Life In Christ and His Word Ministries Int'l Main

Life In Christ and His Word Ministries Int'l Main Contact information, map and directions, contact form, opening hours, services, ratings, photos, videos and announcements from Life In Christ and His Word Ministries Int'l Main, Religious organisation, Sitio Tangake Pila-Pila, Binangonan.

Life in Christ and His Word Ministries
A Christ-centered church in Pila-Pila, Binangonan, Rizal
Join us every Sunday Live Service | 8:00–10:00 AM
📖 Growing in faith through God’s Word.

24/05/2026

Food for the Day
May 25, 2026

Answered prayer bank.

Mateo 6:6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

ATM - Dalawa ang pwedeng meaning nito, At the moment at automated teller machine. Parehong konektado sa panalangin. At the moment; kasi lagi ang panalangin kung ano ang sitwasyon ngayon. Sabi sa Mateo 6:34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.” Ang panalangin ay kung ano ang immediate needs, prayer request, mga pangyayari at iba pa. Si Daniel ay nanalangin kung ano ang sitwasyon, ang mga umuusig sa kanya at ang parusa na pwedeng mamaya ay maranasan niya. Katulad din ng ATM ang panalangin dahil ang prayer mo ngayon is never wasted kung walang sagot ngayon, it is a stored power.

Parang wala ngayon, tahimik kaya ang Diyos o feeling natin useless ang pentalongin; parang di naman sumasagot ang Diyos eh. Pero ang panalangin ay may ginagawa na hindi mo nakikita. Katulad ng ating teksto may Diyos na nagpapala sa kanyang dakilang oras at plano. “Prayer is not wasted time; it is an invested power.” Walang naipanalanagin na nasayang tandaan natin ito. For the right moment ito ay darating. Kapag may isinuksok may madudukot, patuloy lang mag-ipon ng mga panalangin; ngayon instantly sasagot ang Diyos o bukas makalawa sa kanyang sweet moment matatanggap mo ito. Make prayer your steering wheel ATM, not your spare tire. Mark 11:24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. Basahin din ang Awit 16, Fil. 4:6.

Salamat O Diyos, binigyan mo po kami ng koneksyon. Patuloy niyo po kaming bigyan ng katiyagaang manalangin.Amen

Q2P – Anu-ano ang panalangin mo para sa ngayon at mga bagay na kailangan mo din para sa hinaharap ? Buong tyaga ka din bang nagaantay ng sagot?

24/05/2026
23/05/2026

Food for the Day
May 24, 2026

Ang tamang panahon.

Roma 5:6 Sapagkat sa takdang panahon, noong tayo’y wala pang kakayahang iligtas ang ating sarili, si Cristo ay namatay para sa mga makasalanan.

Hindi ba’t nakakahanga na ang Diyos na walang hanggan at hindi nalilimitahan ng oras o lugar ay may perfect timing? Bagama’t siya ay higit sa panahon, alam niya ang eksaktong oras kung kailan siya kikilos. Kumilos ang Diyos noong tayo ay walang kakayahan. Nang tila wala nang pag-asa, ipinakita ng Diyos na siya ang Diyos ng pag-asa sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanyang Anak na si Jesus upang mabuhay, mamatay, at muling mabuhay para sa atin. Nang mabigo ang lahat ng paraan ng tao upang makamit ang kaligtasan, ibinigay ng Diyos ang tanging daan ng kaligtasan para sa lahat ng sasampalataya sa kanyang Anak. “Sa takdang panahon, noong tayo’y wala pang kakayahan, si Cristo ay namatay para sa mga makasalanan” at tayo iyon!

Dumating si Cristo sa tamang oras ng kasaysayan. Inihanda ng Diyos ang lahat. Ang kaharian ng Roma noon ay nagtatag ng isang wika, nagpapanatili ng kapayapaan, at nagpadali ng paglalakbay sa panahong iyon. Ayon sa mga historians, ang pagkakatugma ng mga pangyayari sa kasaysayan ang naging dahilan upang maging tamang panahon ang kapanganakan ni Jesus sa Bethlehem. Ipinaliliwanag ito sa Galatians 4:4: “Ngunit nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak…” Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat perpekto ang kanyang timing. Ipagdiwang natin ito sa ating pagsamba ngayon. Pasalamatan natin si Cristo na namatay para sa atin noong tayo’y walang kakayahan, upang tayo’y maituwid ang relasyon sa Diyos. Sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus, nagkaroon tayo ng pakikipagkasundo sa Diyos. Basahin din ang Romans 5:1-11.

Panginoon, ang iyong pagdating ay nangyari sa perpektong panahon. Tulungan mo kaming gamitin ang aming oras ngayon para sa iyong papuri. Amen.

Q2P: May pagkakataon ba sa iyong buhay na nakita mong kumilos ang Diyos sa tamang panahon, kahit noong pakiramdam mo ay wala nang pag-asa?

