26/09/2021
Pagsisiyam sa Karangalan Ni San Lorenzo Ruiz
IKA-PITONG ARAW
Pagsisisi
Panginoon kong Diyos, Amang walang hanggang, ako'y dumudulog sa Iyo upang ilahad at ihingi ng tawad ang aking mga kasalanan. Ako'y nagsisisi ng buong puso sapagkat ikaw ang lumikha sa akin at bukal ng lahat ng kagalingan, ngunit nagkasala pa rin ako sa Iyo.
Nagtitika ako na iwasan ang mga tao at lugar na nagdudulot ng kasalanan, at nangangako akong hindi na muling magkakasala, sa tulong ng Iyong biyaya. Umaasa akong patatawarin Mo ang lahat ng aking mga kasalanan at nang sa gayon ay maging karapat dapat ako sa Iyong mga biyaya at awa, hanggang sa makarating ako sa buhay na walang hanggang. Amen.
Paunang Panalangin
O Diyos na bukal ng lahat ng kabutihan, nagpapatirapa ako sa Iyong harapan at humihiling na sana'y maging bunga sa aking isip at kaluluwa ang nobenang ito na iniaalay ko sa karangalan ng aking pintakasing si San Lorenzo Ruiz.
Linawagan mo ang aking pag iisip upang makilala ko ang mga katotohanang itinuro mo sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesus. Papag alabin mo rin ang pag ibig ang aking puso upang ito ay maging laging laan sa pag ibig sa pananampalataya hanggang sa ito'y maitaguyod at maipagtanggol ko tulad ng ginawa ni San Lorenzo Ruiz.
O Mahal na Birheng Maria, dumudulog ako sa Iyo bilang Ina ng aking mananakop, Ina rin ng sangkatauhan at halimbawa sa kababaang loob at pagkamasunurin. Sa tuling ni San Lorenzo Ruiz na kinasihan ng pag ibig sa Iyong pangalan, idalangin mo na kamtin ko rin ang biyayang tinanggap ni San Lorenzo Ruiz, na mahalin ang aral at turo ng Panginoon hanggang sa huling sandali ng buhay. Amen.
Tanging Panalangin kay San Lorenzo sa
IKA-PITONG ARAW
Ang Salita ng Diyos ay naging gabay at bukal ng biyaya sa iyo, O San Lorenzo Ruiz, sapagkat tuwing nagdarasal ka ng Santo Rosario ay pinagninilay mo ang mga yugto ng buhay ni Hesus at Maria na inilalahad sa Banal na kasulatan, tulungan mo ako na matulad sa iyo sa pagmamahal sa mga Salita ng Diyos.
O banal na pintakasi ng sambayanang Kristiyano, tunghayan mo ako at idalangin na sana'y maging maibigin din ako sa aral ng Diyos, ni Hesukristo at ng kanyang mga apostol, na nasasaad at nalalarawan sa Bibliya. Sana'y hindi lamang matutunan ko ang mga aral na ito kundi maisagawa ko rin sa pang araw araw na pamumuhay.
O San Lorenzo Ruiz, dinggin mo ang aking mga panalangin at hilingin sa paanan ng Panginoon na ako'y pagpalain sa isip, sa puso at sa katawan upang mapalaganap ko rin ang banal na ebanghelyo hanggang sa huling oras ng aking buhay tulad na ipinakita mong halimbawa.
Itulot mo, o mahal kong San Lorenzo Ruiz, na maging apostol din ako ng aking pananampalataya, hindi lamang sa pangangaral kundi rin sa pagsasabuhay ng mga Salita ng Diyos, alang alang sa mga katotohanang makalangit. AMEN.
( Alalahanin ngayon ang mga pangangailangang nais makamtan sa nobenang at mapakumbabang hilingin ang tulong ni San Lorenzo. Pagkatapos, magdasal ng isang Ama Namin, alang alang sa Mahal na Pasyon Ni Hesukristo at sa pagiging martir ni San Lorenzo. Isunod ang tatlong Aba Ginoong Maria, alang alang sa debosyon ni San Lorenzo kay Maria. )
Pangwakas Na Panalangin
O San Lorenzo Ruiz, ako ay nagpupuri sa iyo dahil sa maalab na pag ibig mo sa iyong pananampalataya. Binantaan ka ng kamatayan ngunit hindi mo itinatuwa ang iyong pag ibig sa Diyos. Idalangin mo sa Panginoon na magkaroon din ako ng bahagi sa gayong pag ibig.
San Lorenzo Ruiz, Ipanalangin mo kami.
O San Lorenzo Ruiz, dinadakila kita dahil sa iyong matayog at matapat na pamimintuho sa Mahal na Birhen, na hindi mi kinalimutan kahit na sa gitna ng iyong mga gawain sa araw araw.
San Lorenzo Ruiz, Ipanalangin mo kami.
O San Lorenzo Ruiz, ako'y nag pupugay sa iyong katapatan sa pag lilingkod sa kapwa. Sana'y tulungan mo akong umibig din sa aking kapwa sa paraang tunay na maka Kristiyano tulad ng walang pag iimbot ng gawa at hindi sa salita lamang.
San Lorenzo Ruiz, Ipanalangin mo kami.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.