17/08/2026
AGOSTO 17 | Paggunita kay Santa Clara de la Santa Cruz de Montefalco,
Virgen, Monja, Abadesa
Sa murang edad, si Chiara at ang kanyang kapatid na si Giovanna ay namuhay sa isang ermita na ipinatayo ng kanilang ama sa pamamatnubay ng mga Franciscano.
Ngunit dahil hindi pa matatag ang Tercera Orden ni San Francisco noong panahong ninanais nilang mas mapalalim ang kanilang pamumuhay bilang mga mongha, itinatag ng kanilang Obispo ang kanilang monasteryo sa ilalim ng Regula ni San Agustin, kung saan hinirang na maging unang abadesa ang kanyang kapatid na si Juana.
Sa pagkamatay ni Juana ay siya ang napili ng mga kasama niyang mongha upang humalili dito. Sa una ay hindi niya ito tinanggap ngunit dahil sa pangungumbinsi ng kanyang mga kasamang madre, siya ay tumalima.
Siya ay nagkaroon ng mga pangitain na nagtatagal ng ilang linggo. Isa sa pinakatanyag ay noong minsang nakasalubong niya si Jesus na pasan ang Kanyang Krus na tila ba naglalakbay.
Tinanong niya Siya kung saan Ito tutungo, at sinagot Siya ng Panginoon ng: "Hinahanap ko ang isang lugar kung saan ko maaaring itulos ang aking krus, at ito ay natagpuan ko sa iyong puso." At sa kanyang puso nga ay itinarak ng Panginoon ang kanyang Krus na nagbigay ng matinding sakit kay Santa Clara; ngunit ang sakit na kanyang nadama ay hindi pumigil sa kanya upang maglingkod sa kapwa, at magampanan ang kanyang mga tungkulin bilang abadesa ng kanyang komunidad. Dinala niya ang hirap na ito hanggang sa kanyang kamatayan.
Bago siya pumanaw, madalas niyang sabihin na ang Krus ng Panginoon ay matatagpuan sa kanya puso; kung kaya pinasuri ng kanyang mga kaibigang madre ang kanyang mga labi, at natagpuan nga sa kanyang puso ang imahen ng isang krus, at ng ilang mga instrumento ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa kanyang apdo naman ay may natagpuang tatlong bato na nakaayos patatsulok, na kung titimbanging sama-sama, ang bigat ay kaparis lamang kung titimbanging isa-isa. Sa kalaunan, ito ay kinilala bilang manipestasyon ng Santisima Trinidad.