15/05/2026
𝐃𝐔𝐊𝐇𝐀 𝐊𝐀 𝐌𝐀𝐍𝐆 𝐒𝐈𝐍𝐀𝐒𝐀𝐌𝐁𝐈𝐓,
𝐋𝐔𝐁𝐎𝐒 𝐍𝐀𝐌𝐀𝐍 𝐀𝐍𝐆 𝐈𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆-𝐈𝐁𝐈𝐆.
𝐈𝐒𝐈𝐃𝐑𝐎'𝐘 𝐈𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐈𝐇𝐈𝐁𝐈𝐊,
𝐊𝐀𝐌𝐈𝐍𝐆 𝐀𝐌𝐏𝐎𝐍 𝐌𝐎'𝐓 𝐓𝐀𝐍𝐆𝐊𝐈𝐋𝐈𝐊!
Ngayong araw, Mayo 15, ay ating ipinagdiriwang ang 𝐃𝐚𝐤𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐬𝐭𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐢 𝐒𝐚𝐧 𝐈𝐬𝐢𝐝𝐫𝐨 𝐋𝐚𝐛𝐫𝐚𝐝𝐨𝐫, 𝐦𝐚𝐠𝐬𝐚𝐬𝐚𝐤𝐚, ang minamahal na pintakasi ng ating Parokya at patron ng mga magsasaka.
Mula po sa ating Kura Paroko, Rdo. P. Leonard Hernandez at sa Hermandad 2026, ang Ministry of Lectors and Commentators — isang pagbati po ng 𝐌𝐀𝐋𝐈𝐆𝐀𝐘𝐀 𝐀𝐓 𝐌𝐀𝐁𝐈𝐘𝐀𝐘𝐀𝐍𝐆 sa ating lahat! Nawa'y isabuhay natin ang kabanalan ni San Isidro, upang maging tulad niya, ay maging ganap na buhay natin ang Santa Misa, nang sa gayo’y maibahagi natin ang integridad ng pagiging iisa kay Kristo sa ating pamilya, kaibigan, at pamayanan.
*****
𝐏𝐀𝐍𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆𝐈𝐍 𝐊𝐀𝐘 𝐒𝐀𝐍 𝐈𝐒𝐈𝐃𝐑𝐎 𝐋𝐀𝐁𝐑𝐀𝐃𝐎𝐑
Makapangyarihang Diyos,
na sa dakilang pagsinta Mo sa amin
ay binigyan Mo kami ng isang uliran
at mapag-ampong pintakasi
na si San Isidro Magsasaka,
na pinagkalooban Mo ng mahal na biyaya,
ng kapangyarihan, na kahit sa lupang kapatagan
ay nakapagpapabukal ng tubig
sa pagtumbok lamang ng kaniyang tungkod,
at binigyan Mo naman ng malaking kasipagan
na 'di ang lupa lamang ang pinagsumakitan niyang pag-anihan,
kundi pati kaluluwa'y pinagpilitan ding pag-anihan
ng magagandang gawa.
Hinihingi namin sa Iyo, Panginoon,
na alang-alang sa karapatan ng mapaghimalang Santo ay pagkalooban Mo kami
ng makapangyarihang tulong
na ikawawala ng katamaran namin
sa paggawa ng kabanalan
at halinhan Mo ng magandang kasipagan
ukol sa magaling
at ang pagtulad sa kaniya
ay masundan nawa namin
ang biyayang inagaw sa amin ng kasalanan.
Umaasa kami Panginoon sa awa Mong walang hanggan.
Amen.
San Isidro Labrador de Bambang, ipanalangin mo kami!
*****
¡VIVA APO IDRO! 🌾
*************
Maaari niyo rin po kaming i-follow sa mga sumusunod na Social Media Platforms!
Facebook: https://www.facebook.com/sanisidrolabradorbambang
Youtube: https://www.youtube.com/
TikTok: https://www.tiktok.com/