05/01/2025
Kahapon, Enero 4, 2025, ay matagumpay na isinagawa ng Amantes del Niño Jesús ang ilang mga gawain bilang hudyat ng pagbubukas ng Pistang Santo Niño sa taong 2025.
Sinimulan ng samahan ang gawain sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa ganap na ika-anim ng gabi. Ang mga miyembro ay nag-alay ng kanilang mga sarili at makakayanan bilang pasasalamat sa mga biyaya mula sa ating Poong Maykapal.
Kasabay ng banal na misa ay ginawa rin ang makabuluhang pagsasariwa ng panunumpa sa tungkulin ng mga miyembro ng samahan, isang simbolo ng patuloy nilang pagtatalaga ng sarili sa paglilingkod at pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Sto. Niño.
Pormal ding binuksan ang Sto. Niño Exhibit 2025 sa pamumuno ni Reb. Pr. Rommel Felizardo. Ang exhibit na ito ay nagtatampok ng imahen ng Sto. Niño sa iba’t ibang titulo na pagpapahayag ng pananampalataya ng mga deboto. Ang exhibit ay naglalayong magbigay-inspirasyon at paigtingin ang debosyon ng bawat isa sa Banal na Batang Hesus, na siyang mukha ng pag-asa at liwanag sa ating buhay.
Nawa’y patuloy tayong gabayan ng liwanag ni Kristo, tulad ng bituin na naghatid sa mga Pantas sa Kanyang kinaroroonan. Sa ating pananampalataya at paglilingkod, maging daluyan nawa tayo ng pag-asa at liwanag para sa iba.
Viva Señor Sto. Niño!!!