13/08/2024
IKA-WALONG ARAW NG PAGSISIYAM KAY SAN ROQUE
+ Ang tanda nang Sta. Cruz ipag-adya Mo po kami Panginoon sa mga kaaway namin sa pangalan ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Amen.
Pagsisisi
Panginoong kong Hesukristo, Diyos na totoo at tao rin namang totoo, gumawa at sumakop sa atin. Pinagsisisihan kong masakit na masakit sa tanang loob ko ang dilang pagkakasala ko sa Iyo. Ikaw nga po ang Diyos ko, Panginoon ko at Ama ko, na iniibig kong lalo sa lahat, nagtitika akong matibay na matibay na hindi na muling magkakasala, at nagtitika naman akong magkukumpisal sa lahat ng mga kasalanan ko, at umaasa naman akong patatawarin Mo rin, alang-alang sa mahal na Santong Pasyon Mo, Pagpapakasakit at Pagkamatay sa krus, ay papakinabangin Mo kami ng Iyong pagkabuhay na mag-uli sa kaluwalhatian ng langit. Amen.
1 – Ama Namin
1 – Aba Ginoong Maria
1 – Luwalhati
Pambungad na Panalangin
Panginoon naming Diyos na walang hanggan at bukal ng lahat ng kagalingan, kami’y nagpapakumbaba sa harap ng Iyong kadakilaan. Sinasamba’t dinarakila ka namin nang taimtim sa loob, sapagkat Ikaw nga ang Ama namin at Panginoong may gawa ng lahat at Ikaw lamang ang pinanggagalingan ng grasya at kaluwalhatian. Ninanasa naming makatulad ng mga banal sa lupa at sa langit na lubos ang pagsamba sa Iyo.
Nagpapasalamat kami nang walang humpay dahil sa di mabilang na mga biyayang ipinagkaloob Mo sa amin, lalong–lalo na ang pagkaligtas namin sa kasalanan. Kinikilala namin ang pagbibigay Mo sa amin ng malinaw na pag-iisip at malayang kalooban, at kami nama’y kinalinga Mo hanggang sa oras na ito.
Gayun din, kami’y tinubos Mo, kami’y naging kristiyano’t sangkap ng Santa Iglesia Katolika, binigyan ng maraming pagkakataon na makapagsisi sa aming mga kasalanan, at pinagkalooban ng grasya sa pagbabalik-loob at sa pagbabagong-asal. Sumasampalataya kami sa Iyong mga aral na itinagubilin ng Santa Iglesia, at sa pananampalatayang ito’y nais naming mabuhay at mamatay.
O Diyos nang kagalingang walang hanggan, sinisinta Ka namin nang buong puso, at iniibig Ka namin nang higit sa lahat ng bagay dito sa mundo , higit parin sa aming buhay at katawan man. Totoong kami’y nagkakasala sa Iyo nang madalas at totoo rin namang hindi namin pinasasalamatan ang Iyong kaloob na awa sa amin.
Ngunit sa malaking tulong ng grasyang ibinigay Mo sa amin, kinikilala rin naming lubos ang mga kamalian namin. Kinalimutan namin ang dati naming pagwawalang loob sa Iyo, at ipinahahayag namin ngayon ang pagkapoot sa kasalanan. Sa kaibuturan ng aming puso at kaluluwa, pinagsisisihan namin ang lahat ng aming mga kasalanan. Inihahandog namin sa Iyo ang aming buhay, mga gawain at kahirapan bilang bayad puri sa aming mga kasalanan.
Nagsisisi kami nang lubos at nangangakong hindi na muling magkakasala, bagamat kami’y nangangamba sa karupukan ng aming kalooban, nananalig kaming mananatili Ka sa amin, upang makamit ang Iyong awa at grasya. Dito lamang kami nananalig Panginoon, sapagka’t ibig pa naming mamatay huwag lamang magkasala sa Iyo. Kami’y magpapakasakit sa abot nang aming kaya, upang kami’y makabayad sa aming mga kasalanan. Gagampanan namin ang aming mga tungkulin bilang tunay na kristiyano at pagbubutihin ang aming asal. Taglay ang matibay na loob, kami’y mananatili sa pamimintuho’t paglilingkod sa Iyo, magpasa walang hanggan. Siyanawa.
