24/05/2026
SALVATION TESTIMONY
Isang mapagpalang umaga po sa inyong lahat, mga kapatid! Ako po si Nonimarc A. Umipig, taga-Isabela. Narito po ang aking patotoo kung paano ako iniligtas ng ating Panginoon.
Bago ko po Siya makilala, ang buhay ko ay nakatuon sa makamundong gawain. Sa murang
edad, noong ako’y nasa elementarya pa lamang, natutunan ko na pong lihim na magbisyo. Lumaki akong rebelde at lapastangan sa aking mga magulang. Dahil sa katigasan ng aking ulo, madalas po nila akong napapalo at nadidisiplina. Palaaway din po ako noon at palaging lumiliban sa klase. Minsan pa nga, kasama ang aking mga kaibigan, pumapasok kami sa mga bahay sa aming lugar upang nakawin ang mga laruan ng mga batang gaya namin.
Ngunit nagsimulang magbago ang lahat nang turuan ako ng aking ama patungkol sa
Ebanghelyo. Labindalawang taong gulang ako nang sinimulan niya akong turuan ng mga bagay
tungkol sa Diyos. Pinaliwanag niya nang malinaw sa akin ang Gospel upang maunawaan ko ito. Itinuro niya ang ginawa ng Panginoong Jesus—na Siya’y namatay sa krus ng Kalbaryo dahil sa kasalanan ng tao. Pinakinggan ko iyon nang mabuti sapagkat alam kong isa rin akong
makasalanan. Dahil dito, binautismuhan ako ng isang Southern Baptist Church na aking
dinadaluhan noon sa Isabela.
Ngunit hindi naging maayos ang lahat sa aking buhay pananampalataya. Dumating ang
panahon na ako’y nalayo sa Diyos. Nagsimula ito nang magtrabaho ako sa ibang bansa. Doon ko rin nakapag-asawa nang maaga, sa edad na 19. Ngunit nauwi agad sa hiwalayan, na nagdulot ng matinding dalamhati sa aking puso. Bumalik ako sa dating gawi—nagbisyo muli ng alak at sigarilyo, at nagkaroon ng iba’t ibang karelasyon. Dumating sa punto na nakalimutan ko ang Diyos na tunay na nagmamahal sa akin. Nakalimutan kong hindi na dapat ako mamuhay sa kasalanan, sapagkat binago na ako ng Diyos. Nanlamig ako sa Kanya dahil sa sakit na dulot ng pagkahiwalay ko sa aking asawa. Ngunit salamat sa Diyos, sapagkat Siya’y nanatiling mabiyaya sa akin! Hindi Niya ako pinabayaan sa kabila ng aking panlalamig at mga pagkukulang. Hindi Niya hinayaang maagaw ako ng kaaway. Ginising Niya ako sa masakit na katotohanan na ako’y nalalayo na sa Kanya.
Nagpapasalamat ako sa Panginoon sapagkat muli Niya akong tinanggap upang maglingkod
sa Kanya. Nagpapasalamat din ako sa kapatiran ng Logos Sovereign Grace Baptist Church – San
Rafael sa kanilang mainit na pagtanggap sa amin. Salamat din po sa inyo, Pastor Jezreel, na
itinuring ninyo kaming pamilya. Ginamit ng Panginoon ang iglesiang ito upang lalong maging malinaw at malalim sa akin ang pananampalataya kay Cristo Jesus—na Siya’y namatay dahil sa aking mga kasalanan at muling nabuhay para sa aking kaligtasan. Tinanggap Niya ako at pinatawad sa kabila ng aking mga nagawang kasalanan.
Bagamat nakabalik na po ako sa Panginoon, patuloy pa rin kaming dumaraan sa mga
pagsubok ni Mira, ang aking bagong katuwang sa buhay. Gayunman, nananalig ako sa Diyos na
hinding-hindi Niya kami pababayaan, kasama ang aming mga anak. Salamat po at God bless sa ating lahat!