14/08/2026
AGOSTO 14 | PAG-ALALA SA PAGKAHIMLAY NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
La Dormicion de la Virgen Maria
Ang iyong kadakilaan,
Maria Birheng dinangal
Ngayo'y ipinagdiriwang.
Tampok ka sa kalangitan
Sa piling ni Kristong banal.
PANALANGIN SA LA VIRGEN DORMIDA
Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos, ipinaglihi kang walang sala, matapos ang iyong buhay dito sa lupa, sa iyong mahimbing na pagtulog, ay minagindapat iakyat ang iyong kaluluwa at katawan sa kaluwalhatian ng kalangitan, at itinanghal bilang Reyna ng langit at lupa, Ikaw na nagdala sa dakilang tagapagligtas ng mundo sa iyong sinapupunan ay hindi nakaranas ng kamatayan sapagkat ikaw ang Ina ng buhay, Ikaw ang bukod tanging pinagindapat na maging tulay at daan ng aming katubusan, kaya ikaw sunod sa iyong Anak ang unang nakaranas ng ganap niyang pagliligtas, masdan mo kaming iyong mga anak na naglalakbay pa sa lupa, masdan mo ang aming mga hilahil at suliranin, masdan mo ang bigat ng aming mga pasanin sa buhay, bigyang lunas mo ang aming mga karaingan Mahal na Birheng Maria, sapagkat lubha kang mapalad at malapit sa iyong Anak, masdan mo mula sa iyong luklukan sa kalangitan kaming taus pusong namimintuho sa Iyo, ngayon dito sa lupa tulong mo nawa'y makamit, at oras ng aming pagpanaw kami ay iyong kupkupin at ng sa langit na tahahan ikaw ay makapiling kasama ng iyong Anak na ating Panginoon Hesus na naghaharing kasama ng Ama at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. AMEN.
(Panalanging likha ni + Reb. Pdre. John Paul S. Mabanta, O.S.A)
Photo Credits: X'ian Madlang-awa