IKA-WALONG ARAW
Maawaing disipulo ni Jesukristo, Roqueng kabanal-banalan, at malapit na kaibigan ng Panginoong Diyos. Dinarakila namin ang iyong katangian sa mga gawang banal. Sa malaki mong pag-ibig mo sa Diyos, ipinahayag Niya sa iyo ang araw at oras ng iyong kamatayan, kaya’t nagkaroon ka ng pagkakataong maitawag ng paring mapangungumpisalan. Siya’y nagulat sa sinag na nakitang nanggagaling sa iyong katauhan. Nadama niya ang alab ng iyong kabanalan nang tumanggap ka ng komunyon.
Ang balitang may Santo sa bilangguan ay kumalat sa buong siyudad, ngunit inari ng Gobernador na ito’y isang panagimpan. Nagulat na lamang ang mga tao nang sila’y puma*ok sa loob ng bilangguan at doo’y nakita nila ang isang nakasisilaw na sinag. Nakita nila na nakahiga ka sa lupa, at kamamatay mo pa lamang. Nasa ulunan mo ang tablang nagsasaad ng ganito: “Sinumang abutin ng salot at tumawag sa aking aliping si Roque, ay ipag-aadya ko alang-alang sa kanya”. Nagkatotoo ang mga salitang ito, nang malaman ng iyong ina na ikaw nga ang kanyang anak, na may tanda ng krus sa sikmura.
O San Roque, dahil sa pangako ng Diyos sa iyo, sinasambit namin ang mahal mong ngalan, upang kami’y maligtas sa salot at sa sakit na nakahahawa. Hinihiling din namin sa iyo, sa awa at tulong ng Panginoon Diyos, na kami’y makasunod sa iyong kabanalan, alang-alang kay Jesukristong nabubuhay at naghahari magpakailanman. Siyanawa.
3 Ama Namin
3 Aba Ginoong Maria
3 Luwalhati
Manalangin Tayo
Panginoon naming Diyos, sinasamba at pinupuri ka namin, sapagkat nagdulot Ka kay San Roque ng isang bagay na anghel. Pinadalhan rin siya ng kaputol na tabla, na doo’y pinagtibay Mo ang pangako sa kanya. Magsalita Ka at kami’y tatalima sa Iyong hangarin. Ipagkaloob Mong maligtas kami sa salot na nakamamatay ng aming kaluluwa at katawan, pakundangan sa mga merito ni San Roque at alang-alang kay Jesukristong Panginoon namin. Siyanawa.
DALIT
Aba matibay na moog,
nang taong nangasasalot,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Araw nang ipanganak ka,
sa katawan mo’y nakita,
Tandang nagpapakilala,
buhay mong banal na sadya.
Sa sikmura’y isang krus,
ang ikinintal ng Diyos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Pagkawili mong mataman,
sa reyna ng kalangitan,
Tanang adhika mong asal,
siya’y ang tinutularan.
Bata ka pa’y naghahandog,
nang pagpapakadayukdok,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Nang ikaw ay maulila,
binahagi mo pagdaka,
Yamang sa dukhang lahat na,
sa ama’t ina mo’y mana.
Alab ng sinta sa Diyos,
ang puso mo’y nalilipos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Nagdamit kang peregrino,
Aquapendente’y tinungo,
Doo’y ang natagpuan mo,
nunuksang salot sa tao.
Kusa kang nakipanggamot,
nag-alila sa may salot,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Ang salot sa iyong harap,
napapawing agad-agad,
Himalang ito’y natatap,
sampung bagsik mo ng lahat.
