20/07/2024
WORD for today: Lucas 9:57-62
"PAGSUNOD kay JESUS"
- (57) Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” (58) Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” (59) At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” (60) Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” (61) May isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” (62) At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
REFLECTION:
- Ang asong-gubat at mga ibon ay posibleng tumutukoy sa mga nilikha, mapa-tao man o hayop na may tinitirhan. Ngunit ang anak ng tao na si Jesus ay wala daw mapagpahingahan bagamat siya’y isang Diyos. Siya’y naparito dito sa lupa upang ibahagi ang mabuting balita na siyang magbibigay kaligtasan sa sino mang maniniwala at susunod sa kanya. Hindi ito naging madali ngunit sa kabila ng pangungutya at pagpapahirap sa kanya’y mas pinili parin nyang sumunod sa Diyos kahit buhay nya pa ang kapalit.
- Dahil siya’y nagkatawang-tao (Juan 1:14-18), naramdaman niya lahat ng nararamdaman natin (being anxious, hurt, tired, etc.); lalo nung siya’y malapit ng ipako sa Krus (see at Luke 22:41-44). Siya’y lumuhod at nanalangin upang humingi ng tulong sa kanyang Ama ngunit sa huli, tinanggap parin nya na kailangan mangyari iyon upang maligtas tayo. Walang madali sa pagiging kristiyano, ngunit pagsikapan nating manaig ang kalooban ng Diyos sa ating buhay katulad ng ginawa ni Jesus. Hindi naman nagangahulugang kailangan din natin magpapako or magbuhat ng literal na krus, ang pagpapagal natin para sa kanyang gawain ay isa ng sakripisyo upang patunayan na mahal natin siya (praying, fasting, reading/sharing the Gospel, and so on).
- Madaling sabihin na susunod tayo sa Panginoon ngunit ang pagsunod ng buong puso sa kanya ang mahirap gawin. Katulad ng mga lalaki na binanggit sa teksto, hindi sila agad sumunod dahil may ibang bagay pa sila na kailangan gawin. Ang ganitong sitwasyon na mas inuuna ang ibang bagay kaysa sa Diyos ay hindi na bago saatin. Mas matimbang kasi minsan ang pansariling hangarin kaya natatabunan ang Diyos sa ating mga prayoridad. Hindi ba’t sinabi sa Lucas 9:25: “Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman ang kanyang sarili.” Laging tandaan na ang pinaghirapan nating sasakyan, bahay o ano mang ari-arian ay hindi madadala sa langit. Kaya para saan pa na ituon lahat ng ating atensyon sa mga bagay na panandalian lamang? Masarap magkaruon ng kayamanan dito sa lupa, ngunit hindi ito hihigit sa kayamanang makakamit natin sa langit.
- Kabilang tayo sa mga sinabihan ni Jesus sa Mateo 16:24-26: “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus (mga tungkulin natin bilang kristiyano), at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito." Ginawa ito mismo ni Jesus mula ng siya'y isilang hanggang siya'y mamatay (at a young age of 33) bilang pagsunod sa kanyang Ama. Si Jesus ang pinaka magandang halimbawa ng isang tunay na taga-sunod: walang reklamo at handang isuko lahat magampanan lang ang kanyang tungkulin. Mayroon kasing mga huwad na propeta nuon hanggang sa ngayon (false prophets) na puro salita ngunit hindi isinasagawa (context: Mateo 7:15-20).
- Ating balikan ang tugon ni Jesus sa mga kalalakihan: “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” (heaven) - verse 62. Sa ibang salita, puro tayo dahilan kung minsan kaya wala tayong nararating sa buhay o kaya hindi tayo lumalago sa pananampalataya. Halimbawa, sa mga oras na dapat ay para sa pananambahan ay napupunta lang sa ibang bagay dahil busy tayo o tinatamad. Paano natin masasabing taga-sunod tayo ni Kristo kung isang araw lang ay hindi natin maibigay sa kanya? Isa ito sa napakaraming dahilan kung bakit karamihan sa ating mga kristiyano ay hindi makapaglaan ng oras upang manalangin, magsimba, at magbasa ng Bibliya. Ngayon, isa ba tayo sa mga kristiyanong tamad at puro dahilan?
- Nawa'y matuto tayong sumunod sa kanya ng buong puso't lakas ng sa gayo'y maramdaman ng Diyos na siya'y mahalaga sa ating buhay. Panghuli, sinabi sa Mateo 6:33, "Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan." Ibibigay niya ang mga ito basta't unahin natin siya at matuto tayong maghintay ng may pananampalataya.
SUPPORTING VERSES:
- “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” - Mateo 6:19-21.
- “Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. Sinabi nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” - Roma 10:9-11.