10/19/2026
Santiago 1:22
“Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.”
Ang Salita ng Diyos ay hindi lamang para basahin, pakinggan, o pag-aralan. Ito ay para isabuhay.
Ang ating binabasa ay maaari nating makalimutan. Ngunit kapag ito ay ating isinasagawa, nagiging bahagi ito ng ating personal na karanasan. Nag-uugat ito sa ating puso, humuhubog sa ating pagkatao, at nagiging bahagi ng ating buhay.
Sa Santiago 1:23–24, inihalintulad ang taong nakikinig lamang sa Salita ng Diyos sa isang taong tumitingin sa salamin, ngunit pag-alis niya ay agad niyang nakakalimutan ang kanyang nakita.
Ganyan din tayo kapag binabasa natin ang Salita ng Diyos ngunit hindi ito isinasabuhay. Nakikita natin ang mga dapat baguhin sa ating buhay, ngunit kung wala tayong ginagawa, nawawalan ng saysay ang ating natutuhan.
Habang lalo nating isinasabuhay ang Salita ng Diyos, lalo itong nagiging totoo at buhay sa atin.
Kaya huwag lamang nating itanong, “Ano ang natutuhan ko sa Salita ng Diyos?” Kundi, “Paano ko isinasabuhay ang aking natutunan?”
Tandaan, ang tunay na espirituwal na paglago ay hindi lamang nasusukat sa dami ng Salita ng Diyos na ating nalalaman, kundi sa bawat transformation na naidudulot nito sa ating buhay.
🙏🙏🙏