02/08/2026
𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗠𝗔𝗚𝗘𝗡 𝗖𝗔𝗟𝗟𝗘𝗝𝗘𝗥𝗢 𝗡𝗜 𝗞𝗔 𝗘𝗡𝗦𝗢𝗬: 𝗟𝗔𝗥𝗔𝗪𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗣𝗔𝗚𝗞𝗨𝗠𝗕𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗛𝗔𝗚𝗜 𝗔𝗧 𝗣𝗔𝗚-𝗔𝗔𝗟𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗥𝗜𝗟𝗜
Katulad ng bata sa Ebanghelyo ngayong Linggo na nagbahagi ng kanyang lilimang tinapay at dadalawang isda upang maipakain sa limang libo, ang imagen callejero ni San Lorenzo Ruiz na pinasinayaan at binasbasan ngayong araw ay bunga rin ng isang mapagkumbabang puso na nagbigay-daan upang makagawa ng himala ang Panginoon para sa Kanyang sambayanan.
Sa mga nagdaang taon, ang pangangailangan para sa isang mas maliit at magaang na imahen ni Ka Ensoy ay lalong tumingkad, dahil na rin sa masidhing pagnanais na maidalaw ang patron maging sa mga pinakasulok at malalayong komunidad ng parokya.
Gayunpaman, naging hamon ang ganap na pagpapasimula nito.
Hanggang sa may isang ordinaryong maninimba na lumapit sa ating parokya at nagpahayag ng intensyon na tumulong nang hindi nagpapakilala.
Namanata siyang malimit at regular na magbigay ng kanyang makakaya para sa Simbahan mula sa kanyang kinikita mula sa pagtitinda bilang pagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang kanyang tinatanggap.
Paunti-unti.
Papatak-patak.
Hindi man parating malaki, subalit tuloy-tuloy.
At ang mga "mumo" na bunga ng abot-kayang paggawa, ang limang tinapay at dalawang isda, ang siyang buong pusong tinanggap ng Panginoon, binasbasan, at pinarami.
Ngayong araw, pormal na nasilayan ng sambayanan ng Parokya ng San Lorenzo Ruiz ang napakagandang bunga ng bawat butil na ito ng tapat na pag-aalay at pagbabahagi ng mga biyaya para sa Diyos at sa Inang Simbahan:
isang bagong imahen ni Ka Ensoy, ang unang Pilipinong santo, na siyang maglilibot at dadalaw sa mga tahanan at mga barangay upang ipakalat pa ang masaganang biyaya ng Panginoon.
"Walang taong walâ. Lahat ay pinagpala. Huwag kang matakot, binabasbasan ng Diyos ang bawat diwang nagnanais magbahagi," ang paalala ng ating kura paroko ngayong ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Kung nagdududa ka sa kasapatan ng limang tinapay at dalawang isda na mayroroon ka, huwag kang matakot na ihabilin ang mga ito sa kamay ni Hesus, kahit paunti-unti, kahit papatak-patak.
Si Lorenzo Ruiz man ay nagduda.
Pero ang iisang buhay ni Ka Ensoy na buong pagsuko niyang inalay sa Diyos, ang Panginoon ang gumawang sanglibo, at siyang nagsisilbing daluyan ng maraming biyaya magpasahanggang-ngayon para sa buong Simbahan.
Nawa, ang bawat taong makasilay sa imaheng callejerong ito ni San Lorenzo Ruiz habang umiikot at naglalakbay sa mga lansangan, ay maaalaala ang kani-kanilang mga limang tinapay at dalawang isda na parating hinihintay at handang tanggapin ni Hesus upang paramihin.
"𝐴𝑛𝑔 𝑚𝑎𝑚𝑎𝑡𝑎𝑦 𝑝𝑎𝑟𝑎 𝑠𝑎 𝑝𝑎𝑛𝑎𝑛𝑎𝑚𝑝𝑎𝑙𝑎𝑡𝑎𝑦𝑎
𝑎𝑦 𝑖𝑠𝑎𝑛𝑔 𝑏𝑖𝑦𝑎𝑦𝑎 𝑝𝑎𝑟𝑎 𝑠𝑎 𝑝𝑖𝑛𝑖𝑙𝑖,
𝑠𝑢𝑏𝑎𝑙𝑖𝑡 𝑎𝑛𝑔 𝑚𝑎𝑏𝑢ℎ𝑎𝑦 𝑠𝑎 𝑝𝑎𝑛𝑎𝑛𝑎𝑚𝑝𝑎𝑙𝑎𝑡𝑎𝑦𝑎
𝑎𝑦 𝑖𝑠𝑎𝑛𝑔 𝑡𝑎𝑤𝑎𝑔 𝑛𝑎 𝑝𝑎𝑟𝑎 𝑠𝑎 𝑙𝑎ℎ𝑎𝑡."
Iyo ang aming puso, Lorenzo de Manila!
¡Viva Ka Ensoy!