22/05/2026

Food for the Day
May 23, 2026

Ngayon ang araw para sa pamumuhay Cristiano.

Mark 1:15 Dumating na ang takdang panahon… Malapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi kayo at sumampalataya sa mabuting balita!

“Dumating na ang takdang panahon” hindi na tayo maaaring magpaliban. Ang pagtatalaga ng ating buhay sa Panginoon ay napakahalaga at kailangang gawin ngayon mismo. Ngayon na ang panahon para sa maka-Cristianong pagkilos at pamumuhay. Ngayon na ang panahon upang mamuhay nang hiwalay sa makasalanang sistema ng mundo. Ngayon na ang panahon upang ibahagi sa lahat ng tao ang kaligtasang tanging Diyos lamang ang makapagbibigay. Ngayon na ang panahon upang magkaroon ng pagbabago sa ating buhay at maging malinaw ang ating mensahe sa nakapaligid sa atin. Ngayon na ang panahon upang tumayo kasama ng Diyos at ng kanyang misyon sa mundo. Ngayon na ang panahon upang panindigan ang ating pagiging Cristiano at mapabilang sa panig ng Panginoon. Ngayon na ang panahon sapagkat ang paghahari ng Diyos, ang kanyang kaharian ay dumating na sa mundong ito sa pamamagitan ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Cristo Jesus.

Ang pagdating ng kaharian ng Diyos ay humihingi ng dalawang tugon mula sa atin. Una, hinihingi nito na baguhin natin ang direksyon ng ating buhay. Kailangan nating magsisi. Maging malungkot dahil sa ating mga kasalanan laban sa Diyos at sa kapwa. Tanggihan natin ang mga pamumuhay na laban sa paghahari ni Jesus. Pangalawa, kailangan nating sumampalataya sa Mabuting Balita. Nangangahulugan ito ng personal na pagtitiwala sa biyayang nagliligtas ni Cristo. Ngayon na ang panahon upang maniwala na “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas” (Gawa 4:12). Magsisi at sumampalataya! Basahin din ang Mark 1:1-20.

Panginoong, tulungan mo akong magsisi. Tulungan mo akong sumampalataya. Buksan mo ang aking puso sa tunay na pagsisisi at pananampalataya. At gawin mo akong matapang para sa yo. Amen.

Q2P: Ano ang isang bagay sa iyong buhay na nais ng Diyos na iyong pagsisihan o baguhin ngayon upang mas lubos kang makasunod kay Cristo?

21/05/2026

Food for the Day
May 22, 2026

Ritwal: Totoo at maka-Diyos.

Esther 9:27 Nagpasya ang mga Judio na ipagdiwang taun-taon ang dalawang araw na ito sa takdang panahon.

Kapag ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa ating buhay, tayo’y binabago upang maging bagong tao. Ito ay naging posible dahil sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Ang kalooban ng Diyos ay nagiging bahagi ng ating pagkatao, at ang pamumuhay ayon dito ay paraan ng pasasalamat para sa kaligtasang ating tinanggap. Sa kuwento ni Queen Esther, makikita natin kung paano iniligtas ng Diyos ang mga Jews sa pamamagitan ng katapangan ni Esther at ni Mordecai. Dahil sa pagliligtas na ito, nagpasya ang mga Judio na ipagdiwang ito taun-taon. Nagtakda sila ng especial na araw upang alalahanin kung paano iningatan ng Diyos ang kanilang bayan upang maisilang balang araw ang Mesiyas. Dahil inayos ng Diyos ang ating buhay, inagaw mula kay Satanas at isinulat ng kanyang salita sa ating puso nararapat lamang na tayo rin ay magdiwang.

Hindi ba’t panahon na upang ipagdiwang mo ang iyong kaligtasan? Minsan, ang mga Cristianong lumaki sa church at hindi nakaranas ng ibang pamumuhay ay nagiging pangkaraniwan na lamang ang pananampalataya. Walang saya, walang pagdiriwang, walang galak. Ngunit nais ng Diyos na mamuhay tayo nang may kagalakan kay Jesus! Lumipas man ang maraming siglo, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio ang kapistahan ng Purim. Marahil tayo rin ay dapat magkaroon ng paraan upang taunang ipagdiwang ang ating bagong buhay kay Cristo, maaaring ang araw ng ating bautismo o ang araw na nagsuko ka ng buhay kay Jesus. Anong mahalagang yugto ng iyong espirituwal na buhay ang maaari mong ipagdiwang bilang pasasalamat sa Diyos? Basahin din ang Esther 9:20-32.

Panginoon, tulungan mo akong ipagdiwang ang iyong pagliligtas sa akin at sa lahat ng sumasampalataya sa iyo. Tulungan mo rin akong ipagdiwang ang muling pagtatalaga ng aking buhay sa iyo. Amen.

