26/04/2022
Kitaay naman kita liwat mga pinalangga nga anak sang Dios.
A MONTH-LONG MARIAN DEVOTION IS WAVING;
FLORES DE MAYO IS COMING.
Malaking parte na para sa ating mga Katoliko na tuwing sasapit ang buwan ng Mayo ay ipagdiriwang natin Ng "Flores de Mayo."
Naalala ko noong nakaraang taon, buwan ng Mayo. Habang ako'y nagbibigay ng aking lingguhang talk sa mga sakristan sa aming parokya ay tinanong ko sila kung alam ba nila ang kahalagaan kung bakit namin ipinagdiriwang ang Flores de Mayo. Kitang-kita ko ang pagyuko ng kanilang mga ulo. Nawala ang excitement sa kanilang mukha. Natatakot silang matawag. Isa lamang ang ibig nitong sabihin. Hindi nila alam kung ano ang kahalagahan ng Flores de Mayo para sa ating mga Katoliko.
Bilang isang Katoliko, nararapat lamang na malaman natin kung ano ang kahalagaan nito para sa atin. Lalo na sa isang taong simbahan. Paano mo pa maibibigay ang buong puso mong paseserbisyo sa selebrasyong ito kung hindi mo pala alam kung bakit mo ito ipinagdiriwang?
Kaya naman, noon din, ay binigyan ko ng pagkakataon ang mga batang sakristan na magtanong sa akin. At ang ilan sa mga tanong ang siyang tatalakayin natin ngayon.
• Kuya, ano nga ba ang Flores de Mayo?
—Himayin natin. Ang salitang "flores" nagmuka sa salitang Espanyol na ang ibig pakahulugan ay "bulaklak". Ibig sabihin, ang Flores de mayo ay "Bulaklak ng Mayo." Kadalasan ang selebrasyong ito ay kilala rin sa tawag na "Flores de Maria."
•Eh, ano po ang kahalagaan ng pag-aalay natin ng bulaklak kay Maria?
Ang pag-aalay o pagbibigay ng bulaklak kay Maria ay tanda ng pagmamahal at pagpaparangal natin sa kanya bilang Ina ng Panginoong Hesus.
• Eh, kuya para saan naman po 'yung Santacruzan?
Ang Santacruzan ay isang prusisyon na isinasagawa sa huling bahagi ng pagdiriwang ng Flores de Mayo— dito nangyayari aang pagaalay ng bulaklak kay Maria.
Isinisimbulo nito ang paghahanap ni Reyna Elena sa Banal na Krus na naging daan upang maging isang Kristiyano ang anak niyang si Constantino na siyang emperador noon ng Roma.
Noon din ay nagkaroon si Reyna Elena ng inspirasyong hanapin ang Banal na Krus na naging daan ng paglapit ng kanyang anak sa Diyos. Sa taong 326, matagumpay na nahanap ni Reyna Elena ang Banal na Krus at sa kanyang pagbabalik ay nagkaroon ng masayang pagdiriwang, isang pasasalamat na tinatawag natin ngayon bilang Santacruzan.
•Sinasamba po ba natin ang Inang Maria kapag binibigyan natin siya ng bulaklak?
Ang pagbibigay natin kay Maria ng bulaklak ay maihahalintulad natin sa pagbibigay ng regalo sa ating mga mahal sa buhay. Hindi ba't ginagawa natin ang "pagbibigay" upang ipakita sa taong pinagbibigyan natin kung gaano sila kahalaga sa atin? Gayon din ang pagbibigay natin ng bulaklak kay Maria.
Kagaya rin ito ng panliligaw ng isang binata sa isang dalaga. Hindi ba't may kultura tayong mga Pilipino na bago ka mapalapit sa anak ay kailangan mo munang ligawan ang magulang? Dahil malalaman ng nililigawan mo na tunay mo nga siyang mahal kung mahal mo rin ang mga taong nakapaligid sa kanya.
Ganon ang ginagawa natin. Nais nating mas mapalapit sa anak niyang Si Hesus kung kaya't "sinusuyo" natin ang Ina. Ang pagbibigay ng bulaklak ay hindi nangangahulugan na sinasamba natin siya. Ito ay tanda lamang ng taos-puso nating pasasalamat at paggalang sa kanya bilang Ina ng Diyos na ating sinasamba.
• Kuya, huling tanong, ano nga ba ang kahalagaan ng Flores De Mayo sa ating mga katoliko?
Maari bang ako uli ang magtanong sa inyo ngayon?
Gaano ba kahalaga ang mga nanay niyo para sa inyo?
Paano kayo magmahal ng ibang tao? At paano niyo mahalin ang Panginoong HesuKristo? Ang kahalagaan ng Flores de Mayo sa isang Katoliko ay nakadepende kung paano niya minamahal ang mga taong mahal rin ng Panginoon—gaya ng ating kapwa, at lalong lalo na si Maria na Kanyang mahal na Ina.
Ngayon, tinatanong kita, gaano kahalaga ang Flores de Mayo sa iyo?
📷 Varsitarian