02/03/2021
Ano ba ang Salita ng Diyos?
Isang tanong na maraming tao ang marahil sasagot, “Ang Salita ng Diyos ay ang Qur’an, o kaya naman, Bibliya at Book of Mormons, at sa iba pa, ito ay ang Bibliya na naglalaman ng Luma, Bagong Tipan, at Apocrypha.”
Ngunit ano nga ba ang tunay at nag-iisang Salita ng Diyos na pinatototohanan mismo ng Kasulatan at sinasabi sa katekismong ito? Sa makatuwid, ito nga ay ang Lumang Tipan na mayroong tatlumpu’t siyam (39) na mga aklat, at Bagong Tipan na mayroon namang dalawampu’t pitong (27) mga sulat at aklat.
Bakit naman ito lamang ang nag-iisang saligan ng pananampalataya? Hindi ba pwedeng ‘Kasulatan at Tradisyon’? O kaya naman, ‘Kasulatan, Tradisyon, at ang Opisyal na Interpretasyon ng Matataas na mga Pinuno ng Iglesya (Magisterium)?’
Hinding-hindi! Sapagkat ito lamang ang kinasihan ng Diyos na maaaring gamitin ng iglesya sa kanyang pagsamba, pagtuturo ng mga doktrina, pagsasaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, upang sa gayon ay maging ganap ang mga tao ng Diyos at maging mainam sa lahat ng gawaing mabuti (2 Timoteo 3:26-17).
Gayundin, ang mga ito ay hindi nagkakamali at walang pagkakamali (inerrant at infallible) dahil nga sa banal pagkasi ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, hindi tulad ng mga Tradisyon, at mga Pinuno ng mga iglesya na maaring magkamali dahil sa impluwensya ng mundo at sa kurap na kalagayan ng tao.
Gaya ng paninindigan ng mga Reformers noong 16th Century na ang Salita lamang ng Diyos ang siyang saligan ng ating pananampalataya at wala nang iba pa (Sola Scriptura) hinihimok rin tayo na tindigan ito. Kaya naman, nararapat lamang na tratuhin natin ang mga Kasulatang ito ng may mataas na paggalang at palagi tayong masumpungan na nagbubulay-bulay sa mga ito araw at gabi (Josue 1:8; Awit 1:2).
Panalangin:
Dakilang Diyos Ama, salamat po sa Inyong mga Salita na ipinagkaloob sa amin upang aming malaman ang kalooban Mo at sa gayon ay makilala Ka ng lubos. Nawa, parati kaming masumpungan na nagbubulay-bulay sa mga ito at ipinamumuhay sa araw-araw sa tulong ng Banal na Espiritu para sa Inyong kapurihan at kadakilaan lamang. Sa Pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, Amen.
Soli Deo Gloria! 🙏