04/02/2026
Ang Kauna-unahang Pagdalo ng Nuestra Señora de la Caridad sa Ika-sampung Morong Marian Procession
Noong Pebrero 1, 2026, buong debosyon at kagalakan na ipinagdiwang ng sambayanang Morong ang ika-sampung Morong Marian Procession na ginanap sa Parokia ng Nuestra Señora del Pilar, Morong, Bataan. Ang taunang gawaing ito ay hindi lamang isang relihiyosong tradisyon kundi isang makabuluhang pagpapahayag ng matibay at patuloy na pananampalataya ng pamayanan kay Mahal na Birheng Maria bilang Ina, tagapamagitan, at huwaran ng Kristiyanong pamumuhay.
Kabilang sa mga Marian images na lumahok sa banal na prusisyong ito sa kauna-unahang pagkakataon ay ang Nuestra Señora de la Caridad, La Reina de Ilocandiaa, na nagbigay ng natatanging espirituwal na diwa at lalim sa pagdiriwang dahil ito’y pagkilala sa kanya bilang isa sa mga Pontifically Crowned Marian Images sa Pilipinas na nagmula pa sa malayong Probinsya ng Ilocos Sur sa kanyang Pang-Arkidiosesanong Dambana sa bayan ng Bantay.
Kasama sa nasabing prusisyon, ang mga ilang deboto at myembro ng Cofradia de Nuestra Señora de la Caridad.
Sa pagwawakas ng ika-sampung Morong Marian Procession, nawa’y manatili sa puso ng bawat mananampalataya ang mensahe at paalalang iniwan na bagama’t iba-iba ang mga titulo at anyo ng debosyon kay Maria, iisa ang kanyang layunin: ang akayin ang sangkatauhan patungo sa kanyang Anak at ituro ang pamumuhay na nakaugat sa pag-ibig at paglilingkod.
Sa patuloy na paggabay ni Maria, nawa’y magpatuloy ang pamayanan ng Morong at sa lahat ng mga lumahok na mga deboto mula pa sa iba’t ibang dambana, parokia, at bayan sa landas ng pagkakaisa, pag-asa, at tapat na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
“Tauspusong pasasalamat kay APO PILAR at sa BAYAN NG MORONG sa PAGKANLONG!”
VIVA APO CARIDAD!
VIVA LA REINA DE ILOCANDIA!