22/05/2026
PAMUMUHAY PARA SA KALOOBAN NG DIYOS
Ang tunay na mananampalataya ay namumuhay para sa kalooban ng Diyos sapagkat higit niyang pinahahalagahan ang pagsunod kay Cristo kaysa sa pansamantalang kaginhawahan ng mundo.
Hindi madali ang pamumuhay para sa kalooban ng Panginoon. May mga pagkakataong pagtatawanan, lalayuan, o uusigin ka ngunit ang tunay na mananampalataya ay nananatiling tapat dahil alam niyang si Cristo mismo ay nagtiis din alang-alang sa atin..
Ang taong namumuhay para sa kalooban ng Diyos ay nagkakaroon ng malinaw na direksyon at kabuluhan ang buhay.
Ang taong namumuhay para sa kalooban ng Diyos ay may tunay na kapayapaan kahit may problema at pagsubok.
PAANO MAMUMUHAY PARA SA KALOOBAN NG DIYOS?
I. MAGING HANDANG MAGTIIS PARA SA KATUWIRAN
1 Pedro 4:1-2 RTPV05
1 Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan.
2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman.
Ang mga sundalo ay dumaraan sa matinding training bago makidigma. Nasasaktan, napapagod, at nahihirapan para ipaglaban ang bayan.
Ganito rin ang Kristiyano. May pagtitiis para ipaglaban ang layunin ng Diyos sa buhay natin.
Huwag umatras kapag may hirap dahil sa pagsunod kay Cristo.
II. MAGING HANDANG TALIKURAN ANG MAGULONG PAMUMUHAY
Ang “magulong pamumuhay” ay tumutukoy sa buhay na malayo sa Diyos—punô ng kasalanan, bisyo, imoralidad, galit, pagkamakasarili, at pagsunod sa makamundong pagnanasa.
Ang tawag ng Diyos sa bawat mananampalataya ay talikuran ang dating buhay at mamuhay sa kabanalan at pagsunod sa Kanya.
Hindi tayo nagsisikap maging banal, ang pagsisikap natin ay ipamuhay ang binigay sa atin na kabanalan.
Kapag naliligo ang isang tao pagkatapos manggaling sa putikan, hindi na siya babalik upang lumusong muli sa putikan.
Ganito rin ang Cristiano. Nilinis na tayo ni Cristo kaya hindi na tayo dapat bumalik sa dating pamumuhay.
Iwasan ang mga gawain na nagtutulak sa kasalanan.
tanggalin ang maling bisyo at maling impluwensya.
Piliin ang mga kaibigang maglalapit sa Diyos.
Ang isang dating lasenggo na nakakilala kay Cristo ay unti-unting umiwas sa barkadang nagdadala sa kanya sa bisyo. Hindi dahil mas mabuti siya, kundi dahil binabago siya ng Diyos.
Ang tunay na mananampalataya ay mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos at hindi ayon sa nasa ng laman kahit may pagtitiis at pag-uusig.
III. MAGING HANDANG SUMUNOD SA DIYOS KAHIT USIGIN
Kapag ang isang tao ay tunay na nagbago, may mga taong hindi makakaunawa. Maaaring laitin, siraan, o usigin siya. Ngunit ang mahalaga ay ang pagsang-ayon ng Diyos at hindi ng tao.
1 Pedro 4:4-6 RTPV05
4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila,
5 ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang ilaw ay kapansin-pansin lalo na sa madilim na lugar. Kapag ang Cristiano ay namumuhay nang tama, mapapansin talaga siya ng mundo.
Hayaan nating makita ng iba si Cristo sa ating pamumuhay kahit tayo’y punahin o usigin.
Mga Taga-Roma 8:18 RTPV05
18 Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw.
1 Juan 2:17 RTPV05
17 Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.
Ang taong namumuhay para sa Diyos ay nananatiling tapat kahit inuusig ng mundo.
Ang buhay Cristiano ay hindi madali ngunit ito ay makabuluhan.
Si Cristo ay nagtiis para sa atin kaya tayo rin ay tinatawag na mamuhay para sa Diyos.
Hindi sapat na kilala lamang natin si Cristo; kailangan ding makita sa ating buhay ang pagbabago.
PAANO MAMUHAY PARA SA KALOOBAN NG DIYOS?
I. MAGING HANDANG MAGTIIS PARA SA KATUWIRAN
II. MAGING HANDANG TALIKURAN ANG MAGULONG PAMUMUHAY
III. MAGING HANDANG SUMUNOD SA DIYOS KAHIT USIGIN