04/12/2021
Disyembre 4, 2021
SABADO ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
✝️ MGA PAGBASA SA MISA
🙏Unang Pagbasa:
ISAIAS 30:19-21, 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo'y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong g**o, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay makasusumpong ng malawak ng pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at a**o ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
🙏 Salmo Responsorio:
AWIT 147:1-6
:
MAPALAD ANG UMAASA
SA PANGINOON TUWINA.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit, at magpuri sa ating Diyos,
Ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang Lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
Sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
:
MAPALAD ANG UMAASA
SA PANGINOON TUWINA.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
Ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga tala,
Isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
:
MAPALAD ANG UMAASA
SA PANGINOON TUWINA.
Panginoong ating Diyos ay dakila at malakas,
Ang taglay n'yang karunungan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
Ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
:
MAPALAD ANG UMAASA
SA PANGINOON TUWINA.
🙏Aleluya
ISAIAS 33:22
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, aming hukom,
Haring nag-uutos ngayon
kaligtasa’y ‘yong ihatol!
Aleluya! Aleluya!
✝️ Mabuting Balita
MATEO 9:35--10:1, 6-8
Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin."
Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙏PANALANGIN NG BAYAN🙏
Inaanyayahan tayo ng ating Ama na maging mga tagapaglingkod para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Manalangin tayo para sa higit na pag-unawa sa kabuluhan ng ating misyon at ang kinakailangang katatagan upang matupad ito.
:
PANGINOON, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN.
o kaya
PANGINOON NG PAG-AANI, PAGPALAIN MO KAMI.
Ang Simbahang naglalakbay nawa’y higit na humikayat sa tao para sa ganap na pagbabago sa pamamagitan ng kanilang tapat na pagpapatotoo kay Kristo sa kanilang mga gawa at salita. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y maging mabisang tagapaghatid ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maipamana sa kanilang mga anak ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang pamumuhay. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga matatanda, may mga kapansanan, mga nalulumbay, at mga sawi nawa’y makadama ng pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan sa piling ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, gabayan mo ang aming hindi matatag na paghakbang habang tinatahak namin ang iyong daan. Tulungan mo kami sa aming pagpupunyagi, patatagin mo ang aming loob kapag kami ay nag-aalinlangan, aliwin mo kami kapag kami ay nasasaktan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
🙏 ORATIO IMPERATA COVID-19
(Revised January 2021)
Mahabagin at mapagmahal na Ama, nagsusumamo kami sa iyo upang hilingin ang iyong patnubay laban sa Covid-19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Tunghayan mo kami nang may pagmamahal at ipag-adya kami ng inyong mapaghilom na kamay mula sa takot sa kamatayan at karamdaman, itaguyod mo kami sa pag-asa at patatagin sa pananampalataya.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan na tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.
Nagpapasalamat kami sa mga bakunang naisulong sa patnubay ng iyong mga kamay.
Pagpalain mo ang aming mga pagsisikap na mawakasan ng mga bakuna ang pandemya sa aming bayan.
Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit.
Pagkalooban mo sila ng kalusugan sa isip at katawan, katatagan sa kanilang paninindigang maglingkod at ipagsanggalang sa karamdaman.
Itinataas namin ang mga nagdurusa. Makamtan nawa nila ang mabuting kalusugan. Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila. Pagkamitin mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong tulong tungo sa ikabubuti ng lahat. Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan. Sa pagdamay at malasakit namin sa bawat isa, malampasan nawa namin ang krisis na ito at lumago sa kabanalan at pagbabalik loob sa iyo.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos. Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan, maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo po kami.
San Jose, ipanalangin mo po kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo po kami.
San Roque, ipanalangin mo po kami.
Santa Maria Magdalena, ipanalangin mo po kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo po kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo po kami.
PANGINOON, DINGGIN MO PO ANG AMING PANALANGIN🙏
Ingatan nawa tayong lahat ng Panginoon🙏🙏