03/10/2019
Unang Sabado ng Buwan
Debusyon Handog sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay
(Birhen ng Antipolo)
PANALANGIN SA BIRHEN NG ANTIPOLO
Masintahing Ina, sumasamo at dumudulog kami sa iyo. Sa tulong at awa mo, kami po ay iyong gabayan at akayin sa aming paglalakbay sa buhay.
Sa aming pagtahak sa buhay na puno ng pag-aalinlangan at pangamba, pagkalooban po ninyo kami ng lakas at tapang na tahakin ang landas ng iyong Mahal na Anak.
Mahal na Ina, lumalapit po kami sa iyo na dulutan mo ng mapayapang kalinga ang aming tahanan. Tulungan mo po kami na maitaguyod ng maayos at matuwid ang aming pamilya.
Sa aming paglalayag sa buhay, palakasin at patatagin mo ang bawat isa sa amin na makabuo ng isang pamayanan na pinaghaharian ng iyong Mahal na Anak.
Nawa'y sa tulong at biyaya mo, Mahal naming Ina, kami ay kupkupin ng iyong Mahal na Anak at ilagay niya kami sa ilalim ng kanyang pagkakandili at huwag kaming iwanan sa paglalakbay sa buhay lalung-lalo na sa oras ng kagipitan.
Sa pamamagitan mo Inang Mahal, pagpalain at tangkilikin mo po ang aming paglalakbay upang mabuhay kami sa kapayapaan at marating namin ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. Amen.
Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje, Ipanalangin mo kami!
Awit:
Birheng Maria ng Antipolo
Kami ay dinggin Mo
Ina naming minamahal,
Bituin naming gabay
Tulutan Mong lumaganap
Kapayapaan at Katarungan
sa Bayang Pilipinong
namimintuho sa Iyo
O, Reyna naming kayumanggi
Akayin Mo kami
Sa aming paglalakbay
Sa landas Niya ring Buhay
Tulutan Mo kaming
Makarating ng Maluwalhati
Sa aming nilalangit
Kaharian ng Diyos Ama
Nuestra Señora Dela Paz y Buen Viaje.
Ipanalangin Mo Kami!