19/08/2026
π PANALANGIN PARA SA MGA APEKTADO NG MASAMANG PANAHON
Amang Makapangyarihan at Maawain,
kami po ay buong pagpapakumbabang dumudulog sa Iyong banal na presensya. Sa gitna ng malakas na ulan, hangin, pagbaha at iba pang dulot ng masamang panahon, hinihiling namin ang Iyong walang hanggang pag-iingat at awa.
Panginoon, iligtas at ingatan Mo po ang bawat pamilya, lalo na ang mga nasa lugar na lubhang naapektuhan. Ilayo Mo sila sa anumang kapahamakan, bigyan ng ligtas na tahanan, sapat na pagkain at lakas upang malampasan ang pagsubok na ito.
Gabayan Mo rin ang mga rescuer, frontliners, kawani ng pamahalaan at lahat ng tumutulong sa mga nangangailangan. Bigyan Mo sila ng tapang, karunungan at kaligtasan sa kanilang paglilingkod.
Hinihiling din namin ang Iyong awa para sa mga nawalan ng tahanan, kabuhayan at mga mahal sa buhay. Nawa'y ipadama Mo sa kanila ang Iyong pagmamahal at pag-asa.
Panginoon, sa panahon ng unos, Ikaw ang aming kanlungan at lakas.
Nawa'y humupa ang sama ng panahon at maging ligtas ang bawat isa.
Sa pamamagitan ng aming mga panalangin at ng Iyong banal na awa, ipagkaloob Mo sa amin ang kaligtasan, kapayapaan at proteksyon.
Amen.
Sr. de Bocaue, ipanalangin mo kami.