15/08/2026
Ang kuwento ni San Tarcisio❤️🕊️
Ilang taon lamang namuhay ng payapa ang mga Kristiyano sa panahon ng Emperador Romanong si Valerio. Ang payapang pamumuhay nila ay natapos nang simula silang usigin ng Imperyo Romano sa paguutos ni Emperador Valeriano.
Taong 258 A.D. nang iniulat ni Marciano, ang tagamasid ng Roma kay Valeriano, ang mga kaganapan sa Roma bunsod ng Kristiyanismo. “Di dapat tanggapin ng Roma ang mga itinuturo ni Hesus.” Sabi niya. Ito ang naging simula ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano. Isang gabi nagkabuklod-buklod ang mga Kristiyano sa katakumba upang idalangin ang kapwa nila Kristiyano. Kasama nila si Papa Sixto II na siyang namumuno sa kanilang panalangin habang ang mga Kristiyanong bilanggo ay nanalangin araw-araw pagsapit ng bukang liwayway. Sama-sama silang nagdarasal at umaawit ng himig-papuri sa Diyos.
Si Tarcisio, anak ng isang mayaman at Kristiyanong Senador Tarsente, ay madalas na paluhod na nakikinig sa mga magagandang himig na nagmumula sa bilangguan. Isang araw, pagdating ni Tarcisio sa kanilang tahanan, nabalitaan niyang hinuli ng mga kawal Romano ang kaniyang ama. Nalaman din niya na ang kaniyang ina ay pinatay noong panahon ng pag-uusig ni Emperador Decio. Naniniwala si Tarcisio na hindi tatalikdan ng kaniyang ama ang pananampalatayang Kristiyano. At gayon nga ang nangyari.
Muling binuklod ni Papa Sixto II ang mga mananampalataya sa katakumba. Hinimok niya sila na idalangin ang kanilang mga kapatid sa bilanguan na hahatulan at papatayin kinabukasan. Isinalaysan ni Quadratus, isang kawal Romano at mananampalataya, ang kaniyang karanasan, nang makita niya ang mga bilangong Kristiyano. Hinihiling niya sa kaniya na ihatid sa kanila ng Papa ang “Tinapay ng Buhay”. Hangad ni Quadratus na tuparin ang kanilang kahilingan ngunit hini niya ito magagawa sapagkat siya’y itinalaga sa panibagong tungkulin. Marami ang nagkusang loob na tuparin ang tungkulin at isa na dito ang batang si Tarcisio.
Nakumbinsi ni Quadratus ang Papa na makabubuti na isang bata ang magdadala ng Banal na Katawan ni Kristo sa mga bilanggo. At buong pusong sinambit ni Tarcisio, “Dadalin ko po ang Panginoong Hesus at ilalagay sa aking dibdib malapit sa aking puso at iingatan ko Siya. Nakahanda po akong harapin ang kamatayan at hindi ko po hahayaang lapastanganin Siya ng mga pagano”. Kaniya ring winika na, “Ang aking kabataang ang pinakamabisang sanggalang upang maingatan ang Banal na Misteryo”. Dahil sa mga salitang ito ay lalong nakumbinsi ang Papa sa marubdob na pagmamahal ni Tarcisio sa Banal na Sakramento.
Palaging nakikipaglaro sa kaniyang mga kaibigan si Tarcisio sa Daang Appia. Isang araw nagkasama-sama ang mga kaibigan niya. Si Fabian, isa niyang matalik na kaibigan, ay nagtaka kung bakit hindi nila kasama si Tarcisio. Mga ilang sandal ay nakita nilang dumarating si Tarcisio. Mahigpit na nakabigkis ang kaniyanb mga bisig sa kaniyang dibdib. Inanyayahan siya ng kaniyang mga kaibigan na maglaro ngunit siya’y tumanggi. Ngunit nilapitan nila si Tarcisio, gusto nilang alamin kung ano ang tinatago niya sa kaniyang mga bisig.
Si Marco, isa sa kaniyang mga kaibigan ay patungayaw na sinabing, “Isang Kristiyano si Tarcisio at tinatago niya sa kaniyang dibdib ang “Banal na Misteryo”. Sinikap na ipagtanggol ni Fabian si Tarcisio at nakiusap sa kanilang mga kaibigan na huwag saktan ang mahal na kaibigan. Ngunit bunsod ng p**t, sinaktan nila at binato si Tarcisio. Duguang lupaypay sa lupa si Tarcisio. Nagtamo siya ng mga lubhang sugat sa ulo.
Dumating si Quadratus at pinigilan niya ang mga bata sa pananakit kay Tarcisio at dinala sa katakumba. Pagdating sa katakumba, iniharap siya kay Papa Sixto. Namatay si Tarcisio na hawak ang katawan ni Kristo at nakalagay sa puso. Nang sandal rin iyon, humalimuyak sa buong paligid ang isang matamis na samyo ng bulaklak.
Ayon naman kay Papa Benedicto XVI, sa isa kaniyang panayam sa lungsod ng Vaticano, noong ika-4 ng Agosto 2010. Si Tarcisio ay wala nang buhay noong siya’y dalhin sa katakumba ngunit tangan-tangan parin niya sa kanyang dibdib ang mumunting tela na sisidlan ng Banal na Eukaristiya. Agad din inihimlay ang kaniyang mga labi sa katakumba ni San Calixto. Minabuting lagyan ng kasulatatan ang libingan ni Tarcisio ni Papa Damasus; sinabi rito na ang lalaki ay namatay noong 257 AD.
Ang Martirolohiyang Romano o Talaan ng mga Martir ng Roma ay itinakda ang ika-15 ng Agosto bilang pag ala-ala sa batang-martir ng Eukaristiya. Ang nasabing Martirolohiyang ang nakapagtala ng napakagandang tradisyong oral na nagsasabing ang Kabanal-banalang Sakramento ay hindi nasumpungan ni San Tarcisio, wala sa kaniyang mang mga kamay o sa kaniyang mga damit. Ipinaliwanag din nito na ang Konsagradong Ostiya na ipinagsanggalang ng mumunting martir ng kanyang buhay ay hindi mawala, bagkus ito’y nagging laman ng kaniyang laman, na bumuo ng walang batik na Ostiyang inihahandog sa Diyos.