23/05/2026
π Sino ang lumikha sa atin?
Ang Diyos ang lumikha sa atin.
π Sino ang Diyos?
Ang Diyos ay ang ating Kataas-taasang Panginoong makapangyarihan sa lahat, lubusang ganap at dalisay na espiritu, ang mapagmahal na May-likha ng lahat ng bagay, at May-ari ng lahat ng langit at lupa.
π Bakit tayo nilikha ng Diyos?
Nilikha tayo ng Diyos upang ipahayag ang kanyang kabutihan at ibahagi sa atin ang kanyang buhay-Diyos at kanyang kaligayahang walang-hanggan sa langit.
π Ano ang dapat nating gawin upang makamit ang kaligayahan ng langit?
Upang makamit ang kaligayahan ng langit, dapat nating kilalanin, ibigin at paglingkuran ang Diyos dito sa daigdig.
π Kanino natin matututunan ang pagkilala, pag-ibig at paglilingkod sa Diyos?
Matututunan natin ang pagkilala, pag-ibig at paglilingkod sa Diyos kay Hesukristo, ang Anak ng Diyos, na tinuturuan tayo sa pamamagitan ng Simbahang Katolika.
π Saan natin matatagpuan ang mga pangunahing katotohanang itinuro ni Hesukristo sa pamamagitan ng Simbahang Katolika?
Matatagpuan ang mga pangunahing katotohanang itinuro ni Hesukristo sa pamamagitan ng Simbahang Katolika sa "Sumasampalataya Ako."
Dasalin ang Sumasampalataya Ako.
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may-gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpaka-sakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw, nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Suma-sampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo. Sa banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan.
Amen.
Katoliko Ako
AdminR