12/11/2025
Ang Huling Mensahe sa Mikropono
Pambungad:
------------
Sa bawat simbahan, may isang tinig na nakaukit sa alaala ng mga dumadalo, isang tinig na puno ng sigla, pananampalataya, at pagmamahal sa Diyos. Sa aming pamilya, ang tinig na iyon ay kay Mama Narsing. Siya ang aming gabay sa musika, inspirasyon sa paglilingkod, at patunay na ang buhay na inalay sa Diyos ay hindi kailanman nasasayang.
------------------------------------------
Tahimik ang buong silid nang arawng iyon, tila ba pati hangin ay nakikinig sa bawat tinig na umaalingawngaw mula sa mikropono. Si Mama Narsing, ang aming butihing tita, muling humawak ng mikropono ngunit sa pagkakataong ito, hindi na para umawit, kundi para magpasalamat.
Mula pa noong bata ako, kilala na si Mama Narsing bilang isang lider sa simbahan. Ang kanyang tinig ay matamis na musika ng papuri para sa Diyos. Siya ang nagturo sa amin kung paano makinig at makibagay sa bawat βblendingβ ng himig, hindi lamang sa pagkanta, kundi maging sa buhay. Sa bawat awitin niya, damang-dama mo ang pusong naglilingkod at sumasamba.
Hindi lamang siya isang mahusay na mang-aawit, isa rin siyang tagapagturo ng Salita ng Diyos. Palagi niya kaming inaanyayahan na sumama sa pagsamba, magpuri, at makiisa sa mga gawain ng simbahan. Dahil sa kanyang paggabay, doon kami namulat sa pananampalatayang may buhay at layunin.
Ang tahanan nina Mama ay bukas palagi sa lahat. Araw-araw, may mga bisitang dumaraan, mga kapwa mananampalataya, kaibigan, at mga taong humahanap ng payo o panalangin. Masayahin silang pamilya, mababait, at tunay na mga Kristiyano. Sa kanilang tahanan, ramdam mo ang presensya ni Kristo sa bawat ngiti at yakap.
Kamakailan lamang, noong Oktubre 17, 2025, ipinagdiwang ni Mama Narsing ang kanyang ika-67 kaarawan. Pagdating ng linggo, inawitan namin siya ng birthday song. Sa gitna ng ngiti, kinuha niya ang mikropono at nagsalita:
βSalamat sa Panginoon, dahil na-extend pa ang aking buhay. Sa dami ng pagsubok at sakit na pinagdaanan ngayong taon, nakarating pa kami sa Cagayan, sa Surigao, para magpagamot. Salamat sa Diyos, nandito pa ako sa inyong harapan.β
Iyon ang kanyang huling mensahe -puno ng pananampalataya, pagpapasalamat, at kababaang-loob.
Ngayon, Nobyembre 12, 2025, namaalam na si Mama Narsing dahil sa sakit sa kidney. Ang kanyang tinig ay nanahimik, ngunit ang awitin ng kanyang buhay ay patuloy naming maririnig sa aming mga puso. Ang huling mikroponong kanyang hinawakan ay simbolo ng kanyang buhay na ginugol sa paglilingkod, sa pag-awit, at sa pagbibigay ng papuri sa Diyos.
Sa bawat himig ng simbahan, sa bawat awit ng papuri, naroon pa rin si Mama - ang aming lider, g**o, at inspirasyon. Hindi na niya kailangang magsalita; sapat na ang alaala ng kanyang tinig upang ipaalala sa amin na ang buhay na may Kristo ay tunay na awit ng pag-ibig.
Pangwakas na Panalangin
----------------------
Panginoon, salamat po sa buhay ni Mama Narsing, isang tinig ng pag-ibig, isang halimbawang may pusong naglilingkod. Nawaβy ang kanyang alaala ay maging inspirasyon sa amin upang patuloy na umawit ng papuri sa Inyo, kahit sa gitna ng pagsubok. Alam namin ang kapahingahan niya ay sa Iyong piling. Bigyan Nβyo ng lakas at kapanatagan ang aming pamilya.
Amen.