15/05/2026
Clementians, sa Linggo na at Santa Cruzan na naman!
Sa ating nayon, karaniwang itinatapat ng ika-3 Linggo ng Mayo ang taunang Sagala, ang Linggong iyon ay inilaan para sa paggunita ng kapistahan ng Mahal na Birheng de las Flores.
Ang Sagala ng nayon ay karaniwang sinisimulan sa pagpapasiyo ng banda tuwing umaga na sinusundan ng prusisyon at ritwal ng pagpaparangal sa Mahal na Birhen. Ito ay susundan ng pagpanaog ng birhen sa isang tahanan at doon siya ay dadasalan ng Rosario Cantada. Samantala, ang Santa Cruz naman ay idinadala sa bahay ng Reyna Elena at inaawitan naman ito ng dalit ng Santa Cruz.
Kinahapunan, ang Mahal na Birhen ay susunduin ng banda at ng mga sakristan patungong kapilya, ang Mahal na Birhen ay inihahanda sa kaniyang andas samantalang ang bawat reyna ay sinusundo naman sa kanilang mga tahanan.
Matapos ang sunduan, ito ay susundan na ng prusisyon ng sagala na umiikot sa buong nayon, ang bawat reyna ay may nakaakibat na simbolo, makulay na mga arko, at mga kulay na sumasalamin sa kanilang pagiging reyna.
Ang prusisyon ay karaniwang natatapos sa court o gym ng barangay na kung saan ay dito isinasagawa ang iba’t ibang mga gawain sa pagpaparangal sa Mahal na Ina tulad ng pagsayaw at pagharana, sa gawain din ito ang pagsasalin ng korona sa susunod na Reyna Del Santissimo Rosario, Reyna de las Flores, Emperatriz, Hermana, at Reyna Elena.
Matapos ang pagdiriwang, ang Mahal na Birhen ay aawitan ng Paalam, Inang Birhen at sama-samang ihahatid sa kapilya, tanda ng pagtatapos ng Santa Cruzan ng taon na yaon.
(narito ang ilan sa mga kuhang larawan sa mga santacruzan at flores de mayo noong 2013 at 2014)