21/11/2022
PARA SA PISTA NI SAN CLEMENTE
ni Gng. Editha Fuentes
Ayon sa ilang nasulat, ang Hacienda Angono ay napasakamay ni Alferez Don Andres Blanco Bermudez noong 1749. Siya ang sinasabing nagpatayo ng kapilya sa Bigâ na siyang nagpalaganap ng mga binhi ng pananampalataya sa ating bayan. Ang kapilya ring ito ang naging unang tirahan ng imahe ni San Clemente hanggang sa naitayo ang simbahan sa kasalukuyang lugar at mailuklok dito ang patron ng mga mangingisda. Kung iisipin, lampas na ng 200 taon at maaaring patungo na sa 300 taon ang pagkandili ni San Clemente sa bayan ng Angono.
Sa loob ng panahong ito, ang pananampalataya ng mga Katoliko ay umusbong at yumabong dala ng mayamang ani sa bukid at saganang huli sa lawa. Marahil ay nakatulong din ang maraming kwento ng himala ng mga hiling na natupad, mga paggaling sa sakit, ang pagbisita ng isang maputing stranghero na nag-iimbita sa kanyang piging o ang kwento ng mga Hapón na may matandang Espanyol na humampas sa kanila ng baston palabas ng simbahan.
Ang taon-taong pagdiriwang ng pista ay nagsimula sa payak na misa, dasal, at prusisyon. Nadagdagan ito ng komedya sa plaza, mga parehadora at pagoda na naglalayong bigyang-anyo ang pinagmulan ng pananampalataya. Tunay na malikhain ang mga taga-Angono kaya’t unti-unting tumayo ang mga endramada at mga palamuti. Lalo pang pinasigla ang pagdiriwang ng musika ng mga banda. Madilim pa ay nanggigising na ang mga ito sa mga nahimbing sa pagod ng paghahanda ng sari-saring pagkain.
Ang pista ni San Clemente ay naging pista ng Angono. Ang diwa nito ay isinalin sa musika ni National Artist Lucio D. San Pedro noong 1956 at iginuhit naman ni National Artist Carlos “Botong” V. Francisco noong 1960, kapwa mga anak ng Angono. Si Botong din ang nagsimula ng paggamit ng higante bilang karagdagang pampasigla sa kapistahan.
Sa paglipas ng mga taon ay lalo pang naging mas makulay at mas masaya ang pagdiriwang ng pista. Mula sa palo sebo at pabilisan sa pagkain ng pancit ay marami ng mga paligsahan tuwing pista. May paligsahan sa pag-awit, pagsayaw, at pagluluto. May mga konsyerto at ilang mga proyektong pangkomersyo upang higit na sumigla ang ekonomiya ng bayan. Hindi na lamang dalawang higante kundi isang festival na ng mga higante ang ginaganap tuwing pista.
Ano pa’t kung ikaw ay isang artista, napakaraming eksena ang maaari mong iguhit saan ka man bumaling. Sa simbahan, sa plaza, sa municipio, sa palengke, sa tabing lawa, at mismong sa mga kalye ay nagkalat ang mga buhay na larawang bubusog sa iyong mga mata at pupuno sa iyong mga tenga.
Ang hamon sa ngayon ay naiiba na. Paano bibigyan ng mas malalim pang kahulugan ang kultura at tradisyon ng ating bayan? Paanong hindi magiging larawan lamang ang pista na ilalagay sa social media? Paano hindi magiging palabas lamang ang lahat o panandaliang saya?
Sa gitna ng makulay at masayang larawan, saan ilalagay ang imahe ni San Clemente? Sa dami ng mga taong dumadayo sa bayan ng Angono tuwing pista, paano aangat at makikilala ang mukha ni San Clemente? Sa lakas ng tubig na bumubuga mula sa patubigan ng bumbero pag-ahon ng pagoda, paano makakamtan ang bendisyon ni San Clemente? Sa kabila ng ingay at kagulo, paanong mamamayani ang mensahe ng patron na magparada , pumadyak patungo sa simbahan at magbalik-loob sa Panginoon?
Noon si San Clemente ay itinapon sa dagat dahil sa kanyang pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Ang mga tao ay matagal na namintuho na sana iluwal ng dagat ang kaniyang labí. Ngayon, si San Clemente ay umiikot sa ating bayan buwan-buwan at siya naman ang namimintuho sa atin na sana tayo ay iluwal ng ating mga tahanan, makawala sa ating mga pinagkakaabalahan, at ihatid ng ating mga paa sa loob ng simbahan sa piling ng ating pintakasi at iba pang mangingisda ng kaluluwa, sa piling ni Hesus at ni Maria.
Sari-saring sining na ang nagsanga-sanga mula sa pinag-ugatang pananampalataya. Isa lang ang pinakamahalagang bunga na inaasam ni San Clemente para sa atin, na ang ating piging na pagsasaluhan sa pista sa langit ay buhay na makulay, masaya, at walang hanggan.
VIVA CRISTO REY.
VIVA SAN CLEMENTE.
Larawan ng obra ni Sean Ulang
UNANG GANTIMPALA
Pintakasi Art Competition 2022