30/03/2026
“‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin."
Mahuhusgahan ninyo ang aming paghalik, pagpunas, at pagpasan sa mga imahe. Madali lang makita ang kilos ngunit hindi ang pinagmumulan nito. Sapagkat ang pananampalataya ay hindi nasusukat sa panlabas na anyo, kundi sa tahimik na pag-ibig at pag-aalay ng puso.
Ang hinahawakan namin ay hindi ang kahoy o bato, kundi ang alaala ng sakripisyo, ang paanyaya sa panalangin, at ang ugnayang hindi nakikita ng mata ngunit tunay na nararanasan ng puso.
Ang pagsamba ay para lamang sa Diyos. Ang paggalang at pagkilala ay para sa mga tanda na naglalapit sa amin sa Kanya. Hindi kailanman itinuro ng Simbahan na sumamba sa rebulto o estatwa. Sa halip, ang mga ito ay nagsisilbing tulay at gabay sa pagninilay mula sa mga paalala ng banal at katahimikan sa gitna ng ingay ng mundo.
Marami ang gumagamit ng Exodus 20:4 bilang sandata ng pagtuligsa, ngunit kadalasan ay inihihiwalay ito sa mas malalim na diwa ng Kasulatan. Sapagkat kung ang pagbabawal ay laban sa mismong paglikha ng larawan, bakit may mga pagkakataon ding ipinahintulot ang mga banal na tanda bilang bahagi ng pananampalataya? Ang tunay na babala ay laban sa paglalagay ng Diyos sa anyong kayang kontrolin o palitan, at hindi laban sa paggamit ng mga bagay na tumutulong sa tao na higit Siyang makilala.
Sa huli, ang tanong ay hindi kung ano ang aming hinahawakan, kundi kung sino ang aming hinahanap. At sa bawat pagpasan, paghalik, at pagpunas, hindi rebulto ang aming dinadakila kundi ang Diyos na patuloy naming pinipiling mas kilalanin at pagalayan ng pagtitiwala.
Mahal na Araw 2026