05/01/2022
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON🙏
HUWEBES, ENERO 6, 2022
Huwebes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 19 – 5, 4
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” at napop**t naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita? Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Kristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesias; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 4, 14-22a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat.
Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.