23/07/2026
HULYO 23 | HUWEBES
Araw ng Pamimintuho kay San Roque
PANALANGIN KAY SAN ROQUE
O, Panginoon Kong Diyos, ikaw na nagsugo sa maluwalhating San Roque at pinahatiran mo siya ng kaputol na tabla, pinagtibay Mo ang pangako sa kanya, upang ang sino mang dapuan ng salot ay hindi maano, sapagkat siya'y deboto sa Iyo.
Magdalita Ka sa aming lahat na gumugunita sa kanyang buhay. Ipagkaloob Mo na kami ay maligtas sa mga salot na nakakamatay sa kaluluwa't katawan, pakundangan kay Hesukristong Panginoon namin. Amen!
MGA DALIT
N. Aba matibay na moog ng taong nagasasalot.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Araw na ipinanganak ka sa katawan mo’y nakita
tandang isang Krus na maganda, buhay mong banal na sadya.
Sa sikmura’y isang Krus ang ikinital ng Diyos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Pagkawili mong mataman sa Reyna ng kalangitan
tanang adhika mong asal, siya ang tinutularan.
Bata ka pa’y naghahandog
ng pagpapakadayukdok.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Nang ikaw ay maulila binahagi mo pagdaka,
yamang sa dukhang lahat na sa ama’t ina mo’y mana.
Alab ng sinta sa Diyos ang puso mo’y nalilipos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Nagdamit kang peregrino Aquapendente’y tinungo,
doo’y ang natagpuan mo namuksang salot sa tao.
Kusa kang nakipanggamot nag-alaga sa nasalot.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Ang salot sa iyong harap, napapawing agad-agad
himalang ito'y natatap sampong bagsik mo pang lahat.
Ang sa ngalan mo’y tumuos gumagaling na tibuhos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Ang sambayanang Cecena gayon din ang taga-Roma
sa iyo’y kinamtan nila isang bayaning pagsinta ng hirap sa mga salot.
Paglipol doon ng salot lubhang kakilakilabot.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Lalaki, babae’t bata nagsisigaling na pawa
ang Krus kung iyong itala sa damit nila’y ilagda.
Anila’y anghel kang lubos nag-aanyong taong busabos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Ibiniyo ka ng sinta ng pasa-bayang Placencia,
pinagaling ang lahat na, at doo’y nagkasakit ka.
Pinaalis ka’t ibinukod dahil sa sakit at salot.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Sa tahanan mong dampa, Diyos, ika’y kinalinga,
gumaling ka kaipala, himalang tantong mistula.
May a*o na nagdudulot kanin mong ikabubusog.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Katawan mong natitigib ng madlang pagal at sakit
ibinilanggo at piniit sa bintang at maling isip.
Limang taon mong sinayod, hirap na kalunos-lunos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Ngunit ang Diyos na hari may layong nakahihili,
pagsubok sa iyong budhi lakas naming di ugali.
Sa piita’y naging bantayog sa biyaya ay nalipos.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Nakita sa isang barlaya nalilimbag, natatala
ngalan mo’y pag sinambitla ang salot ay nawawala.
Nang di kami mangasalot ngalan mo’y ibinabantog.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Aba matibay na moog ng taong nangangasalot.
L. Ampunin mo kami’y kupkop, Roqueng kapalara’y puspos.
N. Ipanalangin mo kami, maluwalhating San Roque
L. Nang kami’y maging dapat magkamit ng mga pangako ni Hesukristong aming Panginoon.
San Roque, pintakasi laban sa sakit at salot.
Ipanalangin mo kami!