng paggising, isang matinding paalala na hindi tayo kailanman ganap na ligtas sa mundong ito.
At sa harap ng pagkawasak, inaanyayahan tayo ng Diyos: “Tangisan ninyo ang inyong mga kasalanan.”
Hindi dahil nais Niya tayong lamunin ng kalungkutan, kundi dahil sa luha ng pagsisisi, may simula ng tunay na paghilom. Kapag ang puso ay nagpapakumbaba at umaamin ng pagkukulang, doon nagsisimula ang pagbangon. Sa bawat luha ng paghingi ng tawad, may biyayang bumababa.
Ang luha ay hindi kahinaan. Ito’y panalangin ng kaluluwang uhaw. At sa pagluha ng tapat, muling bumubukas ang pintuan ng awa ng Diyos.
Ngayon ay panahon ng pagluha, panahon ng pagharap, ng pagsisisi, at ng pagbabalik-loob. Ngunit ang pagluha ay hindi magtatagal magpakailanman. Darating din ang panahon ng pagtawa, ng kapayapaan, at ng bagong simula. Sapagkat sa bawat kalamidad, may paanyayang bumalik sa Diyos, at ito ang tanging matibay na kanlungan sa gitna ng pagyanig ng buhay. 🙏