22/06/2026
Para sa Aking Ama
Na walang iniisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya.
Ikaw naman. Ngayon, ikaw naman.
Isang haligi ng tahanan,
Isang matibay na pundasyon, Na bumagyo man o umaraw, Ay patuloy na nakatayo, Maitaguyod lamang ang pamilyang iyong binuo.
Kahit madumihan ang iyong mga kamay, Hindi alintana, Basta't may malinis kang maibigay sa amin.
Ramdam namin kapag kayo'y pagod na. Alam namin kahit kayo'y walang imik. Nakikita namin ang bawat kayod, Kahit masakit na pati ang inyong mga tuhod.
Kaya't salamat. Salamat sa lahat.
Salamat sa pagdidisiplina. Salamat sa pagmamahal. Salamat sa bawat paghatid at pagsundo. Bumabagyo man o umuulan, dumarating pa rin kayo.
Salamat sa mga biro na kahit hindi nakakatawa, Ay nakakatuwa, nakakatuwang makita kayong masaya.
Salamat sa "kami" muna bago ang sarili ninyo. Salamat sa "kami" muna kahit wala nang matira para sa inyo. Salamat dahil kahit ganoon, Hindi kayo huminto at hindi kayo sumusuko.
Kaya patuloy naming ipinagpapasalamat Na mayroon kaming kayo. Mayroon kaming ikaw.
Biyaya kayo sa amin ng Diyos.
Saludo kaming mga anak sa inyo.
Kahit hindi kayo sundalo, ipinagtatanggol ninyo kami. Kahit hindi kayo doktor, nagagamot ninyo mga sugat namin. Kahit hindi kayo inhinyero, nakagawa kayo ng bahay na aming masisilungan. Kahit hindi kayo g**o, marami kayong naituro sa amin. Kahit hindi kayo superhero, palagi kayong naroon para sa amin. At kahit minsan kulang na, Buong-buo pa rin ang ibinibigay ninyo para sa amin.
Aking Ama, Papa, Itay, Tatayโ Anuman ang itawag ko sa iyo, Patuloy kitang ipagpapasalamat at ipagmamalaki, Dahil ikaw ang Tatay Ko.
Dalangin ko ang mahabangg buhay, maayos na kalusugan, at masayang pamumuhay para sa iyo. Nawa'y patuloy kang ingatan at pagpalain ng Diyos.
At lagi mo ring alalahanin na mayroon ka ring AmaโAng ating Panginoon, Na siyang patuloy na gumagabay, nagpapalakas, at nagmamahal sa iyo.
Mahal na mahal ka namin.
Maligayang Araw ng mga Ama.