Ang pangalan mo’y tumuod,
gumagaling na tibobos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Ang sambayanang Cecena,
gayon din ang taga Roma,
Sa iyo’y kinamtan nila,
isang bayaning pagsinta.
Paglipol doon ng salot,
lubhang kakila-kilabot,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Lalaki, babae’t bata,
nagsisigaling na pawa,
Ang krus mong iyong itala,
sa damit nila’y ilagda.
Anila’y anghel kang lubos,
nag-anyong taong busabos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Ibinuyo ka ng sinta,
napasa bayang Placencia,
Pinagaling ang lahat na,
at doo’y nagkasakit pa.
Pinaalis ka’t binukod,
dahil sa sakit mong salot,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
At sa tahanan mong dampa,
Diyos ika’y kinalinga
Gumaling ka alipala,
himalang tantong mistula.
May a*o na nagdudulot,
kanin mong ikabubusog,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Katawan mong natitigib,
ng madlang pagal at sakit,
Binilanggo ka’t piniit,
sa bintang at maling isip.
Limang taon mong sinayod,
hirap na kalunos-lunos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Ngunit ang Diyos ay nili,
pakanang bala-balaki,
Pagtikim sa iyong budhi,
lakas ay ay di ugali.
Sa bilanggua’y ang bantog,
namatay kang santong lubos,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Nakita sa isang badlaya,
nalilimbag, natatala,
Ngalan mo’y pag sinambitla,
sa salot matitimawa.
Nang di kami mangasalot,
ngalan mo’y ibinabantog
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Aba matibay na moog,
ng taong nangasasalot,
Ampunin mo kami’t kupkop,
San Roque’ng mahal na Santo.
Namumuno: Ipanalangin mo kami O maluwalhating San Roque.
Tugon: nang kami’y maging dapat makinabang sa mga pangako ni Jesukristong aming Panginoon.
Manalangin Tayo
Panginoon naming Diyos, pinasuguan mo siya ng anghel at pinahatdan ng kaputol na tabla, at doon mo po itinala ang mga pangako mo sa kanya na di maaano sa hampas ng salot ang mamintakasi sa kanya, ay pagkakalooban mo na maligtas sa salot na ikamamatay ng aming kaluluwa’t katawan, pakundangan kay Jesukristong Panginoon namin. Siyanawa.
Pangwakas na Panalangin
Oh Diyos na maluwalhati at bukal ng walang hanggang awa, ikaw na nagkaloob sa aming nayon ng isang San Roque, na hindi lamang isang pintakasi’t mapag-ampon sa aming kaluluwa’t katawan, kundi rin naman isang salaming mapag paparisan ng mabuting asal; sa pagtupad sa Iyong kalooban at pagtuturo ng landas patungo sa iyong kaharian. Ipagkaloob Mo alang-alang sa kanya, na mapailalim kami sa kanyang mahal na pagkupkop. Sa gayon, sana’y maging karapat-dapat kami sa Iyong awa’t mga biyaya.
Gayon din, isinasamo namin sa Iyo na kami’y pagkalooban ng grasya ng tagumpay laban sa kasamaan, upang malubos ang aming pagtulad sa kabanalang kanyang kinamtan. Hinihiling din namin ang tulong at saklolong ninanasa namin sa pagsisiyam na ito, bukod pa sa isang magandang kamatayan, ay iadya ang aming nayon sa tanang sakuna, sakit, salot, bagyo, lindol at sa lahat ng masasama, alang-alang sa mahal Mong Anak na nabubuhay at naghahari kasama ng Espiritu Santo, magpasa walang hanggan. Siyanawa.
Bendisyon
Maluwalhating Poong San Roque,
Hibik ng puso ko’y iyong dinggin.
Daing namin at alalahanin
Kay Kristo’y iyong iparating
Pangako naming di magmamaliw,
Buhay mong banal laging dadalitin.
Masintahin mo kaming pagpalain
Bendisyon mo’y aming makamit.
+ Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.