09/01/2026
PATAWAD, MAHAL NA BIRHEN NG CARMELO
Patawad po, Mahal na Ina,
kung minsan kami ang naging dahilan
upang ikaw ay mailayo sa iyong Anak na si Hesus.
Ilang sandali lamang ang hinihingi ng Simbahan
upang ikaw ay makapiling Niya,
isang saglit ng katahimikan,
isang pagkakataon ng pagyakap at pag-asa,
ngunit ito’y hindi namin naibigay.
Patawad po sa panahong nailayo namin
si Poong Hesus Nazareno
sa iyong mapagkalingang kanlungan,
kanlungang sana’y nakapagbigay
ng pahinga, lunas, at kapanatagan,
hindi lamang sa mga mata na sumusubaybay,
kundi sa lahat ng pusong sugatan
ng kaguluhan at pangyayaring ito.
Patawad po kung nanaig ang aming damdamin
kaysa sa aming pananampalataya,
kung ang sigaw ng sariling kagustuhan
ang aming piniling pakinggan
sa halip na ang tinig ng Simbahan
na gumagabay sa amin tungo sa kaayusan at kapayapaan.
Patawad po, Panginoong Hesus,
sapagkat sa kabila ng mga paalala at panawagan,
pinili naming sundin ang aming sariling pasya
at nakalimutan naming ikaw ay Anak din,
Anak ng isang Inang nagmamahal,
nasasaktan, at nagdadalamhati.
Mahal na Birhen ng Carmelo,
yakapin mo po kami sa aming pagkukulang.
Ituro mo sa amin ang tunay na pagsunod,
ang kababaang-loob,
at ang pananampalatayang marunong
magbigay-daan para sa kapayapaan.
Nawa’y sa iyong mapagpalang kanlungan
muling maghilom ang aming mga sugat,
muling manumbalik ang kaayusan,
at higit sa lahat,
muling maghari sa aming mga puso
ang pag-ibig ng iyong Anak na si Hesus.