Q2P: Paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat sa Diyos sa isang makabuluhan at masayang paraan bilang pagdiriwang ng iyong kaligtasan?

20/05/2026

Food for the Day
May 21, 2026

Ang Diyos ang uuna sa atin.

Deuteronomy 31:8 Ang Panginoon mismo ang mauuna sa iyo at sasaiyo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.

Kwento ng isang foreigner, “Habang kami ng aking asawa ay bumibisita sa Pilipinas, nagkaroon kami ng pagkakataong pumunta sa Isla ng Corregidor. Nilibot namin ang ilang lumang tunnel na hinukay noong II World War, sa dating himpilan ni Gen. MacArthur. Hindi ako sigurado kung gaano katibay ang mga tunnel na iyon, ngunit tiniyak ng aming guide na ligtas ang mga ito. Nakarating na raw siya roon dati, at siya ang mauunang maglakad sa namin. May hawak siyang flashlight sa isang kamay at tungkod sa kabilang kamay, at dahil doon ay ligtas naming nalibot ang buong tunnel.” Ang karanasang iyon ay isang simpleng pag-aanyaya ng Diyos na gawin natin habang tayo ay naglalakabay sa buhay. Hindi natin alam kung ano ang naghihintay. Hindi natin masisilip ang hinaharap. Pero kaya iyon ng Diyos!

Tiyak, alam niya ang buong taon ay nakalatag na, alam niya ang ating hinaharap. At ang Diyos na nakakaalam ng lahat ng mangyayari ay nangangakong sasama sa atin sa bawat hakbang ng ating paglalakbay. Ang Diyos mismo ang ating magiging gabay, at siya ang mag-aakay sa atin sa pagdaan ng taon. Alam niya ang mga hamon na ating haharapin sa daan. Inaanyayahan niya tayong sumunod lamang sa kanya. At upang tulungan tayo sa ating paglalakbay, ibinibigay sa atin ng Diyos ang liwanag ng kanyang Salita. Gaya ng sinabi: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking mga paa at liwanag sa aking landas.” Psalm119:105 Ang kailangan lamang nating gawin ay ituon ang ating mga mata sa Panginoon, pakinggan siya, at sumunod sa kanya. Basahin din ang Deuteronomy 31:6–8.

Panginoon, tulungan mo kaming nakatuon sa iyo, making, sumunod sa iyo. Bigyan mo kami ng karunungan at biyaya. Amen.

Q2P: Anong mga bagay ang kinatatakutan o ikinababahala mo habang hinaharap mo ang bukas? Paano ka pinalalakas ng pangakong ang Diyos ang “mauuna” at sasaiyo sa bawat hakbang ng iyong buhay?

19/05/2026

Food for the Day
May 20, 2026

Maikli na ang panahon.

1 Corinthians 7:29 Mga kapatid… maikli na ang panahon.”

Ang pagrerelax at pagpapahinga ay napakahalaga sa tao. Maraming tao ang bumibili ng mga kagamitang nakakatipid ng oras upang magkaroon sila ng mas maraming panahon para sa libangan at pagpapahinga. Ngunit ang message ng talata ay may kasamang matinding pagmamadali. Sinabi ni Paul, “Maikli na ang panahon.” Matindi ang kanyang payo, na para bang hindi mahalaga ang pag-aasawa, pagkalungkot, o pagtatrabaho. Ngunit ang punto ni Paul ay ito: sa muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, nagsimula na ang bagong panahon ng kaharian ng Diyos. “Ang kasalukuyang kaayusan ng mundong ito ay lilipas.” Maraming tao ngayon ang natatakot na malapit nang magwakas ang mundo. Ngunit ang dapat nilang maunawaan ay mula pa nang magtagumpay si Jesus, ang mundong ito ay nasa panahon na ng pagbabago at paglipas.

Kaya naman ang pinakamahalagang dapat nating pagtuunan ay ang muling pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos at sa kanyang kalooban. Lahat ng bagay na nakatali lamang sa mundong ito, maging ang mga relasyon sa pamilya, ay lilipas din balang araw. Ang mga gawa lamang na nagmumula sa buhay na nakatalaga sa Diyos ang mananatili magpakailanman. Dapat tayong gumawa para sa Diyos sapagkat maikli lamang ang ating panahon dito sa lupa. Ngayon ang tamang panahon upang mabuhay para sa Diyos at sa kanyang kaharian. May isa pang bagay na dapat isipin: gaano man tayo katanda o kabata, maaaring ito na ang huling taon ng ating buhay. Ang mga sakit, aksidente, lahat ng ito ay maaaring biglang wakasan ang buhay. Kaya walang oras na dapat sayangin. Lumapit tayo sa Diyos habang siya ay lumalapit sa atin. “Maikli na ang panahon.” Basahin din ang 1 Corinthians 7:29-31.

