25/04/2026
Pagninilay:
KALUNGKUTANG MAKA-DIYOS (5)
“Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.” —2 Corinto 7:10
ISA ang kalungkutang makadiyos sa mga hindi maaaring mawalang palatandaan ng pagiging anak ng Diyos, ng nakapagliligtas na biyaya. Oh, totoo nga na kahit pa sa anak ng Diyos mayroon din sa aspetong ito na pasimula pa lamang ng bagong pagsunod. Kumakapit sa kanya ang kasalanan. Ang kalungkutang makasanlibutan ay madalas na nakikita sa kanyang buhay. Mayroong mga panahon ng pagiging malahininga [‘lukewarmness’], ng kadiliman, kapag ang panalangin ng tunay na kalungkutan ay hindi lumalabas sa puso. Ngunit sa prinsipyo ang kalungkutan ay nandoon, palaging naroon, hangga’t hindi pa siya lumalaya sa katawang ito ng kamatayan. Napahalagang kaloob ng biyaya!
Kalungkutang naaayon sa Diyos. Ito ba’y bagay ng iyo o aking karanasan? Ang iyo bang buhay o ang akin bang buhay ay puno sa prinsipyo nitong pinagpalang kalungkutan. Paano ko malalaman? Paano ko makikilala kung ang aking kalungkutan ba ay makadiyos sa kanyang diwa, ang bunga ng Espiritu sa aking kalooban? Sa pamamagitan ng bunga nito ay malalaman ko. Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay namumunga. Gumagawa ito ng pagsisisi tungo sa kaligtasan, na hindi ipagdaramdam.
Tunay na ang kalungkutan ng sanlibutan ay mayroon ding sarili nitong bunga, sapagkat gumagawa ito ng kamatayan. Hindi ito maiiwasan. Ang bunga ay tulad ng puno, at ang puno ay tulad ng ugat nito at tulad sa binhi kung saan umusbong ito. Ang bunga tungo sa pagsisisi ay hindi maaaring mapalitaw ng sanlibutan. Sapagkat ito ay kalungkutang makasanlibutan, kalungkutan ng laman, ang kalungkutang nakaugat sa pagkap**t sa Diyos, ang kalungkutang iniibig pa rin ang kasalanan bagamang ikinagagalit ang kabayaran nito, ang kalungkutang lilipas sa unang mapait na pagtikim sa masamang bunga ng kasalanan nang sa gayo’y magpasimulang may bagong lakas sa paglilingkod sa kasalanan at kalikuan, idagdag ang kasalanan sa kasalanan, magtipon ng mga kayamanan ng p**t, kahatulan sa kahatulan, kamatayan sa kamatayan, hanggang ang eternal na pagsisisi sa kadiliman sa labas ang maging sukdulang resulta. Ang kalungkutang makasanlibutan ay dumadaloy mula sa kamatayan at gumagawa tungong kamatayan.
Hindi gayon sa kalungkutang naaayon sa Diyos. Madaling maitatangi ang bunga nito doon sa kalungkutang makasanlibutan. Sapagkat ito ay gumagawa tungong pagsisisi. Siya na tunay na nalulungkot sa kasalanan ayon sa pamantayan ng Diyos ay iniibig ang Diyos, iniibig ang liwanag, iniibig ang katuwiran at kabanalan, iniibig ang lahat na buhat sa Diyos; kinapop**tan niya at kinasusuklaman ang lahat ng galing sa diyablo, sa kadiliman, sa kalikuan at kabuktutan, sa karumihan at dungis ng kasalanan. Sa pag-ibig na iyon ng Diyos at pagkasuklam sa kadiliman siya ay nalulungkot at humihingi ng habag at nagpapatawad na biyaya. Ngunit sa kapangyarihan din ng pag-ibig na iyon ng Diyos siya rin ay nagbabagong-landas, palayo sa kasalanan at patungo sa Diyos na buháy at sa Kanyang liwanag.
At ang pagsisising ito ay hindi pagsisisihan [o ipagdaramdam]. Siya na tunay na nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos ay hindi magbabalik sa pagkaalipin sa kasalanan. Ito ay pagsisisi tungo sa kaligtasan, walang hanggang kaluwalhatian, at kasakdalan. Kalungkutang napalitan ng walang hanggang kagalakan! (ABANGAN: ‘Bahagyang Makaligtas’)
–Herman Hoeksema (1886–1965), ‘Communion With God,’ Part 2