18/06/2026
“Bakit nasasaktan pa rin…?”
Susundan pa yan.. bakit naiinis pa rin, bakit nagagalit pa rin. Sinasabi ng isang pinagaling, ng isang pinatawad at nagpatawad, ng isang napuno ng pag-ibig. “More than conqueror” naturingan, palalakarin sa isang tagumpay na hindi alam ang napanalunan. Hindi maitugma sa kaisipan na kahit wala pa andun na. Na kahit di pa nakakarating, nakarating na, na kahit hindi pa natatanggap, nakatanggap na. Pagtatalong hindi mailagay ang sariling naguguluhan, maliban na Banal na Espiritu ang magbigay ng kaalaman. Tagumpay na tinanggap ay wala sa nararamdaman kung hindi sa nilalakarang ang Dios ang kagabayan. Magkaiba palagi ang nakalusot at nakaligtas ng “duguan” at “sugatan”, kumpara sa ramdam ang “sakit” at “sugat” na walang bahid ng katalunan at “kamatayan”. Na ang tagumpay na naranasan ay hindi nakabatay sa mga “natapos” at “gawang ambag” sa kaligtasan. Nakalagay palagi sa ginawa at plano ng Dios Ama noon pa man, ipadala ang Dios Anak upang bilhin ang ating mga kasalanan, at sinelyuhan ng Dios Espiritung siniguradong makakarating tayo at mananahan sa Bahay ng Ama magpakailan pa man. Oo, nabibigo pa rin pero hindi na duguan, Oo sinusubukan pa rin pero hindi na talunan. Oo nasasaktan pa rin, pero magmamahal at magmamahal pa rin. Mahirap talunin ang isang ipinagtagumpay, ipinaglaban, pinatibay at pinatatag. Na kung sakaling magtatanong kung bakit ganito at ganoon, titingala sa Langit at magsasabing, “salamat Panginoon”.
O…may tanong?
31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay?
Rom 8:31-32
From the Pastor’s Desk