Panginoon, gabayan mo kami at ingatan mula sa pamumuhay nang pabaya at walang layunin. Tulungan mo kaming gamitin ang bawat sandali para sa Diyos at sa kanyang kalooban. Amen.

Q2P: Kung tunay mong paniniwalaan na maikli na ang panahon, ano ang nais ng Diyos na baguhin mo sa paraan ng iyong pamumuhay ngayon?

18/05/2026

Food for the Day
May 19, 2026

Mula sa loob hanggang labas.

Hebreo 4:7 Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.

Ang muling pagtatalaga o panibagong pagtatalaga ng buhay sa Diyos ay hindi nagsisimula sa panlabas na anyo. Lagi itong nagsisimula sa loob ng puso. Kaya’t sinabi ng Diyos, “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang mga pag-iisip at isusulat ko ito sa kanilang mga puso” (Jeremiah 31:33). Maraming paraan upang ilarawan ang panlabas na paglilinis. Nagkukuskos tayo, nagpapakintab, at nagpipintura. Binibigyan natin ng bagong design ang labas. Kapag nakita ito ng mga tao, masasabi nila, “Wow! Parang bago na ang lugar.” Ngunit kung ang loob ay kailangan ding baguhin at walang pagbabago roon, panlabas lamang ang naging ayos parang pagpapaganda lang ng mukha. Isipin ang isang lumang bodega na binili ng bagong may-ari upang gawing magagarang apartment.

Binago nila ang buong loob nito para sa bagong layunin. Nang matapos ang pagbabago, muling itinalaga ang gusali para sa bago nitong gamit. Nagkaroon ng pagdiriwang dahil tunay na bago na ang nasa loob. Ipinaaalala sa atin ng Hebreo 4 na hindi nasisiyahan ang Diyos kung ilang masasamang ugali lamang ang ating aayusin. Panlabas lamang iyon. Ang nais ng Diyos ay isang matinding pagbabago ng ating kalooban. Nais niyang ang kanyang salita ay tumagos sa ating isip at damdamin upang tayo’y maging bagong tao mula sa kalooban. Kung nangyari na ito sa iyong buhay, panahon na upang ipagdiwang ang muling pagtatalaga ng iyong sarili sa Diyos. Binabago niya ang ating buhay para sa kanyang karangalan at para makatulong tayo sa iba. Basahin din ang Hebrews 4:7-13.

Panginoon, buksan mo ang aming mga puso ngayon upang mabago mo ang aming panloob na buhay. Nawa’y maparangalan ka namin sa lahat ng aming ginagawa. Amen.

Q2P: Ang mga pagbabagong nakikita ba ng iba sa iyo ay panlabas lamang, o tunay na may pagbabago nang nangyayari sa iyong puso at pagkatao?

17/05/2026

Food for the Day
May 18, 2026

Don't leave the group.

Juan 15: 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

Leave the group; madalas itong makita sa mga gc o group sa social media. Ito ay isang statement ng isang taong gustong lumayo, nasaktan, nagtampo o ayaw na magpasakop. Mahirap ang ganitong sitwasyon apektado tayo, Lalo na sa Diyos. Sa katunayan nais niyang manatili tayo hanggang wakas. Ang encouragement natin from our text. Kung malalim ka na sa pananampalataya di dapat maputol ang kaugnayan mo sa Diyos. Katulad ng alibughang anak, katulad ng naranasan ko ng akoy lumayo din minsan sa Diyos; wala tayong mahihita kung di nakaugnay sa Diyos. You’re just living the time, not fulfilling your purpose at walang saya doon. You will just be wasting resources, not enjoying the blessing; walang kapayapaan.

Hindi magbubunga. Always be connected with God. Ngayon sa mundong puno ng connection, mga cellphone, electric car o bike. Ganon din ang tubig, kuryente at wifi ayaw nating maputol. Pero ang spiritual na buhay natin lowbat na, nalilimutan nating i-charge. Ang charger natin panalangin, pagbasa ng kanyang salita at pagpupuri. Ang Prayer naging Player na, ang Word natabunan na ng world; ang Worship naging gossip na lang. Wag tayong malunod sa ino-offer ng mundo, sa emosyon natin kapalit ng koneksyon sa Diyos. Awit 1:3 Kung nakaugnay ka sa Diyos katulad moy punungkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siyay nagtatagumpay. Basahin din ang Isaah 55: 1-10.

Salamat O Diyos, kayo po ang source ng lahat sa amin. Patuloy nyo po kaming hawakan at palakasing laging naka konek sa inyo. Amen.

Q2P: Sa iyong karanasan ano ang kaibahan ng na kay Cristo o ng nasa mundo ?

Address

Sitio Tangake Pila-Pila
Binangonan
1940

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Life In Christ and His Word Ministries Int'l Main posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Share