23/05/2026
Pagninilay sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ang siyang pagtatapos ng limampung araw ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Matapos ang muling pagkabuhay at pag-akyat ni Hesus sa langit, tinupad Niya ang Kanyang pangako na ipadadala ang Espiritu Santo sa Kanyang mga alagad. Dahil dito, ang Pentekostes ay tinatawag na “birthday ng Simbahan”, sapagkat dito nagsimulang hayagang ipahayag ng mga apostol ang Mabuting Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Bago dumating ang Espiritu Santo, ang mga alagad ay puno ng takot at nananatiling nakakulong. Nang mamatay si Hesus, sila ay nanghina at naguluhan. Ngunit nang dumating ang Espiritu Santo, sila ay nabago. Ang mga dating natatakot ay naging matatapang na mangangaral. Ang mga dating nagtatago ay lumabas upang ipahayag si Kristo sa lahat ng tao. Ito ang himala ng Pentekostes: ang Espiritu Santo ang nagbibigay ng bagong buhay at lakas sa Simbahan.
Sa unang pagbasa mula sa Acts of the Apostles, inilarawan ang pagdating ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng malakas na hangin at mga dilang apoy. Ang hangin ay sagisag ng kapangyarihan at buhay na nagmumula sa Diyos. Tulad ng hininga na nagbibigay-buhay sa tao, ang Espiritu Santo ang nagbibigay-buhay sa Simbahan. Ang apoy naman ay tanda ng paglilinis, liwanag, at pag-ibig ng Diyos. Kung paanong ang apoy ay nagbibigay-liwanag at init, gayundin ang Espiritu Santo ang nagbibigay-liwanag sa isip at nagpapaalab ng pag-ibig sa puso ng mga mananampalataya.
Ang salitang “Pentekostes” ay mula sa salitang Griyego na nangangahulugang “ikalimampu,” sapagkat ito ay ipinagdiriwang limampung araw matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Sa Lumang Tipan, ito ay pista ng pasasalamat sa ani at pag-alaala sa tipan ng Diyos sa Israel sa Bundok Sinai. Ngunit sa Bagong Tipan, nagkaroon ito ng mas malalim na kahulugan dahil sa araw na ito ibinigay ng Diyos ang Espiritu Santo at isinilang ang Simbahan.
Ayon sa Catechism of the Catholic Church: “On the day of Pentecost when the seven weeks of Easter had come to an end, Christ’s Passover is fulfilled in the outpouring of the Holy Spirit.” (CCC 731)
Ipinapakita rito na ang Pentekostes ang katuparan ng gawain ni Kristo. Hindi nagtapos ang misyon ni Hesus sa Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit, kundi nagpapatuloy ito sa Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo — kasama ng Ama at ng Anak. Siya ay tunay na Diyos. Hindi Siya simpleng kapangyarihan lamang o simbolo. Siya ang Espiritu ng katotohanan, pag-ibig, at kabanalan na ipinadala ni Kristo upang manatili sa Simbahan magpakailanman.
Ayon sa CCC: “The Holy Spirit is the soul of the Church.” (CCC 797)
Kung paanong ang kaluluwa ang nagbibigay-buhay sa katawan, ang Espiritu Santo naman ang nagbibigay-buhay sa Simbahan. Siya ang gumagabay, nagpapabanal, at nagpapanatili ng pagkakaisa ng sambayanan ng Diyos.
Makikita rin sa Pentekostes ang pagbabaligtad sa nangyari sa Tore ng Babel sa Book of Genesis. Sa Babel, nagkaroon ng pagkakahati-hati dahil sa kayabangan ng tao at pagkakaiba ng wika. Ngunit sa Pentekostes, bagamat iba-iba ang wika ng mga tao, nagkaunawaan sila dahil sa Espiritu Santo. Kaya ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng tunay na pagkakaisa.
Sa ikalawang pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto itinuro ni San Pablo na iba-iba man ang kaloob at paglilingkod, iisa lamang ang Espiritung pinagmumulan ng lahat. Ang bawat isa ay tumatanggap ng biyaya upang makatulong sa kabutihan ng buong Simbahan. May kaloob ng pagtuturo, paglilingkod, pagpapagaling, pamumuno, at iba pa, ngunit lahat ng ito ay galing sa iisang Espiritu Santo.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang Sakramento ng Kumpil. Sa Kumpil, pinalalakas ng Espiritu Santo ang biyayang tinanggap sa Binyag upang maging ganap na saksi ni Kristo ang isang Kristiyano. Ipinagkakaloob din ng Espiritu Santo ang Kanyang pitong kaloob:
karunungan, pagkaunawa, pagpapayo, katatagan, kaalaman, kabanalan, at pagkatakot sa Diyos.
Ang mga kaloob na ito ang tumutulong upang mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos.
Sa Mabuting Balita mula sa Gospel of St. John, sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Sumainyo ang kapayapaan.” Pagkatapos ay hiningahan Niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Ang paghihip na ito ni Hesus ay paalala ng paglikha ng Diyos kay Adan sa Book of Genesis. Kung paanong hiningahan ng Diyos si Adan upang magkaroon ng buhay, gayundin binibigyang-buhay ni Kristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ipinagkatiwala rin ni Hesus sa mga apostol ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Dito nagmula ang Sakramento ng Kumpisal o Pakikipagkasundo. Ayon sa CCC: “The risen Lord instituted this sacrament when he breathed on his apostles and said to them: ‘Receive the Holy Spirit…’” (CCC 1485)
Sa panahon ngayon, patuloy pa ring kumikilos ang Espiritu Santo sa Simbahan. Siya ang nagbibigay lakas sa mga pari, relihiyoso, at mga layko upang maglingkod. Siya ang gumagabay sa Santo Papa at sa buong Simbahan sa pagtuturo ng katotohanan. Siya rin ang nagbibigay sa atin ng lakas upang mapaglabanan ang kasalanan at mamuhay sa kabanalan.
Ang Pentekostes ang “birthday ng Simbahan” sapagkat sa araw na ito ipinagkaloob ni Kristo ang Espiritu Santo at nagsimulang mangaral ang mga apostol sa buong mundo. Ang Espiritu Santo ang nagbibigay-buhay, lakas, kabanalan, at pagkakaisa sa Simbahan. Siya ang nagpapatuloy sa misyon ni Kristo hanggang sa kasalukuyan.
Panalangin
Halina, Espiritu Santo. Punuin Mo ang puso ng Iyong mga mananampalataya at pagningasin sa amin ang apoy ng Iyong pag-ibig. Linisin Mo ang aming puso, patatagin Mo kami sa pananampalataya, at gawin Mo kaming matatapang na saksi ni Kristo. Nawa’y patuloy Mong buhayin at gabayan ang Iyong Simbahan ngayon at magpakailanman. Amen.