02/09/2026
🙏 ANG PANALANGIN ANG ATING PINAKAMABISANG SANDATA
TODAY’S JOURNAL:
Ephesians 6:18 — “Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon sa pamamagitan ng Espiritu. Ipanalangin ninyo ang lahat ng inyong pangangailangan at patuloy kayong maging alerto sa pananalangin para sa lahat ng mga taong kabilang sa Diyos.”
MESSAGE:
Sa kahit anong sitwasyon na pinagdadaanan natin—lalo na kapag tayo ay nahihirapan, nasasaktan, nalilito, o parang hindi na natin alam ang gagawin—manalangin tayo. Minsan, isang simpleng panalangin lang ang kailangan para magkaroon tayo ng lakas, kapayapaan, at pag-asa.
Ang panalangin ay hindi lamang paraan para humingi ng tulong. Ito ay isa sa pinakamakapangyarihang sandata na ibinigay ng Diyos upang harapin natin ang mga laban sa buhay.
Ang prayer ang ating “secret weapon.” Hindi man natin nakikita agad ang ginagawa ng Diyos, kumikilos Siya sa bawat panalangin na may buong puso at pananampalataya. Kaya hindi tayo dapat manalangin lamang kapag may problema. Gawin nating lifestyle ang pananalangin.
Nais ng Diyos na lumapit tayo sa Kanya nang may buong puso, buong pagtitiwala, at malinis na motibo. Kapag ang ating panalangin ay nakaayon sa Kanyang kalooban, makikita natin kung gaano Siya makapangyarihang kumilos sa ating buhay.
Sabi sa Ephesians 6:18, “Be alert and always keep on praying.” Kaya araw-araw, gawing unang depensa ang panalangin. Bago tayo harapin ng problema, lumuhod muna tayo sa harapan ng Diyos.
Hindi natin kailangang labanan ang bawat problema gamit ang sariling lakas. May Diyos tayong makapangyarihan na handang makinig, gumabay, magbigay ng lakas, at lumaban kasama natin.
Ipagdasal natin ang ating sarili, ang ating pamilya, ang ating mga kaibigan, ang ating church, at maging ang mga taong dumaraan sa kanilang sariling laban.
Kapag hindi mo na alam ang gagawin, PRAY.
Kapag pagod ka na, PRAY.
Kapag natatakot ka, PRAY.
Kapag may problema, PRAY.
At kahit maganda ang lahat, PRAY.
Prayer is not our last resort. Prayer should be our first response.
🙏 Manalangin tayo palagi, dahil ang laban natin ay hindi natin kailangang harapin nang mag-isa. Kasama natin ang Diyos.