24/04/2026
Kapag Ang Social Media ay Nawawalan ng Pakiramdam
Sa panahon ngayon na napakadaling mag-post ng kahit ano sa social media, tila normal na lamang ang paglalagay ng mga larawan ng mamahaling pagkain, mamahaling kape, at pagkain sa mga mamahaling restaurant. Wala namang masama rito sa totoo lang. Kung pinaghirapan mo ang iyong kinikita at kaya mong kumain sa mga ganitong lugar, walang sinuman ang dapat humusga sa iyo dahil dito. Hindi kasalanan ang magkaroon ng kakayahang kumain ng masarap at maginhawa. Ngunit sa gitna ng lumalalang kahirapan, kagutuman, at kawalan ng hanapbuhay ng marami, may isang mahalagang tanong na dapat nating itanong sa ating sarili: may pakiramdam pa ba tayo sa kalagayan ng iba?
Hindi lahat ng puwedeng i-post ay dapat i-post. Hindi lahat ng masarap na pagkain ay kailangang ipakita. Hindi lahat ng karangyaan ay dapat ipangalandakan, lalo na kung ang lipunang ating ginagalawan ay punong-puno ng mga pamilyang hindi alam kung saan kukuha ng kanilang susunod na kakainin. Habang may ilan na masayang nagpo-post ng steak, seafood platter, imported coffee, at buffet dinner, may mga magulang namang naghahati ng isang pirasong tinapay para lamang may maipakain sa kanilang mga anak. Habang may ilan na abala sa paghahanap ng “perfect angle” ng kanilang pagkain, may mga batang natutulog na walang laman ang tiyan. At ito ang masakit: minsan, hindi natin namamalayan na ang ating simpleng post ay maaaring maging paalala sa iba ng kanilang kakulangan, hirap, at gutom.
Ang mas mabigat pa rito ay kapag may mga taong aktibong nakikilahok sa mga feeding program at gawaing pangkawanggawa, ngunit tila nawawala ang diwa ng malasakit sa mismong paraan ng kanilang pamumuhay at pagpapakita nito sa publiko. May mga pagkakataon na ang ipinapakain sa mga batang dukha ay simpleng lugaw, tinapay, o mumurahing pagkain lamang, na sa sarili nito ay wala namang masama, sapagkat ang mahalaga ay may naibibigay. Ngunit matapos ang feeding program, makikita mo ring naka-post sa social media ang parehong mga tao na masayang kumakain sa mamahaling restaurant, nakaayos ang mesa, masasarap ang putahe, at may caption pang tila ipinagmamalaki ang kanilang “reward” matapos ang outreach.
Dito pumapasok ang tanong ng integrity at sensibility
Hindi ang pagkain sa restaurant ang problema. Hindi rin ang lugaw ang problema. Ang problema ay ang malaking agwat ng kamalayan, kung paano natin nakikita ang mga dukha bilang “beneficiary” lamang ng ating kabutihan, pero hindi bilang kapwa tao na may dignidad at karapatang maranasan din ang sarap, ginhawa, at kagalakan sa buhay. Kung ang mahihirap ay lagi na lamang lugaw ang “deserve,” pero tayo ay laging “buffet” pagkatapos ng outreach, baka kailangan nating suriin kung ang ating pagtulong ba ay tunay na malasakit o minsan ay nagiging palabas na lamang.
Masakit isipin, ngunit minsan ang kawanggawa ay nagiging content, at ang mga dukha ay nagiging background lamang ng ating kabutihan. Imbes na maitaas ang kanilang dangal, nagiging bahagi pa sila ng isang larawang nagpapatunay na “mabuti tayo.” Ngunit ang tunay na pagtulong ay hindi lamang tungkol sa pagbigay ng pagkain. Ito ay tungkol sa pakikiisa, paggalang, at pagpapakumbaba. Hindi sapat na may maibigay lamang; mahalaga ring itanong: Paano natin ibinibigay? Ano ang ipinaparamdam natin sa kanila? At paano tayo namumuhay pagkatapos nating tumulong?
Sa totoo lang, ang social media ay salamin lamang ng puso. Kung ang laman ng ating social media ay puro pagpapakita ng luho, karangyaan, at kabusugan habang ang paligid natin ay puno ng gutom at paghihirap, baka panahon na upang siyasatin kung ano ang tunay na laman ng ating kalooban. Ang tanong ay hindi lang, “Masama bang kumain ng masarap?” kundi “Marunong ba akong makiramdam habang ako ay kumakain nang masarap?”
Ang pagiging sensitibo ay hindi pagiging plastik, hindi rin ito pagpapanggap na mahirap kung hindi naman. Ito ay simpleng pagkilala na hindi pare-pareho ang buhay ng tao, at may mga bagay na kahit normal para sa atin ay maaaring maging mabigat sa iba. Hindi natin kailangang itigil ang pag-enjoy sa buhay. Ngunit marahil kailangan nating matutong maghinay-hinay sa pagpapakita, lalo na kung alam nating ang mundong ating ginagalawan ay puno ng sugat, gutom, at kawalan.