08/06/2025
Iglesia Filipina Independiente
Parokya ni Sto. Tomas de Aquino
Pagpupugay sa Pagtatapos ng Vacation Church School 2025
Maraming salamat, mga bata, dahil kayo ang naging dahilan kung bakit naging matagumpay ang programang ito. Salamat sa labing-anim (16) at higit pang oras na inyong inilaan upang makibahagi at makapagtapos sa Vacation Church School ng ating simbahan, na isinagawa mula ika-30 ng Mayo hanggang ika-6 ng Hunyo. At kahapon, ika-7 ng Hunyo, matagumpay nating ginanap ang inyong pagtatapos.
Sa mga magulang ng mga batang nagsipagtapos, taos-pusong pasasalamat mula sa Parokya ni Sto. Tomas sa inyong pagtitiwala at pagsuporta. Hinayaan ninyong maging bahagi ang inyong mga anak ng programang ito na nagsusulong ng pananampalataya, kabutihan, at pagkatuto.
Sa ating mga g**o at boluntaryo, lubos ang aming pasasalamat sa inyong panahon, sipag, at dedikasyon sa pagtuturo at paggabay sa mga bata. Ang mga aral at halimbawang inyong ibinahagi ay baon nila habang sila ay lumalaki, kasama ang pagmamahal sa Diyos at kapwa. Kung hindi dahil sa inyo, hindi magiging ganito katagumpay ang ating programa.
Sa lahat ng sumuporta at walang sawang naghandog ng tulong; panahon man, panalangin, o anumang anyo ng suporta, mula sa puso po ang aming pasasalamat. Kayo rin ang naging susi upang maisakatuparan at matapos ang programang ito.
Pasasalamat din po kay Gng. Romina Lingas Tagudin, Punong-Guro III ng Mababang Paaralan ng Sto. Tomas, sa inyong mainit na pagtugon sa aming paanyaya at sa pagbabahagi ng inspirasyong mensahe bilang Panauhing Pandangal ng ating programa.
Maraming salamat po sa inyong lahat. Nawaโy magpatuloy ang ating pagkakaisa at pagtutulungan sa mga darating pang gawain ng ating simbahan.
Lubos na nagpapasalamat,
Parokya ni Sto. Tomas de Aquino