16/02/2026
( PAHAYAG 10 : 7 ) Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.”
Sabi Ng Makapangyarihang Diyos
"Kapag umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian—na kasabay ng pagdagundong ng pitong kulog—ang tunog na ito ay nagpapangatal sa langit at lupa, nagpapayanig sa kaitaasan ng langit at nagsasanhi ng panginginig ng damdamin ng bawat tao. Pormal na pumapailanlang ang awit sa kaharian sa lupain ng malaking pulang dragon, na nagpapatunay na nawasak Ko na ang bansang iyon at naitatag ang Aking kaharian. Ang mas mahalaga pa, nakatatag ang Aking kaharian sa lupa. Sa sandaling ito, sinisimulan Kong isugo ang Aking mga anghel sa bawat isa sa mga bansa ng mundo upang maakay nila ang Aking mga anak, ang Aking mga tao; ito ay para din matugunan ang mga kinakailangan sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Gayunman, personal Akong pumunta sa lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, at nakikipaglaban dito. Kapag ang buong sangkatauhan ay nakilala Ako sa katawang-tao at nakikita nila ang Aking mga gawa sa katawang-tao, magiging abo ang pugad ng malaking pulang dragon at maglalaho nang walang bakas. …
Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at ito ay walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinagkakaloob Ko sa kanila ay isa pa ring anyo ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, katakutan ang isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay praktikal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10
mula sa Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw