26/08/2024
ANO ANG WAHABI AT BAKIT NILA TINATAWAG NA WAHABI ANG MGA AHLUS-SUNAH WAL JAMA'AH?
Ang katawagang Wahabi ay iniuugnay sa dalawang tao:
1- Isa sa mga grupo ng mga KHAWA'RIJ noon na itinatag ni ABDUL WAHHAB IBN RUSTOM. Ang sectang ito ng KHAWA'RIJ ay pumatay ng thousands of AHLU SUNNAH dahil hindi sila sumang-ayon sa paniniwala ng mga khawarij. At dahil sa karahasang ginawa nila ay tumatak sa puso ng mga Kamusliman, kaya naman pagkamunghi at galit ang nararamdaman nila kapag nababanggit ang salitang WAHABI. Ganoon din ang hangarin ni ABDUL WAHHAB IBN ROSTUM, ang pagmamalabis sa Relihiyong Islam at pagdadag ng mga katuruang taliwas sa katuruan ng Islam na kung tawagin ay "BID'AH".
-Ngayon kilalanin natin ang pangalawang pangalan;
2- Si Shaikh MUHAMMAD BIN ABDUL WAHHAB (rahimahullah) ay ipinanganak noong 1115 A.H. (150 years after Abdulwahab Bin Rostum died) sa bayan ng Uyaainah sa probinsya ng Najid na tinatawag ngayon na Riyad. Namatay siya noong 1792 A.D. Una siyang nag-aral sa kanyang ama na si Shaykhul Islam AbdulWahab Ibn Sulayman an-Najdi ng Fiqh ni Imam Hanbali. At pagpunta niya sa Makkah ay nag-aral siya sa Shafi'i scholar na si Abdullah Ibn Saalim Al-Basri na binansagang Scholar ng Hadith sa panahon na iyon sa lupang Hijaz at marami pa siyang naging g**o sa kanyang pag-aaral sa Islam at sa pagsasaliksik ng kaalaman ay tumungo siya sa Iraq. Sa panahong iyon ay kanyang ipinagpatuloy ang pagaaral ng Aqeedah sa pamamagitan ng mga aklat na isinulat nina Ibn Taymiyyah at ang kanyang naging estudyante na si Ibn Al Qayyim Al-jawzi.
Bumalik siya sa kanyang lugar upang Magda'wah, magpalaganap sa layuning ibalik ang paniniwala ng mga SALAF ASSAA'LIH (Ang mga Sahabah, Tabi'ieen, Atbahu tabi'ieen), na ang Qur-an at Sunnah lamang ang dapat isabuhay, kilalanin at sundin ng mga Muslim tulad ng ginawa ng mga SAHABA at mga TA'BIEEN, dahil yon lang ang tanging pag-asa na makakapagligtas sa mga Muslim, sa mundong ibabaw man ito o sa kabilang buhay. Ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para mawala ang mga pagtatambal (SHIRK) na kung saan mula sa katuruan ng mga SUFI, at ng mga SHI'AH tulad halimbawa sa pagmamalabis sa mga taong namatay, paghiling sa mga namatay, paggamit ng agimat, paggawa ng mga pagsamba na wala sa katuruan ng Qur'an at Sunnah na kung tawagin ay BID'AH.
At sa awa ng Allah nanumbalik ang dalisay na Aqeedah, ang malinis na Aqeedah (Qur'an at Sunnah) sa buong Saudi Arabia sa tulong ni King Abdul Azis ang ama ng mga nagdaang hari at sa kasalukuyan. Nanumbalik ang Dalisay na Aqeedah mula sa mga Bid'ah (pagsamba ng diyos-diyosan, pagmamalabis sa mga libingan, paggamit ng agimat atbp.)
Kaya naman umapaw ang galit at inggit ng mga mubtadi (SUFI, SHIA, ASHAIRAH, etc.) dahil sa pagpapawalang bisa ng kanilang mga panibagong katuruan na iniuugnay nila sa ISLAM.
Isa sa paraan ng mga mubtadi' na ito na kanilang tinahak, upang siraan at dumihan ang Da'wah ni SHEIKH MUHAMMAD BIN ABDULWAHHAB ay tawagin ang kaniyang da'wah na "WAHABIYYAH o WAHABISM" at ang kaniyang mga tagasunod ay "WAHABI" bilang pag-uugnay sa KASAMAANG DALA NI ABDULWAHHAB IBN ROSTUM na kung saan kumitil ng libo-libong buhay ng mga Muslim na kung tawagin ay terorismo at dala ang kanyang mga panibagong katuruan.
Kaya naman, mapapansin ninyo na ang mga taong nagsasabi o tumatawag sa atin (Ahlussunnah wal Jamaah) ng "WAHABI" ay mula sa mga taong Mubtadi' (Sufi, Shia, Ashairah, etc.).
Kaya huwag po tayong magtaka at manibago sa kanilang katawagan sa atin dahil pilit po nilang ipinapasok ang kanilang katuruan/Bid'ah na wala sa Qur'an at Hadith. GALIT sila sa atin dahil hindi natin pinapayagan makapasok at maisali ang kanilang Bid'ah sa dalisay na Relihiyon ng Allah.
Kaya lagi natin tandaan!
Ni minsan po ay hindi natin ginamit o tinanggap ang katawagang "WAHABIYYAH" dahil kung may tatanggapin tayong katawagan ay "MUHAMMADIYYAH" dahil ang pangalan niya ay nagsisimula sa "MUHAMMAD" -Mohammad ibn Abdulwahab- at hindi ang unang pangalan nito ay "WAHHAB" na katulad ni Abdulwahhab ibn Rostum.
Ngunit dahil si Mohammad ibn Abdulwahhab ay sumusunod sa Ahlus-Sunnah wal-Jama'ah ay hindi rin po natin tinanggap ang katawagang "MUHAMMADIYYAH" bagkus tinawag natin ang ating mga sarili na "AHLUS-SUNNAH WAL JAMA'AH" bilang sumusunod sa Qur'an at Sunnah na katulad ni Muhammad Bin Abdulwahhab.
Katotohanan ang tunay na Muslim ay siyang tumatahak sa katuruan ng Qur'an at Sunnah na dala ni Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم na kung saan puno ng pagmamahalan, kapanatagan, kaligtasan at habag.
Sinabi ng Allah sa banal na Qur'an;
وما أرسلناك إلا رحمة للعالمين
"Walang dahilan ng Aming pagsugo sa iyo, malaban na lamang na ito ay HABAG/AWA sa sanlibutan"
Awa at habag po ang dala ng ating Propeta at hindi po ang terrorismo, pagpatay o pagpugot ng ulo o anumang masasama na iniuugnay sa ISLAM at sa mga taong tunay na nag ngangalang Muslim (Ahlussunnah wal jJma'ah) at hindi WAHABIYYAH.
Gabayan nawa tayo ni Allah sa lahat ng ating mabubuting gawain at tanggapin nawa niya ito sa atin. Aameen.
✍️ Shaykh Labeeb AbdulRashid
Master's Degree of Aqeedah, Qassim University
Sagot na ibinigay ni Shaykh Ibn Baz sa tanong na isinulat para sa kanya na nagmula sa labas ng Saudi Arabia :
Mula kay `Abdul-`Aziz ibn `Abdullah ibn Baz para sa aking kagalang galang na kapatid, gabayan ka nawa ni Allah sa kapaki-pakinabang na kalaman at maisagawa mo ito! Ameen. Assalamu alaykum! Natanggap ang sulat mo na mayroong petsa na 2/3/1394 A.H. Barakallaahu feek! Mayroong tatlong katanungan doon tungkol sa Wahhabism. Ang sumusunod ang aking kasagutan:
Tanong 1: Itinanong mo kung ano ang Wahhabism at kung ito ba ang ika-limang Madh-hab (School of Jurisprudence) or sumusunod sa isa sa apat na Madh-hab.
Sagot: Ang kataga na Wahhabism ay ginamit ng maraming tao upang tukuyin ang da’wah na sinimulan ni Imam Muhammad ibn ‘Abdul-Wahhab ibn Sulayman Al-Tamimy Al-Hanbaly (rahimahullaah). Siya at ang mga tao na sumunod sa kanyang panawagan ay tinawag na ‘Wahhabis’. Ang bawat tao na may kaalaman ay katiyakan na narinig na ang tungkol sa da’wah ni Shaykh Muhammad ibn `Abdul-Wahhab’s (rahimahullaah). Siya ay nanawagan para sa natatanging Tawhid (paniniwala sa Kaisahan ni Allaah subhanahu wa ta’ala) at nagbigay babala sa mga tao laban sa lahat ng anyo ng Shirk (pagtatambal kaya Allah sa Kanyang Kadakilaan at pagsamba), katulad ng pananalangin sa mga patay, mga puno, bato, atbp. Siya (rahimahullaah) ay sumunod sa paniniwala ng mga Salaf (mga matuwid na ninuno) habang sa ibang bagay naman ay sumunod siya sa Madh-hab ni Imam Ahmad ibn Hanbal Al-Shaybany (rahimahullaah). Ito ay malinaw na makikita sa mga libro at Fatwa (legal na opinyon) ni Muhammad ibn ‘Abdul-Wahhab at sa mga aklat na nailimbag mula sa mga taong sumunod sa kanyang da’wah at kanyang mga anak na nailimbag. Si Imam Muhammad ibn ‘Abdul-Wahhab ay nabuhay noong panahon na ang Islam ay hindi kilala ng mga tao, ang Gulpo ng Arabia at iba pang lugar ay nilamon ng kamangmangan at ang pagsamba sa mga ay talamak na nagkalat. Kaya sinikap ng Shaykh sa kanyang sarili na labanan at sugpuin ang ligaw na paniniwala noong kanyang panahon.
Isinagawa niya ang lahat ng posibleng paraan upang mapalaganap ang Tawhid na malaya sa anomang uri ng pamahiin. Si Allah (subhanahu wa ta’ala), ay itinakda na tanggapin ni Imam Muhammad ibn Su`ud, Prinsipe ng Al-Dir‘iyyah ng panahon na iyon na tanggapin ang da’wah. Kung kaya, ang Prinsipe, ang kanyang mga anak, at ang kanyang nasasakupan ay sumuporta sa Imam, gantimpalaan sila ni Allah, patawarin ang kanilang mga kasalanan at gawing matagumpay ang kanilang mga anak sa lahat ng bagay na ikalulugod ni Niya at mga bagay na magtutuwid sa kalagayan ng Kanyang mga Alipin!! Ang lahat ng rehiyon sa Tangway ng Arabia ay namuhay sa ilalim ng matuwid na da’wah na ito hanggang sa kasalukuyan . Kung kaya, ang da’wah ni Imam Ibn ‘Abdul-Wahhab ay naaayon sa Qur’an at Sunnah .
Ang Wahhabism ay HINDI ika-limang Madh-hab katulad ng sinasabi ng ilan sa mga jahil/mangmang at mapanghusgang tao; sa halip, ito ay isang panawagan tungo sa ‘Aqidah (pananampalataya) ng Salafiyyah (mga sumusunod sa manhaj ng naunang relihiyosong mga Muslim) at ang paraan ng pagpapanumbalik sa pangunahing aspeto ng Islam at Tawhid na nakalimutan sa Tangway ng Arabia.
✍️ أبو أحمد راشد الفلبيني