27/07/2026
🤝 Si Moses ay May Aaron at Hur, Ikaw? Sino ang Aaron at Hur mo?
Hindi lahat ng tagumpay ay dahil sa lakas ng isang tao. Minsan, ito ay dahil may mga taong kusang sumusuporta satin kapag tayo bilang mga pastor ay napapagod.
📖 Text: Exodo 17:8–13
Habang nakikipaglaban ang Israel sa mga Amalekita, iniutos ni Moises kay Josue na pangunahan ang labanan. Samantalang nasa tuktok ng burol si Moises na hawak ang tungkod ng Diyos. Habang nakataas ang kanyang mga kamay, nananalo ang Israel. Ngunit nang mangalay siya at bumaba ang kanyang mga kamay, lumalamang ang Amalek.
Ano ang ginawa nina Aaron at Hur?
Hindi nila sinabihan si Moises ng:
"Kaya mo na 'yan."
Hindi rin nila sinabi:
"Problema mo na 'yan."
Sa halip, kumuha sila ng bato upang upuan ni Moises, at sinuportahan nila ang kanyang mga kamay hanggang sa paglubog ng araw. (Exodo 17:12)
Dahil doon, nagtagumpay ang Israel.
Ano ang aral na mapulot natin dito?
Maraming tao ang nakikita lamang ang pastor kapag siya ay nangangaral sa entablado.
Ngunit kakaunti ang nakakakita ng:
😭 mga gabing kulang sa tulog dahil sa pagdarasal,
😭 bigat ng pagpapastol sa iba't ibang tao,
😭 personal na laban,
😭 pagod sa ministry,
😭 emosyonal at espirituwal na pagkapagod.
Kahit ang isang dakilang lingkod ng Diyos tulad ni Moises ay nangailangan ng Aaron at Hur.
Kung si Moises ay napagod... Lalo na ang mga pastor ngayon.
🏠 Let me share some real-life situation
Halimbawa...
Napansin mong ang pastor ninyo ay halos linggo-linggo ang pangangaral.
Siya rin ang:
Sya pa rin tumutugtog... (sa mga nagsisimula)
nagvi-visit sa may sakit,
nagco-counsel,
nag-aasikaso ng church concerns,
nagtatrabaho pa upang suportahan ang pamilya na minsan mas nauuna pa asikasuhin ang pamilya ng iba (pero dapat balansehin din ito).
Minsan, tahimik lang siyang nakaupo pagkatapos ng service.
Hindi siya humihingi ng tulong.
Pero maaaring pagod na siya.
PAANO AKO MAGIGING AARON AT HUR?
Maaaring ang pagiging "Aaron at Hur" ay simpleng:
✅ "Pastor, kami na po ang magliligpit."
✅ "Pastor, ipagpe-pray namin kayo."
✅ "Pastor, kami na muna ang bahala rito."
✅ "Pastor, kumusta na po kayo?"
✅ "Pastor, may dala kaming pagkain."
✅ "Pastor, mag-vovolunteer kami na maging part dito sa ministry."
✅ "Pastor, ako muna mag-share sa bible study mamaya para naka-focus ka sa sermon ni sa Linggo."
Subukan natin na...
✅ Magbigay ng encouragement.
✅ Kung ilalagay ng Panginoon sa puso mo, maaari ring tumulong sa pinansyal na paraan bilang kusang pag-ibig. (Di yung napipilitan lamang).
Minsan, hindi kailangan ng pastor ng maraming tao. Di rin nya kailangan ng maraming advice...
May mga times na... kailangan lang niya ng isang Aaron... at isang Hur na kaya humawak ng ibang responsibilidad sa church or willing magpa-Train para hindi lahat bigay ay sa pastor nakabalikat.
⚖️ Mahalagang Paalala
Ang mensaheng ito ay hindi panawagan upang pilitin ang sinuman na magbigay o tumulong.
Hindi po ito obligasyon.
Hindi po ito sapilitan.
Hindi po ito sukatan ng pagiging espirituwal.
Ang isa sa mga batayan ng tunay na suporta ay nagmumula sa pusong kusang-loob na ginagabayan ng Panginoon.
"Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasya ng kanyang puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan; sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya." (2 Corinto 9:7)
Di lang naman ito patungkol sa pinansyal, ito ay pagbabahagi din ng oras at talento para sa Kaharian ng Diyos.
Kung hindi ka inaakay ng Panginoon or walang leading ng Holy Spirit, huwag kang kumilos na tila baga ika'y napipilitan lamang. Ngunit kung May udyok sayo ang Diyos, wag ka magmatigas dahil isang malaking pagpapala ang maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa lingkod ng Panginoon. Uulitin ko, Ito ay hindi paglilingkod para sa tao, ito ay ang paglilingkod sa Panginoon.
Ngunit kung Siya ang kumikilos sa puso mo, huwag mo ring pigilan ang Kanyang ginagawa.
❤️ Ng hamon ko sa bawat isa
Kanino ka maaaring maging Aaron at Hur ngayon kung saan man ikaw naroon?
Tahanan, opisina, eskwela, sa komunidad man o sa Iglesia.
Kaya ang mensaheng ito ay hindi lamang sa pastor, kundi maging sa asawa, magulang, kaibigan, ministry leader, missionary, o sinumang napapagod sa paglilingkod.
Minsan, ang isang taong tahimik na sumusuporta sa mga taong nanghihina ay ang ginagamit ng Diyos upang maipanalo ang isang napakalaking labanan sa mundong ito.
Ang katagumpayan ay tanging sa biyaya at para sa kaluwalhatian ng Diyos lamang.
Ikaw naman...
Sino ang mga taong ginamit ng Diyos upang suportahan ka noong mahina ka, pagod ka, o gusto mo nang sumuko?
💬 Mention their names below upang maiparamdam ang iyong pasasalamat.
O kung nais mong manatiling pribado,
📲 Share this post without mentioning their names bilang simpleng pagpupugay sa mga "Aaron at Hur" na ipinadala ng Diyos sa buhay mo.
"A thankful heart never forgets those whom God used to strengthen it." ❤️
Soli Deo Gloria