15/05/2021
PANALANGIN NG MGA HEALTH CARE WORKERS
(Maaaring dasalin ito ng mga health care workers sa simula o pagtatapos ng kanilang gawain araw-araw)
Mapagmahal na Ama, hinirang mo kami upang maging mga lingkod Mo sa larangan ng siyensiya at medisina. Pinili mo kami upang maging mga katuwang Mo sa pagpapagaling sa mga kapatid naming may karamdaman. Salamat sa iyong pagtitiwala sa kabila ng aming mga kahinaan at pagkukulang. Gamitin mo ang aming buong pagkatao upang hilumin ang mga kapatid naming nahihirapan dahil sa ibat’t ibang uri ng karamdaman. Gawin Mo kaming mahabagin at mapagmalasakit lalo na sa mga kapatid naming pinanghihinaan ng katawan at kalooban.
Mahabaging Ama, nababatid Mo ang nilalaman ng puso’t isipan namin tuwing kami’y gaganap sa aming tungkulin. Pawiin Mo ang aming takot at pangamba para sa aming mga sarili at mga mahal namin sa buhay. Nababatid mo ang aming pagkabahala habang naglilingkod kami ngayong panahon ng pandemya. Ipadama mo sa amin ang iyong mapagmahal na presensiya na magbibigay sa amin ng lakas at inspirasyon araw-araw. Proteksiyonan Mo kami at ang aming mga mahal sa buhay laban sa mga sakit lalo na sa COVID-19 na patuloy na nagpapahirap sa marami.
Sa araw-araw naming pagsisilbi sa mga kapatid naming may karamdaman, balutin mo kami ng iyong awa’t pagmamahal. Puspusin mo kami ng Iyong Banal na Espiritu na siyang magpapalakas at magpapatatag sa amin. Sa Iyo namin ipinagkakatiwala ang lahat dahil alam naming sasamahan Mo kami hanggang sa tuluyan naming mapagtagumpayan ang pagsubok na ito. Ito ang samo’t dalangin namin sa Ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen.
Maria, Mapagpagaling sa mga maysakit,
Ipanalangin mo Kami
San Jose,
Ipanalangin mo kami
San Rafael, Arkanghel,
Ipanalangin mo kami
San Roque,
Ipanalangin mo kami
San Camillo de Lellis,
Ipanalangin mo kami