Official Page of Our Lady of the Pillar Parish Alaminos, Laguna maintained by the Social Communications Ministry.
ANG SIMBAHAN NG ALAMINOS
Ayon sa tala ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas (CBCP), taong 1815 ay mayroon nang simbahan ang lugar ng Alaminos na noon ay tinatawag na “La Trenchera” dahil sa mga malalalim na hukay, ba
lon, o kanal na tila ba nakapalibot dito. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay makikita pa rin ang maliit na imahe ni San Joaquin na yari sa kahoy sa harapan ng simbahan. Ipinagpapalagay na ito ay nagpasalin-salin sa mga relihiyoso at sa mga diyosesanong pari ng Lipa o Maynila. Maari ding walang palagiang pari na nanirahan sa Alaminos sapagkat ito ay mga panahon kung saan nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga paring secular at mga paring relihiyoso dahil sa pakikisangkot ng gobyerno sa pagtatalaga ng mga kura paroko. Ang pinakamaagang tala tungkol sa Simbahan ng Alaminos ay nakuha mula sa mga Paring Pransiskano. Sinasabing inihiwalay ang bayan ng Alaminos sa San Pablo noong 1876. Sa kasunod na taon, 1877 ay nagtalaga ng kura paroko, si P. Siya ang nagsimulang magpatayo ng isang Simbahan na yari sa mga materyales gaya ng kawayan at nipa. Ang kanyang mga kasunod na kura, simula kay P. Del Val ang nagsimulang unti-unting magtayo ng isang bagong simbahan ngunit hindi ito maayos na nagagawa, una dahil sa kahirapan ng mga tao, kakulangan ng bayan sa mapagkukuhanan ng mga materyales na maaring gamitin, at kahirapang dalhin ang mga materyales mula sa ibang lugar. Nakapagpatayo lamang sila noon ng isang simbahang may katamtamang laki, may mga pundasyong bato at natatakluban ng bubong na yero. Ang kumbento noon ay hindi gaanong matibay sappagkat ito ay gawa rin sa kahoy at magagang materyales. kakaunti lamang ang mga kasangkapang nasa loob nito. Sa simula, ang Simbahan ay nasa ilalim ng Arsidiyosesis ng Maynila. Ito ay inilipat sa Diyosesis ng Lipa nang ito ay itatag noong 1920. nananatili ito sa ilalim ng Diyosesis ng Lipa hanggangang Nobyembre 16, 1967 nang itatag at mapasailalim ito ng bagong Diyosesis ng San Pablo. Walang nang nakakaalam kung kailan natagpuan ni Gng. Bernabela Fandino ang imahen ng Mahal na Birhen ng Pilar sa isang balon sa gawing silangan ng bayan. Napakaraming tinanggap na biyaya ng bayan at hindi na rin mabilang ang mga milagrong naganap sa tulong ng Birhen.. Hanggang ngayon, maraming bumibisita sa imaheng ito upang hingin ang tulong ng Birhen upang magkaroon ng anak, ligtas na pagdadalang-tao, kagalingan sa sakit, makahanap ng trabaho sa loob at labas ng bansa, kaligtasan sa sakuna, at iba pang tulong. Hindi naman pinapabayaan ng Mahal na Birhen ang mga dumudulog sa kanya kung ang hinhingi nila ay ayon sa kalooban ng Diyos. Bilang pasasalamat tinanghal siyang patrona ng Simbahan. Ang imaheng ito na may mukha at mga kamay na yari sa garing ay nasa pangangalaga pa rin ng mga inapo ni Gng. Bernabela Fandiño. Ang lumang retablo ng Simbahan ay yari sa kahoy na may estilong Gothic matatgpuan rito ang mga imahen ng Mahal na Birhen ng Pilar, ni San Joaquin, at ng mga Mahal na Puso ni Hesus at ni Maria. Nasa gitna nito ang isang tabernakulo na yari sa pilak. Ang santuario ay napapalibutan naman ng bakal na communion rail. Noong mga 1960, matapos ang Ikalawang Konsilyo Vaticano, pinalitan ang retablo na yari sa kahoy ng marmol na may makabagong disenyo. May malaking Krusipiho sa gitna, at matatagpuan ang imahen ng Banal na Puso ni Hesus at ng Birhen ng Pilar sa magkabilang panig ng santuario. Taong 1997 nang muling ipinagawa ang altar ng simbahan. Ito ay hango sa istilong baroque. Ang bagong altar na ito ay binendisyunan ng Lubhang Kagalang-galang Monsenyor Francisco C. San Diego, Obispo ng San Pablo, noong Oktubre 1998. Sa paglipas ng mga panahon may iba pang mga istraktura na naipatayo sa paligid ng simbahan tulad ng: tanggapan ng parokya, isang Kapilya ng Santisimo Sakramento, groto ng Mahal na Birhen ng Lourdes, mga silid para sa pagpupulong, at iba pa.